Chapter 30 - Tommy's Motivation

Magsimula sa umpisa
                                    

Ngunit talagang di tumigil ang panahon na subukin pa ngayon ang tatag ni Tommy. Sa gitna ng kanilang katahimikan, pangungulila at pagtahan sa pag-iyak ay biglang bumukas ang pintuan sa kuwarto ni Macario.

Doon ay lumabas ang doctor habang inaayos ang stethoscope. Natuwa naman si Tommy at biglang napatayo. Ganun rin naman si Raisa at Aling Merly na kani-kanina pang naghahanap ng magandang balita.

Napangiti si Tomy ng lumapit siya sa doctor ngunit agad naman itong naglaho ng humarap ang doctor kay Tommy. Ang mukha nito ay di maipinta, at kahit na di niya sabihin ng harapan ay kitang-kita sa mukha ng doctor ang kalungkutan. Bilang senyales, umiling siya. Bumilis naman ang tibok ng puso ni Aling Merly.

Nang ano-ano pa’y biglang tumakbo ang ginang papasok ng kuwarto at tinulak ang doctor na nakaharang sa kanyang daan. Humingi naman ng tawad si Tommy sa nagawa ng ginang ngunit agad naman siyang sumunod dito.

Pagpasok niya, nadatnan niya si Aling Merly, na nakatayo lang, gulat at di makapagsalita habang nakatitig kay Macario. Paglingon ni Tommy ay napatigil rin siya. Dahil ang kaibigan niyang kanina ay nakadilat lang ay nakapikit na habang tinatakluban na ang buong katawan ng kumot.

Biglang naglaho lahat sa paligid ni Tommy; si Aling Merly, ang mga nurse, ang doctor, ang ECG, ang buong kuwarto. Ang tanging natira ay siya lang at si Macario habang nakataklob hanggang sa kanyang ulo ang kumot.

Dahan-dahan siyang lumapit ngunit di siya makalakad ng mabuti dahil halos di matigil sa pagnginig ang kanyang mga tuhod. Unti-unti niyang tinaas ang kanyang kanang kamay patungo kay Macario. Inaasahan niyang paghawak niya sa kaibigan ay bigla itong gigising at sasabihing, “JOKE LANG!”

Ngunit hindi. Pag hawak ni Tommy ay biglang dumulas ang kumot at nakita ang mukha ni Macario. Doon, nakita niyang payapang nakapikit ang kaibigan, walang bakas sa kanyang mukha tungkol sa iniindang sakit.

Nang di na niya napigilan, ay pumatak na nga ang luha sa kanyang mata. Mukhang tuluyan na niyang di napigilan ang nararamdaman. Higit pa siyang naging emosyonal dahil kanina niya pa tinatago sa kanyang dibdib ang sakit at lungkot.

Grabe ang mga luha ngayon sa mata ni Tommy. Gusto niya sanang magsalita ngunit andoon lang siya, naibubuka niya ang bibig niya ngunit walang salitang lumalabas. Ito ay dahil ang hangin na pumasok sa kanyang bibig ay mas lalo pang nakadagdag ng kalungkutan. Kung kaya’t imbes na iyak ay hagulgol ang lumabas sa kanyang bibig.

Bumagsak ang tuhod ni Tommy sa sahig. Mas lalo pang lumakas ang hagulgol niya habang hawak-hawak ng mahigpit sa dalawa niyang kamay ang kumot na nakataklob sa kaibigan. Umiyak pa siya ng umiyak na animo’y nabaril siya at wala ng gamot ang maaring makapagpagaling sa kanya. Ilang sandali pa’y di niya pansin na pati ang kanyang mukha ay nakasandal na sa sahig. Pero di niya ito inisip dahil sobra siyang nasasaktan sa nangyari.

Si Raisa, ganun rin naman. Napatakip nalang ang kanyang bibig ng kanyang palad habang magang-maga na ang mata sa pag-iyak. Umupo siya sa pinto habang pinagmamasdan ang humahagulgol na asawa.

Si Aling Merly naman, na tipong ngayon lang naramdaman kung anong nangyayari ay nagsimula naring umiyak. Kung masakit para kay Raisa at para kay Tommy, wala na atang mas sasakit pa sa kanyang nararamdaman dahil siya ang ina ni Macario at mas mangungulila siya sa pagkawala ng anak.

Ilang sandali pa’y tumakbo siya papalapit sa anak, niyakap  ito ng mahigpit at binuhos lahat ng luha na kaya niyang iiyak. Nanginginig naman ang kanyang kamay habang hinahaplos ang buhok ni Macario. Maya-maya ay niyakap niya ito ng mahigpit, mahigpit pa ng mahigpit dahil umaasa rin siyang magigising ang anak at magrereklamo dahil sa higpit ng yakap. Ngunit katulad ni Tommy, bigo rin siya.

“Time of death, 7:37 P.M,” sabi ng lalaking nurse habang sinusulat naman ng babaeng nurse na katabi niya ito sa isang memo pad na hawak niya.

Sumunod pa, tinanggal na ng nurse sa may ECG ang mga tubong nakatusok kay Macario. Kinuha niya rin ito, pinulupot sa kanyang kamay at sabay na lumabas kasama ang tatlong ibang nurse na kasama niya.

TropaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon