~~
PAGKATAPOS na pagkatapos ng trabaho ay umuwi saglit si Tasha para makapagpalit ng damit at agad na ring tumuloy sa Mandy's. Isa iyo'ng fusion restaurant na pagmamay-ari ng kaibigan ni Red, na hindi kalayuan sa The Forum. Walang tao nang dumating siya roon at muntik na siyang sumakay uli sa kotse kung hindi niya nakita si Red na kumaway mula sa ikalawang palapag ng restaurant.
Nagpunta siya roon dahil sa dalawang bagay – trabaho at si Rafael. Binigyan siya ng deadline ni Miss Novie na matapos ang article tungkol kay Red at sa banda nito, kaya sa ayaw man niya o gusto, kailangan niyang makipagkita sa Sly Crooner na iyon.
"Akala ko ba hindi ka darating? What are you doing here?" tanong ni Red na tila gulat na gulat sa pagdating niya. Hanggang-tainga ang ngiti nito nang makita siya na nakaupo sa may dulong bahagi ng restaurant. Suot nito ang tipikal nitong faded jeans at shirt, na pinatungan ng kulay abo'ng blazer.
Inirapan lang iyon ni Tasha at inayos ang mga kubyertos sa ibabaw ng mesa, na madalas niyang gawin kapag mga ganoong pagkakataon na kinakabahan siya, nahihiya o ninenerbiyos – katulad ngayon.
Naupo si Red at sumenyas sa isang waiter, na mabilis na lumapit sa kanila. "Dinner?" Kinuha nito ang menu at ibinigay iyon sa kanya.
"H-hindi na, hindi naman ako nagpunta rito para mag-dinner," sabi niya sabay balik sa menu doon sa waiter. "I'm here to –"
"To see Rafael. Of course," tapos ni Red sa pangungusap niya. Nakita niya ang biglang pagpapalit ng mood nito mula sa masaya sa seryoso. "Talagang pinaghandaan mo 'to, ha," sabi pa nito matapos siyang tingnan nang matagal, dahil marahil sa suot niyang navy-blue mid-length dress with light teal trim. Ibinalik rin nito ang hawak na menu sa waiter at pinaalis na iyon. "Anyway, he'll be here any minute soon. Sige, maiwan na kita."
"Wait," pigil ni Tasha kay Red dahil tumayo na ito at handa na siyang iwan roon. "Actually..." Paano ba niya iyon sisimulan? "I...have a favor."
Nakuha noon ang atensiyon ni Red. He smirked at her and sat down.
"I-I need to...interview...you."
Muling tinawag ni Red ang waiter at um-order ng dalawang fruit shake. "Hmm, tungkol saan?"
"Sa banda, sa bago ninyong album, that kind of stuff."
"Okay," sagot ni Red na tumangu-tango. "Kailan?"
Hindi inaasahan ni Tasha na hindi na niya kailangang magdalawang-salita at agad na papayag si Red. "Ahm, ngayon sana," sabi niya sabay bukas ng dalang backpack para kunin ang notebook, ballpen at cellphone para i-record ang anumang mapag-uusapan nila.
"Ngayon? Paano si Rafael?" natatawang tanong ni Red.
Oo nga pala. Si Rafael. Napabuntung-hininga siya at muling ibinalik ang mga gamit sa loob ng bag.
"You know what, let's have the interview tomorrow. Wala kaming schedule, you could have me for the whole day," sabi pa nito sabay kindat.
"H-hindi ko naman kailangan ng buong araw. Isa hanggang dalawang oras siguro, puwede na."
"Well...how about later, pagkatapos ng meeting ninyo ni Rafael?"
Tumango siya at ngumiti. Hindi niya maiwasan na magtaka sa ikinikilos ngayon ni Red. He seems different from the Red she used to know. Mabait ngayon si Red sa kanya – sinamahan siya nito para i-meet si Rafael, at pumayag ito para sa isang exclusive interview.
"Bakit mo ito ginagawa?" hindi niya napigilang tanong.
"Ang alin?" Hindi ito tumingin sa kanya dahil abala ito sa pagte-text sa cellphone nito.
BINABASA MO ANG
Tasha's Blog Post #934: Pagsintang-Pururot Revisited (COMPLETE) by Tamara Cee
Romancereleased under PHR Tasha's Blog Post #934: Pagsintang-Pururot Revisited (5906) by Tamara Cee COPYRIGHT © 2016 by Precious Pages Corporation Ang cute na kuwento nina Tasha at Red ay ang pangalawang libro ko (Tamara Cee) na nailathala ng Precious Hear...
Chapter 4
Magsimula sa umpisa