Chapter Three

Magsimula sa umpisa
                                    

"Hon... I mean, Cass, please wait here. Mag-uusap lang kami." Akmang lalapitan siya ni Derick pero maagap siyang umatras.

Sinamaan niya ito ng tingin. Kung nakamamatay ang masamang tingin, siguradong kanina pa nag-aagaw-buhay ang lalaki. Hon? Ang tigas talaga ng mukha!

"Carol, pag-usapan natin 'to. Huwag dito..."

Ngumisi siya. Alam niyang alam na nito na nakukuha na nila ang atensiyon ng ibang customer sa loob ng restaurant. "Wala na tayong dapat pag-usapan, Derick. Nakita ko naman na ang dapat kong makita, eh. Magpakasaya ka. Bagay na bagay kayong dalawa." Pagkasabi niyon ay taas-noo siyang lumabas ng restaurant. Walang lingon-likod.

Nagpupuyos ang loob ni Carol. Gusto niyang bumalik sa restaurant at sapukin ang two-timer na boyfriend pero nagpigil siya. Hindi niya pabababain ang sarili dahil lang sa lalaking iyon. Nakakanginig ng laman iyong makita pa niya mismo sa sariling mga mata ang panloloko nito pagkatapos niyang pagkagastahan ng tatlong libong piso noong nakaraang linggo.

Anniversary nila four days ago, pero wala pa siyang natatanggap na tawag o kahit like man lang sa anniversary greeting niya sa Facebook wall nito. Pagkatapos, hayun ang lalaki, may ka-date na anorexic sa loob ng mamahaling restaurant. Isa pa iyon sa ikinasasama ng loob niya, sa loob ng isang taon, sa mumurahing restaurant lang siya nito nailibre at hindi siya nagreklamo, sa halip ay kinilig pa. Kung hindi ba naman siya isa't kalahating tanga.

Gustong magpapadyak ni Carol sa inis sa sarili at sa lalaki. Hindi niya alam kung bakit hindi niya nahalata ang totoong dahilan ng panlalamig ni Direck. Sana nakinig siya kay Jopay at hindi pinairal ang sobrang pagiging understanding. Niloloko na siya, wala pa siyang kaalam-alam.

Patawid na si Carol sa kalsada nang mahagip ng kung sino ang kanang kamay niya. Marahas siyang lumingon sa pag-aakalang si Derick ang humabol. Nagulat siya nang mabungaran ang mukha ng guwapong lalaki na sa loob lang ng tatlong araw ay magpapatalsik naman sa kanya sa tinitirhan niya. Ang cold and stiff and heartless na si Leandro De Marco.

Binitawan nito ang kanyang kamay nang tumuwid siya sa pagkakatayo. Namulsa ito. "I don't usually get involve with other people's business. Pero kung gusto mo ng kausap o balikat na maiiyakan, puwede ako for thirty minutes."

"Bakit naman pakikinggan ng lalaking may pera nga pero wala namang puso ang kagaya kong pobre, aber?" asik niya.

Bahagyang kumibot ang mga labi ni Leandro. Hindi siya sigurado kung dahil sa pinipigil na ngiti o tinamaan ito sa sinabi niya. "I'll just pretend I didn't hear you say that."

"Para namang first time mong matawag nang gano'n. 'Wag mo 'kong lokohin," galit na sabi niya. Wala siyang pakialam kung ito ang napagbubuntunan niya ng inis. Isa pa, dagdag ang lalaki sa problema niya. Tama lang na angilan niya ito, pampalubag man lang ng loob.

Niyuko siya ni Leandro. Nangingislap ang mga mata. "I swear, this is the first time."

Nanunulis pa rin ang nguso ni Carol. "Iwan mo 'ko. Hindi ko kailangan ng kausap o ng balikat na maiiyakan. Bakit ko siya iiyakan? 'Yong mukhang 'yon, karapat-dapat bang iyakan? Ang daming isda sa dagat, hindi ako mauubusan."

LUMIKHA ng ingay ang pabagsak na pagpatong ni Carol sa baso ng alak sa mesang inookupa nila. Yumupyop siya sa mesa, mangiyak-ngiyak.

"Ang tanga-tanga ko! Three thousand pesos, Leandro. Three thousand pesos ang nagastos ko para sa surprise anniversary date na 'yon, 'tapos... 'tapos ipinagpalit lang ako ng Derick na 'yon do'n sa babaeng kamukha ni Olive Oil?! Grabe siya, Leandro! Grabe siya!"

Humikbi siya. Sunod-sunod na umiling.
Sa Killer Kim's siya dinala ni Leandro. Isa iyong bagong tayong bar sa Mactan at labing limang minuto lang na biyahe mula sa restaurant kung saan niya nakita si Derick kasama ang bago nitong babae.

Men In Tux 2 : Fall For Me Again (Preview)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon