"Paniguradong may hinala ka na sa nangyari sa ating ama, Sumakwel. Gusto mo bang malaman kung anong ikinamatay ng ating Ama sa kaniyang murang edad?" walang pasubali niyang sambit. Isang kaway niya lang sa alipin ay binigyan na siya muli nito ng panibagong kopita, at habang sinasalinan siya ng alak ay hindi naalis sa akin ang matalim niyang titig.
"Ikaw," anas niya at dinuro sa akin ang kopita.
"Ikaw ang may pumatay sa ating ama!" At walang habas niyang binato ito sa mukha ko.
Natuptop ang aking labi habang naliligo sa alak.
Anong ibig niyang sabihin? Paanong ako ang pumatay sa aming ama kung nasa bayan ako ng mga aswang?
Handa na akong magpaliwanag nang malimutan ko ang aking sasabihin pagtingala ko kay Biribog. Humahangos na siya sa galit at buong kumpiyansang binabagsak sa akin ang lahat ng sisi.
Nang mapansin niyang wala akong maintindihan sa pangyayari ay napasandal siya sa kanyang upuan habang hindi nawawala ang pagkakakunot noo.
"Hindi kita gustong sisihin sa bagay na ito pero kahit anong isipin ko!" singhal niya. "Ikaw lang ang nakikita kong puno't dulo ng problemang ito. Alam mo bang nagpapatayan na ang mga tao sa bayan natin?"
Lumukso ang puso ko sa malaking katanungang idiniin niya. Kaya ba gano'n na lamang ang takot nila ng makita ako?
Nanginginig ang aking kamay habang hinihintay ang kanyang paliwanag.
Nais kong magdahilan ngunit siya ang datu ng bayang ito at isa lamang akong hamak na mandirigma.
Hanggang sa tuluyang kumalma na rin si Biribog at ipinaliwanag ang kasalukuyang problema sa aming bayan.
"Natatandaan mo ba si Amilay? Iyong dalagang nakapangasawa ng lalake mula sa kabilang bayan at nanirahan dito sa 'tin."
Tumango ako. "Si Barangitaw. Siya iyong malakas na mandirigmang tumulong nang gapiin natin ang mga mamumugot ulo."
"Siya nga. Isang buwan matapos kayo lumisan ay lumapit itong si Amilay sa ating amang datu upang isumbong na ang kanyang asawa ay isa palang aswang."
Aswang? Kaya pala gano'n na lamang ang lakas niya noong nakasama ko siya sa pakikidigma.
"Hindi magawang patayin ng ating amang datu si Barangitaw dahil malaki rin ang pagkakautang ng loob natin sa kanya kaya naman inutusan niya na lamang si Barangitaw na umalis ng bayan at huwag ng babalik pa. Ngunit, sa halip na sundin ang utos ng ating ama ay bigla tumingin si Barangitaw sa kanyang asawa at matapos no'n ay bigla siyang bumagsak na walang buhay."
Namayani ang katahimikan sa pagitan namin.
"Pa . . . paanong?"
Napakibit balikat si Biribog. "Hindi ko rin maintindihan kung anong kapangyarihan ang tinataglay ng mga aswang. Kahit ako ay naguguluhan kung papaanong napatay niya ang kanyang sarili ng gano'n na lamang."
Napahimig ako. "Kung ang huli niyang tiningnan bago bawian ng buhay ay ang kanyang asawa." Napasinghap ako. "Kung gano'n ay nalipat ang pagkaaswang kay Amilay?"
"At iyon din ang dahilan kung bakit malaki ang galit ni Amilay sa mga aswang. Dahil nasa likuran siya ng ating Amang Datu noon ay biglang dinukot ni Amilay ang puso ng ating ama at kinain ito."
Yumukom ang aking kamao sa pagkulo ng aking dugo. "Nasaan na siya?"
"Hindi inaasahan ay mayroon pa palang isang aswang sa bayan natin. Kaya matapos patayin ni Amilay ang ating ama ay agad niyang sinugod ang nanahimik na aswang at pinatay ito. Ngunit may ispiritong sisiw ang aswang na iyon, kaya ng mapatay siya ni Amilay ay lumipad sa pinakamalapit na tao ang ispirito at siya'y naging aswang.
"Dahil sa umusbong na galit ni Amilay sa mga aswang ay hinahanap niya ang mga bagong aswang at pinapatay ito. Hanggang sa wala ng tigil ang pagiging aswang ng mga inosenteng tao, at namamatay sa kamay ni Amilay."
Napadiretsong inom ng alak si Biribog sa may palayok dahil wala na siyang kopita.
"Kung hindi mo lang dinala ang buong sandatahan ay magagawa naming pigilan si Amilay. Pero habang tumatagal ay mas lumalakas siya, at habang tumatagal ay nanghihina naman kami. Sumakwel, sa tingin mo ba ay kaya mong pigilan si Amilay."
Napatayo ako ng tuwid. "Kaya ko!"
Natawa ng pagak si Biribog. "Sumakwel, kahit na mapatay mo si Amilay, sino sa tingin mo ang susunod na magiging aswang? Sino sa tingin mo ang susunod na magpapatayan?"
Bumagsak ang aking balikat sa realisasyong tama nga siya. Ibang uri ng aswang ang kinakaharap namin sa ngayon, at hindi ito tulad ng mga aswang na kinitil ko sa may kabundukan.
Ang aswang na kinakaharap namin ngayon ay may isipiritong sisiw, at ang mga sisiw na ito ang nagpapasa-pasahan sa iba't ibang katawan.
Ang kalaban ay isang ispirito kung saan wala akong kakayahang puksain.
Bumalik si Biribog sa pagtungga ng alak sa kanyang palayok.
"Alam mo, Sumakwel. Sumuko ka na lang, tanging mga katalonan o may basbas ng diwata lamang ang makakaayos ng problema nating ito. Pero wala tayong gano'n kaya magpahinga ka na lang din diyan. Kakagaling mo pa naman sa digmaan."
Tama. Gano'n na nga. Tulong mula sa katalonan!
Ngunit . . . nasawi ang sinama kong katalonan sa may kabundukan. Kaya ba gano'n na lamang ang paninisi niya sa akin? Dahil wala ng sinuman ang may basbas ng diwata na makakatulong sa amin?
Kung gano'n ay . . ..
"Papaganitohan ko ang mga diwata. Manghihingi ako ng tulong sa kanila."
Napaismid siya. "At paano mo naman makukuha ang pabor ng magigiting na Diwata?"
Buong kumpiyansa ko siyang hinarap, mata sa mata, na hindi binababa ang aking tingin.
"Igaganito ko aking buong sarili—ang aking katawan at ang aking kaluluwa kapalit ang tulong ng diwata."
"Handa kang maging sakripisyo?" Lumalim ang pagkakakunot ng noo ni Biribog.
"Para sa ikagiginhawa ng ating bayan."
BINABASA MO ANG
Beast-Eating Hero
FantasyWattys 2023 Winner | Most Engaging World Award I'm Miko, an overweight chef, and a part-time mukbang livestreamer. And I believe that food is life. But one day, dungeons appeared inside the balete trees. And chosen people are transported in this dun...
Chapter 15
Magsimula sa umpisa