Kabanata 28

198 12 0
                                    

Kabanata 28. I Cursed

Natagpuan ko ang aking sarili na nakatayo sa tabing lawa, sa pagkakataong ito ay kasalukuyan akong nasa isang malawak na bukirin na madalas ding dinadayo dito sa bayan namin.

Tanging ako lang naman ang nandito dahil ang ilan sa mga tao ay nando'n sa kabilang parte ng lawa, mas okay na rin iyon dahil mas dama ko ang katahimikan at kapayapaan.

Kumukuha ako ng maliliit na bato at isa-isang hinahagis ito sa lawa bilang pampalipas oras, dito ko inalis sa aking isipan ang anumang bumabagabag sa akin sa mga oras na ito.

Tanging ako at ang kalikasan lamang ang siyang kasama ko para maibsan ang kalungkutang bumabalot sa aking pagkatao.

Sa buhay ng isang tao ay tunay ngang hindi mo mahuhulaan ang mga susunod na magaganap, may pagkakataon kasing akala mo magtutuloy-tuloy ang sayang nadarama mo pero maaaring iyon na rin pala ang huli.

Siguro gusto ng buhay na bigyan tayo ng pagkakataon na bumangon ulit, kasi para sa'kin gano'n naman talaga ang pag-ikot o ang galaw ng mundo.

Darating sa puntong sobrang masaya ka, darating din sa puntong lalamunin ka ng lungkot. Pero isa lang ang sigurado ko, dapat kang magpatuloy sa buhay dahil wala namang ibang tutulong sa'yo kundi ang sarili mo lang.

Sa sitwasyon ko, totoong umasa ako na merong magic ang balon. Nakakatawa kung iisipin dahil sa edad kong ito ay naniniwala pa ako sa mga gano'n, tama naman si Bren na sobrang tanga kong tao.

Pero kasi hindi naman ako tulad niya, ang kaibigan ko kasi ay may pamilyang inuuwian habang ako ay hindi manlang alam kung nasaan ang mga magulang, ni wala nga akong numero nila o anumang larawan na natira.

Mahirap maging mag-isa sa totoo lang, pakiramdam ko ay wala akong ibang kasamang lumaban. Kaya siguro gano'n nalang ako ka-desperadong humanap ng pagmamahal sa isang taong kahit kailan ay hindi naging totoo, sa pagsusulat kasi ay nararamdaman kong hindi ako nag-iisa.

Kaya pala napapansin ko nitong mga nagdaan ay may mga kakaibang katangian nang pinapakita sa'kin si Selwyn, akala ko noon ay normal lang pero naalala kong wala akong gano'ng isinulat sa aking libro.

Hanggang sa minulat ako ni Bren, dito ko mas lalong napatunayan na ang Selwyn na nakasama ko ay isang simpleng tao lamang din at kung tutuusin ay isa siyang estranghero dahil buong akala ko ay alam ko ang lahat sa kaniya sa pag-aakalang siya ang fictional character ko na nagkatotoo.

Nababalot ako ng pagsisisi dahil ibinigay ko ang lahat sa kaniya, hindi ko maiwasan na mandiri lalo na sa tuwing maaalala ko na ilang beses kaming nagkaroon ng pagtatalik.

Siguro mula dito ay dapat na akong tumigil, dapat nang magtapos ang lahat mula dito. Muli akong yumuko sa aking tuhod at dito ko naramdaman na may tumabi sa'kin.

"Bakit ba nandito ka pa?" tanong ko dahil batid ko naman kung sino ang nasa aking tabi.

"Para hanapin at puntahan ka, mahal ko,"

Ngumisi ako, "Pwede bang tigilan mo na ang katatawag sa'kin n'yan? Nakakairita lang eh,"

"Mag-usap naman tayo,"

"Wala tayong dapat pag-usapan, Selwyn," mariiing sagot ko.

"Bigyan mo ako ng pagkakataon, alam kong hindi gano'n kadaling maipaliwanag ang lahat. Pero hayaan mo ako bigyan ito ng linaw at mapatunayan na totoo ang lahat ng nararamdaman ko para sa'yo,"

Umiling ako, "Tama na, sa una palang wala naman tayong koneksyon. Pinandidirihan ko ang sarili ko na bumigay ako sa'yo, bumigay sa isang taong hindi ko naman talaga alam ang buong pagkataon," sagot ko at napayuko na lamang ako.

Humangin nang malakas sa pwesto namin kaya naman ramdam ko muli ang lamig at katahimikan, wala nang bumasag nito dahil mukhang pati siya ay hindi na ako magawang kausapin dahil anumang sasabihin niya ay babarahin ko lang.

"Hindi man ako ang taong nanggaling sa libro, handa akong maging siya para lang mapaligaya kita. Mahal ko,"

Umiling ako, "Sa oras na tawagin mo pa ako sa ganiyan hindi ako magdadalawang isip na sapakin ka, kanina ka pa eh. Hindi ka ba nahihiya?!" inis kong sabi.

"Hindi ako nahihiya dahil pinaglalaban ko ang sarili ko, pinaglalaban kita at kung ano mang meron tayo,"

"Edi sumabak ka sa gera! Tanginang paglalaban 'yan,"

"Hindi pa ba gera itong pinasok ko? Kevin, handa ko naman sa'yo patunayan ang lahat. Hindi ko maunawaan na kung bakit gano'n nalang kabilis nagbago ang lahat sa pagitan na'tin, gano'n nalang ba 'yun? Matapos ng mga nangyari?" ang wika pa niya, dito na ako tumayo at akmang pupunta sa lawa pero pinigilan niya ako.

"Teka, saan ka pupunta?"

"Bakit mo ako pinipigilan? Una sa lahat, wala kang alam sa pagkatao ko. Wala kang pake sa nararamdaman ko, hindi mo rin alam kung sino talaga ako!" sigaw ko sabay alis ng kaniyang pagkakahawak sa'kin.

"Hindi maganda ang binabalak mo, pakiusap maupo ka nalang dito sa tabi ko! Sasabihin ko ang lahat ng gusto mong malaman, 'di ba ito naman ang hiniling mo? Ngayon dumating na ako bakit ba iniisip mo na hindi pa rin iyon nagkatotoo?"

"Wala naman akong hiniling na masaktan at gaguhin ng isang tao, tama na 'yan. Tumigil ka na dahil ano mang nangyari sa'tin ay kinakalimutan ko na!" muli akong dumiretso sa lawa at lumusong, ramdam ko ang lamig ng tubig pero hanggang dito ay sinundan niya pa rin ako.

Iniharap niya ako sa kaniya, "Kevin, pakiusap maniwala ka sa'kin. Mahal kita noon pa man, hindi ko lubos maisip kung bakit mo ako itinutulak palayo! Nandito na ako, Kevin. Hindi mo na kailangan maging mag-isa, kaya bakit mo ako pinagtutulakan!" sagot niya at dito niyakap niya na ako para hindi na ako makapunta sa malalim na bahagi ng lawa.

"Selwyn, bitawan mo na ako. Kung ganiyang mahal mo pala ako ay hayaan mong gawin ang gusto ko,"

"Kung gagawin mo 'yan, paano na ako? O kung paano na si Bren ang kaibigan mo? Paano kaming dalawa na siyang tunay na nagpapahalaga sa'yo?" lalo akong umiyak sa kaniyang sinabi.

"Si Bren lang naman ang nakaunawa sa'kin magmula noon, kung hindi niya malalaman ang tungkol dito hindi siya mag-aalala. Kung malaman niya man, alam kong maiintindihan niya,"

"Nababaliw ka na ba? Bakit mo naman iniisip ang ganiyan?! Kaibigan mo siya, natural na mag-alala siya sa'yo kapag nawala ka!" patuloy ko siyang pinagtutulakan pero ayaw niya talaga akong bitawan.

Luhaan akong tumingin sa kaniyang mga mata, "Tama na pakiusap, walang kwenta ang buhay ko dahil nagpauto ako sa'yo. Ginawa ko naman ang lahat, nagpakatotoo naman ako sa sarili ko pero tang ina bakit naman pinaglalaruan ako ng tadhana ko?"

"Huminahon ka muna, hindi ko kinakaya na makita kang umiiyak. Pakiusap, nandito na ako 'di ba? Hindi ko na hahayaan na maging mag-isa ka ulit!" sagot niya at dito tuluyan niya akong niyakap.

Hindi ko na siya nagawag itulak pero nakasubsob na lamang ang aking mukha sa kaniyang dibdib, pareho na kaming basa hanggang sa aming bewang at dito ko binuhos ang aking emosyon.

Gusto ko siyang itulak pero wala na akong lakas para doon, hinayaan ko nalang ang aking sarili na umiyak habang nakayakap sa'kin ang isang taong nagbigay sa'kin ng kakaibang sakit, lungkot, at kung ano-ano pang kailangan para gumuho ang aking mundo.

© kopimakiyato

Tadhana Nga Naman (BXB) [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon