"Ang sabi ni kuya sa akin, wala na daw sila."
"At umaasam ka naman. Hoy! ang laki ng tanda n'un sa'yo ano!" dinuro-duro pa ang noo ko. Sanay talaga siyang manduhan ako. Kung hindi ko lang siya kaibigan, sinabutan ko na ang maiksi niyang buhok.
At kahit kailan, kontra-bulate at nega itong si Nere. Pero inaasahan ko na iyon dahil alam kong mali. Maling -mali ang nararamdaman ko kay Damon. Anim na taon ang tanda niya sa akin. At alam ko rin na hindi niya ako magugustuhan kung sakali man na magkasing edad lang kami.
Sabi ni kuya sa akin, magaganda ang nagiging nobya ni Damon. Mga seksi at mapuputi. Ano nga naman ang laban ko? Hindi ko nga maamin na maganda ako dahil nakikita ko naman na hindi ako maganda. Ayoko naman na sabihan akong makapal ang mukha dahil nagpapantasya ako na maganda ako.
Makapal na mukha sa kahihiyan, ayoko ng lumala pa. Napabuntong hininga ako ulit. Masakit sa akin na magka-crush kay Damon. Nagsisikip ang dibdib ko sa sakit at panghihinayang.
Mawawala rin siguro ito, tutal hindi ko naman siya nakikita.
"Speaking of the devil..." mahinang bulong ni Nere.
Kinabahan akong bigla, hindi ko matukoy kung bakit. Nanginig ang mga tuhod ko. Nakikita ko ang imahe ni Damon na papalapit sa amin.
Anong gagawin ko? Napatingin ako kay Nere. Nagsusumamo ang tingin ko sa kaniya na tulungan ako kung ano ba ang dapat kong maging reaksyon. Palapit si Damon!
Nahigit ko ang hininga ko nang isang dipa nalang ang namamagitan sa amin. Sumasabay pa ang lakas ng kabog ng dibdib ko.
Nere! Tulungan mo 'ko! Napapikit na lang ako sa sobrang kaba.
Napa-igik ako nang maramdaman ko ang pagsiko sa akin ni Nere. Nakalagpas na sa akin si Damon ng 'di ko namamalayan. Saka ko lang pinakawalan ang hininga ko.
Narinig ko na may binibili siya ng kung ano. Hindi ko maintindihan. Kabog ng kabog ang dibdib ko. Napatingin ako kay Nere, nag-uudyok siyang lapitan at kausapin ko si Damon. Sunud-sunod ang pag-iling ko. Bakit ko kakausapin si Damon kung wala naman akong sasabihin?
Napataas sa langit ang tingin ni Nere. Hinawakan niya ko sa kanang braso at hinila ako palapit kay Damon. Pero hindi pa kami nakakalapit nang may yumakap sa likuran niya. Napaatras ako. Natapakan ko pa yata ang paa ni Nere dahil napadaing ito bigla.
"Damon..."
Nagpalit-palit ang tingin ko sa kanilang dalawa. Sumasakit ang puso ko sa nakikita. Nakayakap sa baywang ni Damon ang babae. Nakita kong naningkit ang mga mata ni Damon bago piniglas ang mga brasong nakayakap sa kaniya.
"Damon, I'm sorry..." anas ng babae. Kitang-kita ko sa mukha niya na nasaktan siya sa ginawa ni Damon.
Hindi siya pinansin ni Damon, bagkus ay nagbayad sa pinsan ko bago humakbang papasok ng Lovely Street. Walang pag-aatubling sinundan siya ng babae. Wala rin sa loob ko ang ginawa kong paghakbang. Naramdaman kong pinigilan ako ni Nere pero pumiglas ako at sinundan ko sila.
May munting sakit sa puso ko habang nakasunod sa kanila. Sa kilos ng babae, alam ko na siya ang gf ni Damon. Pero bakit ganun ang reaksyon ni Damon? Bakit galit siya sa babae?
Napatigil ako sa pagsunod sa kanila nang huminto sila ilang dipa mula sa akin. Agad naman akong nagkubli sa kahoy na poste nang pumihit paharap si Damon sa babae. Galit at sakit ang nakikita ko sa mukha ni Damon. Pero bakit? Anong dahilan?
Nakita ko na mahigpit niyang hinawakan sa braso ang babae. Halatang nagpipigil si Damon sa nais niyang gawin sa babae, dahil naikuyom nito ang isang kamay at naglalabasan ang mga ugat niya sa leeg.
"Dapat saktan kita sa ginawa mo, pero hindi ko kaya..." may halong sakit ang boses ni Damon. Parang anuman oras ay maiiyak ito. Binitiwan niya ang braso ng babae at sa nakikita kong pagpipilit niyang ikalma ang sarili.
"Natakot ako, D. Ayokong malaman ng mga magulang ko na buntis ako kaya pinalaglag ko ang bata."
Nanlaki ang mga mata ko. Nagpalaglag ang babae? Wala sa sariling napahawak ako sa tiyan ko. Napasuntok si Damon sa isang kamay. Nagpipigil siya ng husto.
"Ayoko rin na lumaki ang anak ko na walang ama." napahagulgol na ang babae, pero di ko alam ang maaari kong maramdaman sa kaniya.
"Tang-ina, Cedes! Hindi ba sinabi ko sa'yo na pananagutan kita? May trabaho ako at hindi na ako ang gagong nakilala mo. Putsa naman Cedes! Nagbago ako dahil sa'yo!"
Hindi ko maiwasan na maluha. Nakikita ko ang sobrang sakit sa mukha ni Damon.
"Sorry talaga, Damon. I'm really sorry. Hindi rin ako patahimikin ng konsensiya ko. Nasasaktan din ako."
"Tang-ina talaga! tatlong buwan na siya, Cedes. Tatlong buwan na ang anak ko na pinalaglag mo!"
Hindi na nakayanan n'ong babae, nagtatakbo na siya palayo. Naiwan si Damon na pinipilit ikalma ang sarili. Umiiyak akong humakbang palayo. Ayokong makita ang sakit sa mukha ni Damon dahil doble ang dating sa akin. Parang mga kamay na lumalamukos sa puso ko. Ang sakit! Lalo na siguro kay Damon.
Iniwan ko siya at mabilis na tumakbo.

Chapter 2
Start from the beginning