Lumapit ang mga opisyal sa kinalalagayan ng bakal na hinihigaan ng prinsesa. Tumayo sila doon pa-ikot. Sa pamumuno ni Angelo Cailopene ay nagsimula na ang ritual.

Marahang pagkatok ang narinig mula sa pinto ng silid ni Horan Hevenell, ang kauna-unahan at nananatiling pinuno ng Hongery.

"Tumuloy ka," matigas na wika ng pinuno na animo'y marinig mo pa lamang ang kanyang tinig ay dadaloy na ang takot sa iyong sistema. Maingat na binuksan ng kawal ang seradura ng pinto at dahan-dahan iyong binuksan. Tumayo siya na ayos sa harap ng pinuno at yumuko bilang tanda ng paggalang sa nakatataas sa kanya.

"Mahal na hari, isinilang na po ang prinsesa sa kaharian ng Chymetry. Ito ay pinangalanan na Avery Hevenell na naa-ayon sa nakasulat sa propesiya," nakuha ng kawal ang buong atensyon ng hari dahil sa balita na kanyang ipinarating.

"Kung ganon ay maaari ka nang lumabas," agad na sinunod ng kawal ang utos nito dahil sa takot na kanyang nararamdaman sa tuwing nakakaharap ang hari.

Gumuhit ang isang nakapangingilabot na ngisi sa labi ni Horan. Tila ba isang plano ang nabuo sa kanyang isipan nang malaman na isinilang na ang sinasabing pinakamakapangyarihang nilalang sa kanilang mundo.

Lumabas ng silid si Horan upang puntahan ang may kaliitang silid kung saan mahimbing na natutulog ang kanyang anak na si Yohann Kawakura. Isang taong gulang pa lamang ito ngunit mahahalata mo na ang taglay nitong kapangyarihan. Sa kaliwang balikat nito ay makikita ang isang nota na itim na itim kung saan nakapulupot ang isang basilisko na pula ang mata.

Enchanted VoiceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon