Sira kasi eh.

147 2 0
                                    

Gumising siya upang makausap ang ama mula sa kabilang linya. Salamat sa internet at nagiging madali ang lahat para sa kanilang dalawa. Alas quatro na ng umaga at alas sinko naman ng hapon sa kanyang ama. Binuksan niya ang skype sa computer at tinawagan ang ama. Sa pangatlong ring niya sinagot ang tawag ng anak.

“Anak bakit ang dilim diyan?”, ang sabi agad ng ama.

“Sira po kasi yung switch.”

“Hindi parin ba naaayos?”, ang sabi niya sabay lingon sa kaliwa. May kinausap.

“Hindi parin po eh, wala po kasing mag-aayos.”, ang mahinahon niyang tugon.

“Wala ba diyan mama mo para ayusin yan?”

Kinusot niya ang matang inaantok pa dahil sa maagang pagkakamulat. “Naandito po kaso wala naman po siyang alam sa ganung bagay. Natatakot po siyang makoryente.”

Ang ama ay muling napatangin sa kaliwa at mula sa kaliwa dumaan ang isang babae. “Anak wait lang ha, may gagawin lang ako ha. Next time nalang tayo mag-usap ha. Ganito nalang, kuhanan mo ng pictures lahat ng sira diyan sa bahay tapos isend mo sakin ha? I love you!”, ang nagmamadaling sabi ng ama habang nakangiti.

“Wait lang po.”, ang sabi niya sa isip niya. Gustuhin man niyang pigilan ang ama sa kadahilanan na gusto pa niya itong makausap ngunit hindi niya kaya. “Sige po. I love you.”, lang ang nakayanan niyang isagot. Sagot na punong puno ng lambing at lungkot.

Natapos na ang pag-uusap nila. Pinatay niya ang computer at muling bumalik sa higaan. Dala dala niya ang lungkot at tampo sa kanyang paghiga. Gusto pa sana niyang ikwento sa ama kung paano siya nakakuha ng mataas na marka sa eskwelahan at kung paano siya unang natutong mag bisikleta. Dahil sa banayad pa sa kanyang mga mata ang antok ay hindi nagtagal ay nakatulog na din siya.

Pagkagising ay kinuha niya agad ang camera. Kinuhanan ang sirang switch. Pumunta din siya sa CR upang kuhanan ang sirang flush ng inodoro at ang sirang bintana sa may sala. Umupo siya upang magpahinga. Bumawi ng kaunting hangin at muling tumayo upang kuhanan ang huling sirang bagay. Kinuha niya ang isang picture frame. Makikita ang larawan ng isang masayang pamilya. Isang batang musmos na yapos yapos ng kanyang ina at naka akbay naman ang kanyang ama sa kanyang ina. Pagkatapos nito, inupload niya ang mga larawan at sinend sa kanyang ama.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 17, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Sira kasi eh.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon