I. Pang-Housewife Ako e, Bakit ba?

31 0 0
                                    

"Gusto kong maging housewife," sabi ni Sheryl. Muntik nang mabilaukan si Julius. Hindi lang niya pinahalata. Pinatuloy niya ang pag-nguya sa Wagyu steak na in-order niya para ma-impress si Sheryl. Kaklase naman niya ang may-ari ng restawran kaya medyo may discount siya rito.


First date pa lang nila at todo pa ang pagpapapogi ni Julius. Ang sabi kasi ng common friend nilang nag-setup ng blind date, sosyal daw si Sheryl. At matalino. At maganda. "E bakit single pa?" tanong ni Julius sa kaibigan niyang si Alex noong pinaplano pa lang ang date. "Suplada ano?" dagdag pa niya. Medyo matagal bago sumagot ang Alex. "Hindi naman sa suplada.... Ano, mapili lang," ang sagot nito sabay pakita sa kanya ng picture.


Hindi maikakailang maganda siya sa picture, pero naisip ni Julius, baka angle lang iyon. Hindi rin kapayatan, pero maganda na rin ang katawan, at least sa picture. Magaling ang kumuha, o alam lang ng babaeng ito kung paano i-highlight ang profile niya sa camera. Mahirap maniwala agad basta-basta sa picture lang sa panahon ngayon. Kailangan i-assess nang malapitan, yung walang filter o Photoshop na nakialam.


"Nakuuu, pinapahamak mo ba ako?" urirat ni Julius sa kababata niyang officemate naman ni Sheryl. "Maniwala ka sa akin, p're, bagay kayo. Sa tingin ko, papasa ka sa standards nito," tiniyak ni Alex. "Ikaw yata ang pinakagwapong electrical engineer sa Meralco," sabi pa nito sabay inom ng malamig na Pale Pilsen na kinuha niya sa pridyider sa condo ni Julius. Iniidolo ni Alex si Julius dahil hindi ito nakatapos ng pag-aaral. Maagang nag-asawa si Alex, nakabuntis kasi ng minamahal niyang girlfriend, at napilitang bumuhay ng pamilya kaagad, at sa sales siya napunta.


Si Julius naman, dahil may angking talino, katulad ng karamihan sa mga panganay sa mga lower middle class na Pilipino, ay nagsikhay para tumulong sa pagpapaaral ng lima niyang kapatid. Kaya naman lampas treinta na ay hindi pa rin siya lumalagay sa tahimik. Kinukulit na siya ngayon ng kanyang mga magulang, kapatid, at pamangkin upang mag-asawa. At si Alex, buong buhay nila ay naghahanap ng makakapareha ni Julius. Sa dami ng dine-date nito, walang tumatagal na girlfriend. Alam ni Alex kung sino ang dahilan - si Julius din naman. Tapos na ang mga responsibilidad nito at malamang, ang nananaig, ay ang takot sa commitment at buhay may-asawa, dahil sa mga nakikita niyang pinagdaaanang hirap nina Alex at iba pa nilang kabarkada.

Ito na nga ba ang babaeng katapat niya? Marketing manager si Sheryl sa isa sa pinakamalalaking multinational corporations sa bansa. Mga limang brand na ang hawak niya sa ngayon. Dahil sa sipag at tiyaga sa pagtatrabaho, hindi masyadong naasikaso ang lovelife. Mas hilig niya pa raw ang mag-tour sa iba't ibang bansa kasama ang mga kaibigan, ayon sa press release ni Sheryl. Ang totoo ay hindi lang siya basta-basta nagkakagusto sa lalaki. May listahan siya talaga at ayaw niyang bawasan ang mga katangiang hinahanap niya. Kahit nagsipag-asawa na ang halos lahat ng mga kaibigan niya at ninang na siya ng mga anak nila, sikat na si Sheryl sa pagiging mapili niya.


"O, bakit parang hindi ka naniniwala?" nakangiting tanong ni Sheryl habang kumakain ng Caesar's salad. Iyon lang ang in-order niya at parang walang ganang kumain, pansin ni Julius. Hindi alam ni Julius, kasama ang linyang ito sa test ni Sheryl sa mga dine-date niya. Depende kung paano silang mag-react sa kanyang pangarap, oo, tunay na pangarap niya ito, na maging ganap na maybahay, ay nakikita niya kung bagay sila o kung gugustuhin pa niya ng pangalawang date.


"Ha, ano, hindi. Iniisip ko parang sayang naman ang talino mo at ang career mo kung magiging housewife ka lang," sagot agad ni Julius. Paano ba niya maipaliliwanag ang pagkagulat niya? Hindi niya maubos-maisip kung paanong si Sheryl, na naka-branded malamang mula ulo hanggang paa, na amoy French perfume (hula lang naman niya na French, ang bango kasi) at naka-manicure ang kamay (pati siguro sa paa, pedicure yata ang tawag doon, sabi ng mga kapatid niyang babae), na nangingislap ang alahas, na maganda ang makeup, kung paano ito mabubuhay bilang isang plain housewife. Parang kailangan bilyonaryong may-ari ng TV station ang asawa nito para mapasaya siya. Hindi niya sinabi lahat itong naisip niya dahil baka mag-walkout ang kausap niya. Tinanong na lang ulit niya si Sheryl, "Ayaw mo ba talaga ng pasta man lang? Baka hindi ka mabusog sa salad!"

Iba na ang May PlaylistTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon