Kabanata 2 - Ang Daan Pauwi

Magsimula sa umpisa
                                    

Maliwanag ang buwan kung kaya't kahit papaano ay naaaninag niya ang hitsura ng asawa. Kung ikaw ay aalis na naman bukas at kung abutin ng ilang linggo o buwan ang iyong paglisan, hindi ko lubos maisip kung maaalala ko pa rin ang iyong hitsura dahil palagi ka namang wala rito, ito ang mga salitang ibig niyang sabihin sa asawa ngunit pinili niyang sarilinin na lamang.

"Nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos dahil ligtas kang nakauwi. Iyo pa ring naaalala ang daan pauwi. Magandang gabi sa 'yo, Alfredo" wika ni Agnes gamit ang mahina niyang boses saka dahan-dahang isinara ang pinto.

Sa pagkakataong iyon ay iminulat ni Alfredo ang kaniyang mga mata at napatingin sa gawi ng pintuan. Sandali niyang inisip ang sinabi ni Agnes na kaniyang narinig bago muling ipinikit ang mga mata.


KINABUKASAN, hindi pa sumisikat ang araw ay maagang nagising si Agnes upang ipaghain ng almusal ang asawa katuwang si Manang Oriana at ang mga kasambahay. "Tila maganda ang gising ng aming Señora" ngiti ni Ana habang nagbabati ng itlog.

"Mahalaga na salubungin natin ang bawat umaga nang may ngiti sa labi upang pumasok ang swerte" ngiti ni Agnes, nagkatinginan sina Manang Oriana at Ana. "Wala nang mas sasaya pa sa isang maybahay na bumalik ang kaniyang asawa matapos ang ilang araw na paglalakbay" dagdag ni Manang Oriana habang naghihiwa ng bawang at sibuyas.

Maingat namang hinahalo ni Agnes ang nilulutong arroz caldo at tinikman iyon. "Kahit papaano ay nawala na rin po ang inyong pag-aagam-agam. Maging ang pamilihan ay natahimik na rin po ngayon nang mabatid nilang bumalik na si Señor Alfredo" ngiti ni Ana, nagulat ito nang bigla siyang kurutin ni Manang Oriana sa tagiliran.

Napatigil si Agnes sa paghahalo ng arroz caldo at napalingon sa kanila. "Usap-usapan sa pamilihan?"

Pinandilatan ng mata ni Manang Oriana si Ana. Ngunit huli na ang lahat dahil dumulas na sa bibig ng dalagita ang kumakalat na balita tungkol kay Alfredo.

"Itong batang ito, kung anu-ano ang ginagawang kuwento" wika ni Manang Oriana upang hindi na magtanong pa si Agnes ngunit tuluyan nang humarap sa kanila si Agnes saka tinakpan ang palayok.

"Sabihin niyo sa akin. Ano ang kumakalat na usap-usapan tungkol sa amin?" ulit ni Agnes, mahinahon lang ang boses nito. Kailanman ay hindi niya pinagalitan o pinagbuhatan ang mga kasambahay dahil tinuturing niya itong mga kaibigan at kaagapay niya sa mansyon.

Halos mabali na ang batok ni Ana sa sobrang pagyuko. Hindi siya ngayon makatingin kay Agnes at Manang Oriana. "Ana. Hindi ba't katapatan at katotohanan ang higit kong pinapahalagahan? Ang paglilihim ay kakambal din ng pagsisinungaling" 

Napapikit si Ana at napakagat nang madiin sa kaniyang labi. "A-ayon po sa aking naulinigan na usap-usapan sa pamilihan... M-may nakakita po kay Señor Alfredo sa Bulakan" panimula ni Ana, napangiti si Agnes saka muling tinanggal ang takip ng palayok at hinalo ang niluluto roon.

"Hindi naman malaking bagay iyon. Maaari namang dumiretso si Alfredo sa Bulakan mula Maynila. Marami siyang lupain na inaasikaso ngayon. Malamang ay may nag-alok sa kaniya ng ibinebentang lupa roon" kampanteng sagot ni Agnes.

"A-ang sinasabi po ng mga tao sa pamilihan ay may nakakita raw po kay Señor Alfredo sa Bulakan noong isang linggo kasama ang isang hindi kilalang binibini" napatigil si Agnes sa kaniyang ginagawa. Naalala niya ang mahalimuyak na pabango na dumikit sa damit ni Alfredo.

Sasabihin na lang sana ni Agnes na maaaring kakilala o babae ang nagbebenta ng lupain. Hindi dapat husgahan agad ang kaniyang asawa. Ngunit naunahan siya ni Ana nang magpatuloy ito sa kaniyang pagsasalita.

"May bahay daw pong inuuwian si Señor Alfredo sa Bulakan kasama ang isang binibini na hindi rin taga-roon" nabitiwan ni Agnes ang sandok, lumulubog na ito sa arroz caldo, sinubukan niyang kunin ito ngunit napaso siya sa mainit na lugaw.

Lo Siento, Te Amo (To be Published under Taralikha)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon