"Ang hiyas ang liwanag ng aming mundo," paliwanag ni Sic. "Ang mga daluyan ng enerhiya mula sa mundong ibabaw ay naiipon sa Tore ng mga Pantas at sinasala ng hiyas upang magamit ng mga nilalang dito sa aming mundo bilang salamangka."
"Bakit kailangan ninyo ng enerhiya galing sa mundo ng tao? Wala bang natural na enerhiya ang mundo ng mga engkanto?"
"Nilalang kaming walang kaluluwa Amari. Tanging mga nilalang sa mundong ibabaw ang mayroon nito kaya nakapaglalabas sila ng enerhiya, ngunit biniyayaan naman kami ng kakaniyahan na manipulahin ito. Sa ganitong paraan ay nagkakaroon ng interaksyon ang ating dalawang mundo. Nagbabalanse ang mga enerhiya," paliwanag niya.
"Ang bawat pagkilos at paggawa ay naglalabas ng enerhiya. Ang negatibong enerhiya ay iniipon ng mga tagapagbantay patungo sa mga daluyan. Ang positibong enerhiya naman ay nagsisilbing proteksyon sa mga lagusan patungo sa inyong mundo. Mayroong tinatawag na mga engkantong tagapagbantay sa mundong ibabaw na naatasan upang bantayan ang mga daluyan at itaboy ang sinuman na mapadpad sa mga lugar na pinag-iipunan nito."
"Minsan may mga nakakawalang ligaw na engkanto at aswang. Sila iyong naghahangad ng mas maraming kapangyarihan at nananahan sa mundo ng mga tao upang higupin ang kanilang enerhiya gamit ang pagkitil at pagkain ng laman. Ito ay labag sa mga kautusan ni Bathala."
"Ngunit nang mawala ang hiyas sa Tore ng Pantas ay nawala ang pinagkukunan ng mahika ay mas dumami ang mga engkanto at maligno na umakyat sa mundong ibabaw upang magnakaw ng enerhiya. Marami sa kanila ang naroon at naghahasik ng lagim. Sila'y nakapag-a-anyong tao."
"Kapansin-pansin nga ang pagdami ng krimen sa mga nakaraang mga taon, ito ba'y konektado sa hiyas?" Kinilabutan ako. Maaaring araw-araw ay nakakasalamuha pala ng mga tao ang mga maligno, demonyo at aswang ng hindi nila alam?
"Oo. Parami nang parami ang mga kampon ni Sitan na naghahasik ng lagim sa mundong ibabaw," napailing siya. "Hindi dapat ganito. Nawala ang balanse ng dalawang mundo. Kapag tuluyang nasakop ni Sitan ang mundo ng mga tao ay hihigupin niya at ng kaniyang mga kampon ang lahat ng enerhiya. Mamamatay ang inyong mundo kagaya ng unti-unting pagkamatay ng mundo ng mga engkanto."
"Ngunit bakit ako? Napakarami naman sigurong ibang mas may higit na kakayahan, pero bakit sa akin ipinagkaloob ang hiyas?" Ito'y isang biyaya at sumpa.
"Hindi ko alam ang sagot sa tanong na iyan. Maging ako ay nahihiwagaan," pag-amin ni Sic.
Saglit akong natahimik upang pag-isipan ang aking mga nalaman. Napakarami ko pa ring tanong ngunit kahit papaano ay mayroon nang nasagot sa mga ito. Siguro naman ay hindi ako niloloko ni Sic. Dahil sa kaniyang ginawang pagtatanggol sa akin kanina ay nagkaroon na ako ng kaunting tiwala sa kanila.
"Nasaan nga pala si May-I?" Kanina ko pa napapansin na wala ang laman-lupa.
"Nariyan sa tabi mo," sagot ni Adriel.
"Ha?" Nagpalinga-linga ako pero wala namang nuno sa aking tabi.
"Ayan, nakasandal ka pa nga sa bahay niya."
Napatingin ako sa umbok ng lupa kung saan nakahilig ako. "May-I?"
"Hindi, hindi 'yan si May-I," natatawang sagot ni Sic, "iyan ang kanyang punso."
Isang guwang ang namuo sa gilid ng punso at nagkorte itong mukha ng nuno.
"Ay palaka!" Napatalon ako sa gulat.
"Hinahanap mo ba ako, binibini?" Nakangiti niyang tanong sa akin. Tuluyan nang iniluwa ng punso ang kanyang buong katawan.
"A, e... n-nagtatanong lang ako." Napakagalang ng nuno sa punso. Iba siya sa mga nababasa ko sa libro na masungit at nagbibigay ng parusa sa mga tao. "Iyan bang punso ay ginawa mo dito?"
BINABASA MO ANG
Amari [Tagalog]
FantasyWattpad Writing Battle of the Year 2015 Finale Entry Isang hindi inaasahang tagpo ang nagpabago sa buhay ni Amari Ellis Santiago tatlong taon na ang nakalilipas. Isang tagpo na lubos niyang kinatatakutan. Isang tagpo sa nakaraang nais niyang takasan...
Ikaapat na Kabanata: Ang Hiyas ni Bathala (unedited)
Magsimula sa umpisa