Hannoa Kingdom: I

Magsimula sa umpisa
                                    

"Isang taon na rin ang lumipas noon dumating siya sa harap ng bahay ampunan na ito. May sakit lahat ng bata at agad niyang pinagaling ang lahat kapalit lamang ng mainit na inuming gatas at matutulugan." nakangiting sinabi ni ginang Klara.

"Biyaya si miss Maple sa Hannoa." sabi ni Yuno.

"Oh siya. Baka naaabala na kita."

"Mauuna na rin po ako. Magkita na lang po tayo bukas ng umaga ginang Klara." sabi ni Yuno at nagbigay-galang siya kay ginang Klara.

"Lola. Magluluto na po ba ng hapunan? Tutulong po ako." sabi ni Maple habang nakakapit sa kanya ang mga bata.

"Ay hindi na. Alam ko naman na di ka marunong magluto. Bantayan mo na lamang ang mga bata." nakangiting utos ni ginang Klara kay Maple.

"Pero mauubos ang pasensya ko sa kanila. Anong gagawin ko?" tanong ni Maple sa kanyang sarili.

Sa bandang huli ay nakipaglaro na lamang si Maple ng bula sa mga bata hanggang sa isa-isa silang mapagod.

"Kakain na." tawag sa kanila ni Ginang Klara.

Mabilis na nagtakbuhan sa loob ang mga bata at nahuli si Maple para masiguro niya na nakapasok ang lahat ng bata.

"Pssst." sitsit kay Maple.

Lumingon si Maple sa paligid pero wala siyang nakita.

"Pssst." sitsit ulit sa kanya.

Sa pagkakataong ito ay nakita ni Maple ang isang pamilyar na puting buhok na nagtatago mula sa likod ng mga palumpong.

"Anong ginagawa mo d'yan, Gaiya?" tanong ni Maple.

"Ahahaha. Nahuli na pala ako." sabi ni Gaiya at lumabas na siya mula sa kanyang pinagtataguan.

"Pumasok muna tayo. Kakain na daw sabi ni lola."

Agad naman silang pumasok at tumulong sa paghahanda ng pagkain para sa mga bata. Si Gaiya ay naging kaibigan ni Maple at sa kanila nanggagaling ang istak nila ng gatas. May malaking bukirin sila Gaiya na siyang nag-aalaga ng mga baka. Si Gaiya ay isa ring elf na may puting buhok at bughaw na mata. Mahaba at nakatirintas ang buhok ni Gaiya na nakapatong sa kaliwang braso niya.

"Bakit ka nga pala naparito, Gaiya?" tanong ni ginang Klara kay Gaiya habang kumakain na sila.

"Nais ko lang po sana ayain si Maple mamaya sa plaza."

"Plaza? Bakit? May nagaganap ba sa plaza?" tanong ni Maple habang kumakain ng patatas.

"May nagaganap na iba't ibang paligsahan sa plaza. Gusto lang sana kita ilibot dahil hindi mo naabutan ang paligsahan noong nakaraang taon."

"Hmmm... Pwede naman ako lumabas pero kailangan mo ko hawakan. Baka maligaw ako." pabirong sinabi ni Maple.

"Kahit naman sabihin mo iyan ay hindi pa kita nakikitang naliligaw." sabi ni Gaiya habang nakangiti.

"Malamang. Dahil ayokong ipakita na mahina ako sa direksyon." komento naman ni Maple sa sinabi ni Gaiya sa kanya.

"Oo nga pala. Meron ding bagong bukas na guild sa plaza. 'Demise' merchant guild ang tawag sa kanila. Di ba naghahanap ka ng ibang pang trabaho? Baka iyon na ang sagot sa tanong mo."

"Tignan natin bago tayo lumibot mamaya."

"Hala sige, kumain na muna kayo." sabi ni ginang Klara.

Matapos nilang kumain ay agad nilang inilagay ang mga bata sa kani-kanilang mga kwarto at saka nagtungo sa plaza.

"Miss Maple, miss Gaiya." bati ni Yuno sa kanila. "Narito rin ba kayo para makilahok?"

"Ahh hindi. Manonood lang po kami." sagot ni Maple at napansin niyang iba ang ngiti nina Gaiya at Yuno sa isa't isa.

"Oh? Tamang-tama. May mga libreng pagkain din silang ipinamamahagi sa mga nanonood." sabi ni Yuno.

Napukaw naman ng atensyon ni Maple ang mga elf na pumapana at nalimutan ang tungkol sa guild na pupuntahan niya.

