"It's that boy, isn't it?" biglang tanong naman ni Dad sa akin.
"Hmm?"
"'Yong naghatid sa'yo kanina. He introduced himself as Kevin Fuentez," sabi ni Dad at naalala kong nagkita nga pala sila kanina.
Hindi ako nakaimik. Buti na lang talaga at dumating na ang food na in-order namin kaya na-shift na ang usapan sa ibang bagay, hanggang sa mapunta na 'yon sa estado ng business namin. Kinuha ko naman ang phone ko at nag-type sa ilalim ng mesa habang nag-uusap sina Mom at Dad pero nagulat ako nang makita kong may text galing kay Kevin.
Practice tomorrow, 8 AM sharp.
Nakahinga naman ako nang maluwag dahil tungkol sa practice ang text niya at hindi sa kung anumang nangyari kanina. Hindi na ako nag-reply at nagpatuloy na lang sa pagkain.
Kinumusta naman ni Mommy ang exams ko at sinabi kong hindi ako sigurado sa isa kong subject kaya pinagalitan ako ni Dad. Sana nga lang ay makapasa talaga ako sa Calculus dahil pre-req 'yon ng isa pa naming Math subject next sem.
After ng dinner ay umuwi na rin kami at agad naman akong nag-shower para makapagpahinga na hanggang sa nakatulog ako dahil sa sobrang pagod.
***
Nagising naman ako dahil sa ingay ng alarm ng phone ko. Ugh. Wala na kaming pasok pero nakalimutan kong i-off ang alarms sa phone ko kagabi. Pinatay ko 'yon pero bago ko pa mabitiwan ay nag-ring 'to kaya nilagay ko 'yon sa tenga ko habang nakapikit pa rin.
"Mmm?" Tsk. Gusto ko pang matulog.
"Nakahiga ka pa?"
Para naman akong nabuhusan ng malamig na tubig. Tinignan ko kaagad ang phone ko at nang makita ko ang pangalan ni Kevin sa screen ay napabangon ako. Teka, anong meron?
"B-bakit?"
"7:30 na, ah? May practice pa tayo."
Doon ko naman naalala na may practice nga pala kami ngayon at 8 AM ay dapat nandoon na. Nakalimutan ko!
"Hala, wait! Sorry, male-late ako! Sige, b—"
"Really, Diaz. Susunduin kita d'yan. Don't make me wait for too long."
Pagkatapos niyang sabihin 'yon ay naputol na ang tawag at ako naman ay hindi nakagalaw sa kinatatayuan ko. Napatingin ako sa oras at tatlong minuto na ang nakakalipas simula nang tumawag siya kaya agad na akong dumiretso sa banyo.
'Yon na yata ang pinakamabilis kong ligo at pagbibihis dahil paglabas ko sa gate ay 7:58 pa lang. Sakto namang nakasandal sa kotse niya si Kevin nang lumabas ako at parang gusto ko na lang ulit pumasok sa bahay dahil sa pagngiti niya.
"Pasok na," he said while turning his head to his car.
Halos sabay kaming pumasok sa kotse niya at hindi talaga ako tumingin sa kanya dahil mukha akong basang sisiw sa itsura ko ngayon. White shirt at leggings ang suot ko dahil practice lang naman ang gagawin. Nagbaon na rin ako ng pamalit pati na rin ng slippers. Ni hindi na nga ako nakapag-ayos ng mukha at hindi rin ako nakapagsuklay dahil sa pagmamadali kaya mukha talaga akong gusgusin.
"Mukhang wala ang parents mo, ah?" sabi niya habang nagda-drive pero 'di ko pa rin siya tinitignan.
"May meetings sila pareho."
"Oh. Akala ko kasi makikita ko ulit Dad mo. Nag-prepare pa man din ako ng speech," sabay tawa niya. Ba't ba ang gwapo niya ngayon? Nakaka-distract.
'Di ko naman siya sinagot dahil bigla kong naalala ang Mommy niya. Pinag-isipan ko pa ng ilang minuto kung sasabihin ko ba sa kanya o hindi pero sa huli ay hindi rin nangyari dahil nakarating na kami sa campus.
Pagbaba ko ay nakakapanibago dahil ang daming estudyante ngayon. Tapos na kasi ang Finals namin pero sa iba ay nagsisimula pa lang at dahil wala nang mga klase ay tumatambay na lang ang iba para mag-review o tapusin ang requirements para ngayong sem.
Dumiretso kami sa dance studio at nakasalubong pa namin si Karla papunta ro'n.
"Umuwi ka nang maaga," sabi ni Kevin at ngayon ko na lang ulit sila nakitang magkasama. Para siyang ibang tao pagdating sa kapatid niya.
"Tss. Fine," sagot naman ni Karla. Ngumiti siya nang mapunta ang tingin niya sa akin. "Bye, Ate Alice."
"Bye! Good luck!"
Naglakad naman siya nang mabilis papunta sa kalapit na building. Magte-take kasi siya ng final exam kahit exempted naman siya dahil gusto niyang mauno ang subject. Pare-pareho talaga ng mentality ang Campus Princesses, ano? Ganyan din sina Steff at Jess kapag 'di sila satisfied sa pre-final grades nila. Well, except sa lalaking 'to.
Pagdating namin sa studio ay nagsisimula na ang ibang groups sa pagpa-practice at kaming dalawa na lang ni Kevin ang kulang sa team namin. Nag-warm up naman kami agad at saka nagsimulang sumayaw.
We already memorized the choreography so we focused more on our synchronization and sharpness. Halos ilang oras din kaming sumayaw dahil hindi kami magkatugma-tugma sa timing at medyo nakakatakot si Kevin pagdating sa pagtuturo. Nawawala ang pagiging maloko niya at mas lumalakas ang appeal niya 'pag seryoso siya sa ginagawa niya. Ayan, Alice, nagpapaapekto ka na naman sa kanya!
Nag-focus ulit ako sa pagpa-practice hanggang sa mag-break kami. Napaupo na lang ako sa sahig sa sobrang pagod at gutom. Saka ko lang na-realize na hindi na ako nakapag-breakfast dahil late ako nagising. Mag-10:30 na rin kaya kumakalam na ang sikmura ko.
"Okay, guys!" sigaw ni Ate Divine kaya napatingin kaming lahat sa kanya. "Be back at 1 PM para sa afternoon practice. Sa lahat naman ng may sched sa hapon, merong evening session hanggang 9 PM kaya pwedeng doon na lang kayo sumabay. Okay?"
"Yes po!"
Balak ko sanang mag-isang pumunta sa cafeteria para kumain dahil mamayang hapon pa magpapakita si Jon. May exam kasi siya ngayong umaga at halos lahat ng ka-close kong bago ay may exams din.
"Saan ka pupunta?"
Nagulat naman ako nang sumulpot si Kevin sa gilid ko habang nakangisi. Hindi pa rin talaga ako sanay na nakakapag-usap kami nang ganito kalapit at ilang beses na rin akong nakasakay sa kotse niya. Kailan ba kami naging ganito ka-close?
"K-kakain," sagot ko naman habang pasimpleng pinupunasan ang pawis ko. Bakit ba laging nata-timing na ang haggard ko kapag kasama ko siya?
"Sabay na tayo," sabi naman niya at nahihirapan na akong i-maintain ang poker face ko.
Papunta na sana kami sa pinakamalapit na cafeteria pero napansin ko na ang daming napapatingin sa direksyon namin. Bigla naman akong nahiya dahil paniguradong iniisip nila kung sino ako. Paano ba naman, may kasama akong Campus Prince sa batch namin. Binagalan ko ang lakad para hindi ko siya makasabay pero bigla naman siyang lumingon at huminto.
"Bakit? May naiwan ka?" tanong naman niya at lalong dumami ang mga tsismosa. Ano ba naman 'tong lalaking 'to, bakit hindi siya makaramdam? Masyado na ba siyang sanay sa mga matang umaaligid sa kanya?
"Ah kasi ano . . ." Napatingin ulit ako at lalo lang silang dumadami. Tumakbo na lang kaya ako?
Nagulat naman ako nang bigla siyang tumayo sa harapan ko. Takte nitong lalaking 'to, lalo niya lang pinapalala ang sitwasyon!
"Hindi na ako sasabay, mamaya targetin pa ako ng mga babae mo," sabi ko naman sa kanya dahil may mga nakita akong nakatingin sa amin na dati niyang nilalandi. Tanda ko pa sila dahil kasama sila sa listahan ko noon pero nang marinig ko ang pagtawa ni Kevin ay napatingin ako sa kanya.
"That's not gonna happen," sabi niya habang nakangiti pa rin.
"Hah. Are you sure? They're shooting daggers at me," mahina kong sabi.
"Look again. They won't do that."
Inirapan ko siya at muling tinignan ang ilang babae at napatigil ako nang makita ko silang nakangiti sa direksyon namin. Okay . . . anong meron? Ang weird.
"See? Kaya tara na," sabay hatak niya sa kamay ko kaya nag-panic ang kaluluwa ko.
"T-teka lang! Mamaya ma-issue pa ako—"
"Ayos lang sa akin kung sa'yo ako ma-i-issue," sabi niya at saka siya lumingon sa akin. For a moment, his eyes were gleaming and that way he snickered made my heart thump crazily. "Seriously, we'd be both in trouble if you keep on making that expression."
Tumingin ulit siya sa harapan at ako naman ay hindi na nakapagsalita. Nagpahila na lang ako sa kanya habang pina-process ang mga nangyari. Lalo lang akong naguluhan nang makita ko kung gaano kapula ang tenga niya.
Hindi ko alam kung dapat ba akong mag-assume dahil sa mga sinabi niya pero baka mamaya isa lang 'to sa pa-fall moves niya.
"K-Kevin," tawag ko at hindi ko alam kung nag-crack ba ang boses ko o ano.
"Hmm?" Binagalan naman niya ang paglalakad kaya nagkasabay ulit kami pero hindi pa rin ako makapag-isip nang maayos dahil hindi niya pa binibitiwan ang kamay ko.
Gusto kong itanong sa kanya kung anong motibo niya sa mga pinaggagawa niya pero naunahan ako ng takot at hiya dahil baka nature niya lang na maging ganito.
"Saan pala tayo kakain?" tanong ko na lang.
"Akong bahala," sabay ngiti niya. "May alam akong place na masarap ang pagkain."
Pagkasabi niya no'n ay kung anu-ano nang pagkain ang pinagsasabi niya at napangiti ako dahil mukhang gutom na nga talaga siya. Siguro sa isip ko na lang talaga mananatili ang gusto kong sabihin.
Kevin, alam kong maliit ang chance, lalo na't ang daming babaeng nakapaligid sa'yo at sikat ka pa, pero habang nahuhulog sila sa'yo, gusto kong mahulog ka sa akin.
***