"Boys? Kayo na naman?" galit na wika ng librarian.

"Sorry po, Ma'am," sabay-sabay nilang sabi.

Napahawak ako sa dibdib at pilit na pinakalma ang aking sarili. Ibig sabihin, umpisa pa lang niloloko na ako ni Colby?

Pero bakit? Ano'ng atraso ko sa kaniya para gawin niya iyon sa akin?

Ang sakit. Ang sakit sakit. Bakit ngayon pa kung kailan hulog na hulog na ako sa kaniya?

Hindi ko na napigilan ang aking sarili kaya medyo napalakas na ang paghikbi ko sa sulok. "E-elle?" nauutal na wika ni Colby nang silipin niya ang pinanggalingan ng iyak. Pareho silang nagkatitigan ni Kenji.

Agad ko siyang nilapitan at sinampal nang napakalakas. Siguro naman ay sapat na iyon upang malaman niyang nasaktan niya ako nang sobra.

Wala na akong pakialam kung makaagaw iyon ng atensiyon sa iba pero hinding-hindi ko matatanggap ang panlolokong ginawa niya.

Hinabol niya ako palabas. Pinilit niya akong makipag-usap muli sa kaniya pero nagmatigas ako. Hindi ko siya pinakinggan.

Ano pa bang paliwanag ang dapat kong marinig? Hindi naman ako gano'n katanga para hindi maintindihan na hindi niya ako kailanman sineryoso.

Gusto kong magwala no'ng araw na 'yon. Gusto kong isigaw sa kaniya lahat ng galit ko pero hindi ko ginawa. Nang dahil sa letseng pustahan na 'yan, nahirapan na akong magtiwala ulit ngayon.

Hindi ko alam kung dapat ko rin bang sisihin ang sarili ko. Bakit hindi ko man lang napansin na wala palang totoo roon sa mga ipinakita niya?

Akala ko kasi nagkamali lang ako ng pagkakakilala sa kaniya pero hindi pala. Ang galing, 'no?

Siya yata ang nagpauso na pati panloloko, ini-effort-an para maging makatotohanan. Hindi man lang niya inisip na may damdaming masasaktan nang sobra sa oras na manloko siya.

Iyak ako nang iyak no'n sa kuwarto ko pag-uwi ko. Unang beses kong umiyak sa maling tao. Bakit siya pa, na mahal ko, ang gumawa nito sa akin?

Umabot ako sa puntong pati mga kaibigan niya hindi ko na rin pinapansin kapag nagkakasalubong kami sa campus.

Isinumpa ko no'ng araw ding 'yon na hinding-hindi na ako magmamadali sa pag-ibig. Masakit ang ginawa ni Colby. Habangbuhay nang mag-iiwan ng marka ang sugat na ginawa niya sa aking puso.

Hindi ko namalayang kanina pa pala ako umiiyak. "'Yan kasi, Elle. Alam mo namang bangungot ang nakasulat dito pero binasa mo pa rin," pagkausap ko sa sarili.

Sa labis kong pag-iyak, hindi ko namalayang nakatulog na pala ako.

♡♡♡

Nagising ako sa tunog ng alarm clock. Muntik pa akong mapatakbo kung saan sa pag-aakalang may pasok ngayon.

"Gosh! Araw ng linggo ngayon, Eloa," mahinang wika ko. Nasapo ko na lamang ang aking noo bago nagpagulong-gulong sa kama.

Nagka-hangover yata ako sa mga alaalang sinariwa ko kagabi dahil ramdam ko pa rin ang kirot nito hanggang sa pag gising. Nagkamali yata ako ng desisyon na muling basahin iyon.

Kinuha ko ang cellphone na nakalapag sa mesa malapit sa aking kama at agad na binuksan 'yon. Tumambad sa akin ang sunod sunod na notification mula sa aking Wattpad account.

Bigla ko na lamang naihilot ang aking hintuturo sa sentido. May isa kasi akong reader na bigla na lamang sumulpot at sunod sunod na nag-iwan ng komento roon sa nobelang tapos ko nang isulat.

No'ng una, hinayaan ko lang dahil akala ko bored lang siya at naghahanap ng mapaglilibangan. Sumunod na araw, puro votes naman mula sa kaniya ang natanggap ko. Hindi pa yata siya nakuntento dahil nag-private message pa siya sa akin.

Natuwa naman ako nang sabihin niyang nagandahan siya sa takbo ng istorya pero katulad ng iba kong reader, hindi rin niya nagustuhan kung paano ito nagwakas. Madalas akong makatanggap ng gano'ng feedback kaya hindi na 'yon bago sa akin.

Simula nang isulat ko ang mga nobela kong 'yon, nakahanap ako ng mga mambabasa na nauunawaan ang sakit na pinanghuhugutan ko.

Nakatagpo ako ng karamay at ang ilan sa kanila ay naging malapit sa akin kahit hindi kami personal na magkakakilala talaga.

Maliban na lang sa isang 'to na hindi ko alam kung bakit halos araw-araw may ganap sa Wattpad account ko. Gano'n siya ka-consistent.

Tatlong taon ko na siyang follower. Ibig sabihin, tatlong taon na rin niya akong kinukulit. Uso naman ang mag-mute ng account pero ewan ko ba kung bakit hindi ko 'yon magawa sa kaniya.

Halos gawin niyang messenger ang Wattpad account ko. Palibhasa alam niyang hindi ko siya makikilala kaya ang lakas ng loob niyang i-message ako rito.

Ni hindi ko nga alam kung paano niya na-discover ang mga nobelang pina-published ko rito. Kung hindi kasi pagpapansin ang ginagawa niya, panay "hi", "hello", "kumain ka na ba?" ang mga hirit niya.

Pa-fall 'yan? Obvious kasing lalaki ang may ari ng account base sa profile at paraan niya ng pakikipag-usap.

Hindi ko kailangan ng lalaking aaliwin ako dahil sad girl ako, natatawa kong komento sa isipan.

Wala sana akong balak patulan siya kung hindi lang dahil sa mensaheng nabasa ko kinaumagahan.

Miss author, may plano ka bang magsusulat ng nobelang may happy ending kung sakaling magmamahal ka ulit?

Bigla akong napabalikwas ng bangon at muling binasa iyon.

May kung anong pumitik sa loob ng dibdib ko na naging sanhi upang mas lalong lumakas ang pagkabog nito. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon ko. Malakas ang kutob kong kilala niya ako sa personal o baka nagkakamali lang ako ng iniisip.

Sinubukan ko siyang reply-an. Kilala ba kita?

Ngunit natapos na ang araw at lahat, walang reply akong natanggap mula sa kaniya. Sino'ng hindi maiinis doon?

♡♡♡

Tinta, Luha, at Ikaw [Completed] ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon