ANINO [REVISED VERSION]

Magsimula sa umpisa
                                    

Nilalang na maitim, sobrang itim.

Nilalang na animo'y isang anino!

At ang labis na nagpabilis ng tibok ng aking puso ay ang itaas na bahagi nito.

Wala siyang mukha! Blanko lang ito at tila mo talaga isang anino.

Dahil doon ay unti-unting nanlambot ang aking mga tuhod. Nagsimula naring manginig ang aking buong katawan.

Dahil sa labis na takot ay pinilit kong kumawala sa kanya, pero lubos na mas malakas siya sa akin.

Kahit na ganoo'y hindi ako tumigil sa pagpupumiglas.

Nagpatuloy pa rin ako sa pagsubok na kumawala sa pagkakahawak niya sa akin, ngunit bigo ako.

Labis talaga siyang mas malakas. Ayaw talaga niya akong pakawalan at pilit pang yumayakap sa akin...

Hanggang sa magising na lamang ako na pawisan at hinahabol ang hininga. Agad naman akong nagtungo sa banyo para maghilamos upang mahimasmasan. Humarap ako sa lababo at naghilamos ng mukha. Pagkayari noo'y lumabas na ako at nagtungo ng kusina para magtimpla ng kape.

Napatingin naman ako sa orasan na nakasabit sa dingding. Alas sais na pala ng umaga.

Hindi rin nagtagal ay naligo na ako at gumayak, papasok pa kasi ako sa opisina.

---

Alas siyete na ng gabi nang lumabas ako nang opisina. Nag-overtime kasi ako dahil masyado akong natambakan ng mga gawain.

Paglabas na paglabas ko ay pumara na ako nang tricycle at nagpahatid sa apartment na inuupahan ko.

Pagkatapos kumain ay nanood muna ako ng ilang palabas sa telebisyon bago matulog. Kailangan ko kasi ng pampaantok, hirap akong makatulog.

Hindi rin nagtagal ay pumasok na ako sa aking silid at nahiga. Matagal-tagal din bago ako dinalaw ng antok.

---

Heto na naman ako, nananaginip.

Narito muli ako sa isang pamilyar na kalye. Tulad nang dati, tahimik at walang katao-tao sa paligid, tanging huni lang ng mga kulisap ang iyong maririnig.

Sa ngayon ay binabaybay ko ang kahabaan ng pamilyar na kalye. Kanina pa ako naglalakad pero bakit parang hindi ako umuusad? Kanina ko pa napapansin na pabalik-balik lang ako sa aking kinalalagyan. 

Huminto ako sumandali.

Sa hindi malamang dahilan ay bigla nalang nagtindigan ang aking mga balahibo sa buong katawan.

Ilang sandali pa'y umihip ang malamig na hangin na nagpanginig sa aking kalamnan, may kakaibang presensya rin akong nararamdaman.  

Napalunok nalang ako nang laway at nagpalinga-linga sa paligid.

Wala akong masyadong maaninag dahil sa sobrang dilim na ng paligid.

Dahan-dahan ko na muling inihakbang ang aking mga paa.

"Aaah!" Napasigaw  nalang ako dala ng labis-labis na pagkabigla. Bigla na lamang kasing may humawak sa aking braso mula sa kawalan.

Muli, nagtindigan ang aking mga balahibo sa buong katawan. Hindi ko alam kung lilingunin ko ba ito o hindi, pero kahit hindi ko naman ito lingunin ay sigurado ako. Sigurado akong ito na naman ang nilalang na iyon. Ang nilalang na animo'y anino.

Kahit takot na takot at nanginginig ang katawan ay lakas loob kong inangat ang aking mukha.

Hindi nga ako nagkamali.

Siya nga. Ang anino. Gaya pa rin ng dati ang itsura niya, maitim na maitim at walang mukha.

Sinubukan kong kumawala sa pagkakahawak niya pero tulad ng dati --- bigo ako.

Sadyang malakas talaga siya.

Nagpatuloy lang kami sa ganoon.

Hindi rin nagtagal ay nagawa kong kumawala sa kanya at pilit siyang tinakbuhan.

Takbo lang ako nang takbo, ganoon din ito. Hinahabol niya ako.

Hindi rin nagtagal ay naabutan niya ako at muling hinigit sa kamay.

Nagulat nalang ako nang biglang may gumuhit na nakakatakot na ngiti sa mukha nito.

---

Napabangon ako sa aking pagkakahiga, pawis na pawis ako at naghahabol ng hininga. Mabilis akong nagtungo sa banyo para mag-ayos ng sarili. Humarap ako sa lababo at naghilamos.

Pagharap ko sa salamin ay laking gulat ko nang makita ang anino sa aking likuran. Nakaguhit sa blankong mukha nito ang isang nakakatakot na ngiti. Nakangisi ito. Nakangisi ito sa akin!

Dahil sa labis na pagkabigla at takot ay napalabas ako nang banyo at nagtatakbo palabas ng bahay. Pero kahit malayo na ako sa bahay ay nararamdaman ko pa rin ang presensya niya. Ramdam na ramdam ko ito!

Nakakapangilabot, nakakatakot.

Agad akong pumara ng tricycle na dumaraan, sumakay ako doon at nagpahatid sa bahay ng kaibigan ko. Wala na akong pakialam kahit  madaling araw. Mas nananaig sakin ngayon ang takot at kaba.

Mula nang araw na 'yon ay hindi na ako bumalik sa apartment na inuupahan ko dahil sa takot na baka naroon pa ang kakaibang nilalang na iyon at inaabangan ang pagbabalik ko.

Ayoko na muling mag-isa pa roon. Ayoko na muling maranasan ang pagpapakita sa akin ng nilalang na iyon.

Lumipas ang mga araw at naisipan kong bumisita sa isang albularyo, nais ko kasing ikonsulta ang kababalaghan na aking naranasan.

Habang nakaupo sa isang kahoy na upuan ay ikinuwento ko kay Ka Berto ang lahat ng nangyari at naganap. Labis-labis siyang nagulat sa kanyang narinig. Hindi siya makapaniwala na nagawang makalabas ng anino mula sa aking panaginip. Pero maniwala sya't hindi, matagumpay na nga itong nakalabas mula sa aking panaginip.

"Ano po kaya ang pakay nito at ginusto nitong makalabas sa aking panaginip?"  tanong ko kay Ka Berto na hanggang ngayon ay hindi parin makapaniwala sa kanyang narinig.

"Hindi ako sigurado, hijo. Maaaring gusto ka nyang isama sa kanyang mundo --- sa kadiliman. Maaari rin namang..." napatingin siya sa akin pero mabilis din naman niya itong binawi.

"Maaari rin namang? Ano po?" pag-uusisa ko rito. 

"W-wala. H'wag mo nalang intindihin yung huling sinabi ko. Basta ito lang ang maipapayo ko, h'wag na h'wag ka nang babalik sa apartment na iyon, hindi tayo nakakasigurado, baka naroon pa ang nilalang na iyon at inaabangan ang iyong muling pagbabalik." sa sinabi niyang iyon ay muli nanaman akong nakaramdam ng takot.

"Sige ho, mauna na ho ako Ka Berto." paalam ko rito, nasa may tapat na ako ng pinto ng muling magsalita ito.

"Mag-iingat ka."

"Salamat po." Hindi ko tuloy alam kung tama ba ang naging desisyon ko na kumonsulta pa sa isang albularyo, mas lalo lang kasing nadagdagan ang takot ko.

---

Totoo nga kaya ang sinabi sa akin ni Ka Berto na gusto akong isama ng kakaibang nilalang na ito sa kanyang mundo? At ano kaya ang bagay na hindi masabi sa akin ni Ka Berto?

At magpasa hanggang ngayon ay palaisipan parin sa akin kung ano ba talaga ang pakay ng kakaibang nilalang na iyon dito sa'ting daigdig. Ano ba ang gusto nito sa'ting mundo? Mag-ingat ka dahil baka mamaya nasa likuran mo na sya.

Koleksyon ng mga Kwentong KatatakutanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon