Napakunot ang noo ko at saka binalingan ang kotseng tinuturo ni Riella. Si Tristan ba talaga ang naghatid sa kanila? Usually kasi ay ipinahahatid lang sila sa driver.
Noong humingi ako ng space kay Tristan ay talagang ibinigay niya iyon sa'kin. Simula noon ay wala na kaming naging pag-uusap maliban na lang pag tungkol sa mga bata. Sa loob din ng isang taon ay isang beses lang kaming nagkita. Iyon ay noong nagbirthday yung mga anak namin.
Sa totoo lang ay nakatulong talaga sa'kin ang paglayo namin sa isa't-isa. Habang magkalayo kasi kami ay ang mga bata lang ang naging tulay namin. Tuwing nagkukwento sila ay palagi nilang ipinarerealize sa'kin kung gaano kabuting ama si Tristan. Nagpapasalamat talaga ako sa kanya dahil doon.
May tumawag kay Oliver kaya nagmamadaling nagpaalam na ito sa'kin. Nagulat pa ako nang humalik ito sa pisngi ko kaya lalong humaba ang nguso ng mga anak ko.
Hinawakan ko na ang mga kamay nila para akayin sila papasok ng building. Lalapitan ko pa sana si Tristan para kamustahin ang pakiramdam niya kaya lang ay bigla naman niyang pinaharurot ang sasakyan niya paalis bago pa ako makalapit.
Pagkapasok namin sa condo ay nagbihis muna ako bago maghain ng meryenda para sa mga bata. 8 pm to 2 am ang schedule ko sa trabaho kaya may pagkakataon pa akong umidlip. Sigurado namang maya-maya ay nariyan na rin si Anita dahil siya ang makakasama ng mga bata dito habang wala ako ngayong gabi.
Kinagabihan habang naghahanda ako sa pagpasok sa trabaho ay dumating si Anita. Tulog na ang mga bata kaya magbabantay na lang naman siya.
"Lila, pinabibigay ni Sir Tristan" ani Anita sabay abot sa'kin ng isang envelope. Kunot-noong tinanggap ko naman iyon at saka binuksan.
Parang may blade na humiwa sa dibdib ko nang makita kong annulment papers ang nasa loob ng envelope. May pirma na rin niya iyon at akin na lang ang hinihintay.
Bakit? Matagal ko na siyang kinukulit tungkol dito pero ayaw niya then all of a sudden ay ipapadala niya sa'kin ito ng pirmado na! Anong problema niya?!
Nanggigigil na kinuha ko ang phone sa bulsa ko at saka tinawagan siya pero ang walanghiya ay hindi ako sinasagot. Ilang sandali pa ay hindi ko na siya macontact, marahil ay in-off na niya ang phone niya.
Nagmamadaling kinuha ko ang bag ko at lumabas ng condo. Inis na inis ako. Anong problema niya? Nakakita na ba siya ng ibang babaeng pakakasalan?! Tangina niya, space lang ang hiningi ko sa kanya hindi annulment!
Pumara ako ng taxi at nagpahatid sa address niya sa isang exclusive subdivision na malapit lang rin dito sa condo. Nakarating na ako doon dahil kung minsan ay ako na mismo ang sumusundo sa mga bata pag busy si Tristan at hindi available ang driver niya.
Pagkarating ko doon ay dire-diretsong pumasok ako ng gate. Hindi naman ako sinita ng guard dahil nakilala ako. Sumaludo pa nga ito sa'kin.
Tahimik ang buong bahay pagkapasok ko. Madilim din dito dahil patay ang ilaw sa sala. Hindi na ako nag-abala pang buksan ang ilaw. Dumiretso ako sa hagdan at umakyat. Ilang sandali pa ay nasa harap na ako ng pinto ng kwarto ni Tristan.
Sunod-sunod na kumatok ako doon at hindi naman nagtagal ay bumukas iyon. Gulat na gulat siya nang makita ako kaya bago pa siya makahuma ay isinampal ko na sa kanya ang annulment papers niya. "Anong kagaguhan ito, Laurente?"
Kunot na kunot ang noo niya. "What? Di'ba matagal mo nang hinihiling sa'kin 'to?"
"Gago! Space lang ang hiniling ko hindi annulment! Bakit bigla kang naghamon ng hiwalayan?! May papakasalan ka nang iba, ha?! Akala ko ba hihintayin mo ako hanggang end of the world?! Sinungaling ka talaga!" pakiramdam ko'y nanlalaki na ang butas ng ilong ko sa sobrang gigil pero wala akong pakialam. Gigil na gigil ako sa lalaking 'to!
Kabanata 27
Magsimula sa umpisa