"Iyan ang pinakasikat na kompetisyon. Bihira lang ang mga sumasaling tao dahil sa galing ng mga elf." pabulong na sabi ni Gaiya.

"Ngayon na lang ulit ako nakakita ng elf." komento ni Maple.

Sa dulo ng mga manlalaro. Isang babaeng may kulay kupas biyoleta ang buhok. Mahaba ito na umaabot sa tuhod. Natatamaan naman ng mga ilaw sa paligid ang tila pakpak ng babaeng iyon na parang si Maple lang ang nakakakita. Tumira ang babaeng iyon at tumama ito sa kanyang target. Tumira pa ang babaeng iyon ng dalawa pang beses at lahat iyon ay tumama sa iisang pwesto.

"Ooooohh!! Ang galing niya." komento ni Maple ngunit hindi niya ipinapakita na natutuwa siya sa babaeng iyon.

Nakangiti namang ipinagmamalake ng babaeng iyon ang sarili niya at tumingin siya sa mga manonood na pumapalakpak sa kanya. Bigla namang kumunot ang noo niya nung nakita niya ang mukha ni Maple na walang kahit anong emosyon.

"Ikaw..." tawag ng babaeng iyon kay Maple.

Nagulat naman si Maple nung tinawag siya.

"Bakit ako?" tanong ni Maple habang itinuturo niya ang kanyang sarili.

"Wala kang karapatan manood kung hindi ka nagalingan sa akin." masungit na sinabi ng babaeng iyon kay Maple. "Inuutusan kita ngayon na ipakita sa akin ang kaya mo."

"Pero hindi ako marunong n'yan." sagot ni Maple.

Bigla namang itinapon ng babaeng iyon ang pana't palaso sa harap ni Maple. Lahat ay nagbulungan at nakibalita kung sino ang hinahamon ng babaeng iyon.

"Maple, umalis na lang tayo." pabulong na sinabi ni Gaiya.

"Buong buhay ko ay nag-ensayo ako nito kaya malabong matalo niya ako." sabi ng babaeng iyon sa kanyang kinakausap habang nakangisi.

Nainis naman si Maple.

"Buti na lang ay may nagturo sa akin ng basics." sabi ni Maple at kinuha niya ang pana't palaso.

"Miss Maple, umalis na lang tayo." sabi ni Yuno habang pinipigilan si Maple.

Ngumiti lang naman si Maple at pumwesto siya sa harap ng target. Pinaghiwalay ang dalawang paa niya na nakatapat pa rin sa target. Iniangat niya ang mga kamay niya. Sa kaliwa ay hawak ni Maple ang pana habang sa kanan naman ang palaso. Inilinya naman ni Maple ang ulo niya sa braso niyang may hawak ng bow para makita ang target niya.

"Tatlong tsansa lang ang ibibigay ko sa 'yo." sabi ng babaeng iyon kay Maple.

"Sapat na ang tatlo." seryosong sabi ni Maple at pinakiramdaman niya ang hangin.

Kinabahan naman ang babaeng iyon nung nilingon siya ni Maple bago siya tumira. Kinabahan siya dahil maganda ang postura ni Maple. Ang unang tira ni Maple ay bahagyang lumabas sa target pero hindi tumigil si Maple at agad tumirang muli. Dahil ramdam ni Maple sa buong katawan niya na tama ang posisyon niya ay agad niyang itinira ang dalawang palaso na natira at lahat iyon ay tumama sa target.

"Woah... Napakahirap pala nito. Kailangan ng matinding pokus kung gusto mong matamaan ang target mo. Buti na lang ay komportable ako sa espada ko. Napakagaling ng mga taong kaya tumira ng malayo." sabi ni Maple sa kanyang sarili habang hinihilot ang kamay niya.

Tahimik naman ang lahat dahil sa kanilang nakita.

"Imposible." sabi ng babaeng iyon.

"Posible. Hinahangaan na kita kanina kaso hinamon mo ako. Pasensya na kung napahiya ka." sabi ni Maple at itinapon niya ang pana sa harap ng babaeng iyon at umalis na.

"Ang galing mo dun, Maple. Hindi ko alam na marunong ka pumana."

"Tyamba lang iyon. Hindi talaga ako marunong nun." sabi ni Maple at lumabas na ang kaba niya na tinatago niya kanina. "Nakakatakot sila. Tara na. Alis na tayo." pag-aaya ni Maple kay Gaiya na puno ng kaba.

"Teka-" sabi nung babaeng humamon kay Maple.

Nagulat naman si Maple nung may dumaan sa harap niya na pamilyar na pulang buhok.

"Kuya?"

From Kingdom to KingdomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon