Lahat ng nilalang ay nakararanas ng sakit. Mapatao man ito o hayop ay parehong hindi nakaliligtas. Kaakibat ng buhay ang sakit. Hangga't nabubuhay ka ay hindi mo maiiwasan na maramdaman ito. Mararamdaman mo kung gaano kahirap ang mabuhay. Mararamdaman mo rin kung gaano kalupit ang mundo. Ipararanas ng mundo sa iyo ang lahat ng sakit na maaari mong maranasan. Ito ang sumpa sa lahat ng nabubuhay sa mundo. At hindi nakaligtas si Clara mula sa sumpang ito. Mula pagkabata ay naranasan na niya ang iba't ibang uri ng sakit. Mapapisikal man ito o napaemosyonal. Namulat siya na puro sakit ang kanyang nararamdaman ngunit magpahanggang ngayon ay hindi pa rin siya nasasanay. Labis-labis na sakit ang kanyang dinaramdam ngunit hindi pa rin siya sumusuko. Humihiling pa rin siya na mabago ang kanyang kapalaran. Na sana ay may magligtas sa kanya mula sa malulupit na kamay ng kanyang ama at ng kanyang tiya Marife. Hiling niya na sana ay matulad siya sa mga prinsesa na nababasa niya mula sa mga libro. Mga prinsesa na sinasagip ng mga prinsipe mula sa kapahamakan at paghihirap. Kahit imposible ay humihiling pa rin siya na sana ay may isang fairytale na mangyari.