SPOT 32: LIGHTNING

Start from the beginning
                                    

Tumayo ako saka hinarap ang mga babae. Hindi ko man makita ay nagtagpo na ang mga kilay ko. Labag sa kalooban ko ang sigawan ang tulad nila kaya kahit gustong-gusto ko silang pagsabihan ay tumalikod ako, nagmartsa pababa ng akyatan.

Lumipat ako sa katapat na audience seat kung saan mas maraming tao. May mga lalaki rin kaya panatag na ang loob kong hindi lang ako ang lalapitan ng mga babae. Ipinuwesto ko ang aking sarili sa pinaka-gitna pa rin saka naupo.

~PPPPPRRRRRRRTTTT!!!~

Tumaas ang tingin ko sa ibaba nang marinig ang pito mula roon. Mabilis akong tumayo at sumandal sa metal grills. Mas lumalakas ang tibok ng puso ko at parang ako ang naglalaro mismo roon. Ako yata ang mas sabik sa try-outs kaysa kay Macthara na prenteng nakatayo habang nasa leeg ang bat at naghihintay na siya naman ang tawagin.

Masusi niyang sinusuri ang buong field na nagsisimula sa babaeng nakahelmet na nakasuot ng brown na malaking gloves. Nasa tabi nito ang batter na pumuwesto sa kaliwang box. Sa gitna ng rectangle ay naroroon ang pitcher na nakaanggulo ang katawan, nakapokus ang mata sa hawak na softball. Nakakalat na rin ang natitira pang pitong players. Tatlo sa inside court at tatlo sa labas.

"Four people will evaluate your performances for every category. We'll begin with the first group to bat. Prepare yourselves, athletes!" sigaw ng lalaking mukhang coach na katabi ang isa pang babaeng mukha talagang coach. Siguro ay nasama si Macthara sa unang grupo kaya isa siya sa may hawak ng bat.

Kumaway ako bigla nang tumingala siya pero mabilis niya ring inalis ang paningin sa akin. Napanguso muli ako. Ganiyan ba siya magtampo? Magpaparamdam pero bigla ring manlalamig. Mas nakakatakot pa siya sa multo. Pati ako'y nagtatanong na rin sa sarili kung ano ang nagustuhan ko sa kaniya. Hindi naman kaaya-aya ang ugali. Argh!

Naku, naku talaga! Ako'y nagayuma!

Nanuod na lang ako ng iba niyang kalaro. Hindi ko iihiyaw ang pangalan niya. Wala siyang cheer na maririnig mula sa akin. Hindi na nga maganda ang simula ng araw ko kanina. Ako pa ngayon ang hindi niya pinapansin. Akala niya ba ay siya lang ang titingnan ko sa field. Hindi kaya ako pumunta rito para panuorin siya. Sumunod lang ako kasi wala siyang kasama papunta rito.

Niliko ko ang aking tingin sa nagpipitch ng bola. Lumipad man ito sa tapat ng batter ngunit hindi niya ito natamaan. Nasalo iyon ng naka-helmet o kung tawagin nilang catcher sa softball. Pumito ang coach at pinagbigyan muli ang manlalaro.

Nasagi ng mata ko si Macthara na nakatingala muli sa akin. Walang emosyon. Walang gana. Napansin niya sigurong hindi ko siya pinapanuod at nasasaktan na ang pagkatao niya. Bilang ganti, ako naman ang nag-iwas ng tingin. Kung puwede lang sana'y irapan ko rin siya pero hindi niya iyon makikita sa sobrang layo namin sa isa't isa.

Siya lang ba ang may karapatang magsungit? Ako rin, 'no, Dong!

Sinilip ko nga ulit siya sa gilid ng mga mata ko. Baka nasobrahan ang pagmamasdan niya sa akin at tuluyan na siyang mahulog sa tulad ko. Ngunit nagulat ako nang hindi na siya nakatingin sa akin. Halos bumigay ang mga binti ko. Ang taas talaga ng tingin niya sa kanyang sarili. Ako na lang lagi ang sumusulyap sa babaeng iyan!

Natapos ang pitong players at umabot ang try-outs nang kuwarenta minutos. May mga nagtagumpay pero marami ang sablay. Pumito ang lalaking coach sa ibaba at itinuro si Macthara. Tumango siya saka ipinuwesto ang sarili sa kaliwang batter box. Kaluwete niyang hawak ang bat at seryoso ang mukha niyang nakatitig sa pitcher, naghihintay sa pagbato ng bola.

Itinaas ko ang mga braso ko sa ere saka sumigaw sa abot ng aking makakaya. "MACTHARA SARTRE, IKAW ANG PINAKA-MASUHAY, PINAKA-MAGALING! PABIDA KA KAYA GO ALL-IN! MAGIGING PROUD PA AKO SA IYO!" ngumiti ako sa tagumpay nang tingalain nila ako. Maging ang babaeng inihiyawan ko ay tumunghay rin. Nakangisi siya pero bakas ang saya sa mata. Nagustuhan niya ang papuri ko. "NO ONE CAN BEAT THE SUPREME. AND THAT'S YOU, BABY! I'M GONNA STAY HERE YELLING YOUR NAME TILL YOU ACE THIS TRY-OUTS!" dagdag kong kininditan pa siya.

SPOT HIM BEHIND (the Spot Saga: Season 1)Where stories live. Discover now