"Kahapon lang kasi tumawag si Mrs. Fernil at minamadali ang pagdi-deliver. Kaya sabi ni papa-"

"Kaya sabi ni papa?" nangiinsultong saad ni Leester. "Don't you have a mind of your own? Paano kung pagdating doon bigla na lang kayong pagpapatayin ng mga tauhan ng babaing iyon? Naisip mo ba iyon, ha, Kyle?"

Walang nakaimik ni isa man sa tatlong kaharap niya. Mariin ang pagkakahawak ni Javier sa baso. Nagpabalik-balik ang paningin ni Tooffer sa matandang Monteero na kumupkop sa kaniya at sa dalawang anak nitong lalaki. Si Kyle ay nakatungo lang at iniiwasang salubingin ang galit ng kapatid.

"Tawagan mo nga si Vin, Tooffer," utos ni Leester matapos ang ilang minutong katahimikan. 

Sa mga sumunod na segundo ay tanging buntong-hininga ni Kyle ang maririnig. Tatayo na sana ito para lumabas subalit ipinag-utos ni Leester na manatili sa pagkakaupo. Wala na namang nagawa ang matandang Monteero sa inasal ng panganay na anak. 

"Dude." Inabot ni Tooffer ang cellphone kay Leester. "Si Vin."

"Vin," aniya. "Luz Fernil. Taga Santa Elena at may-ari ng isang security agency. I-background check mo. Kailangan ko ang report bago dumilim." Inilapag nito ang cellphone sa mesa at nagpatuloy sa pag-inom ng alak.

"So paano, dude," ani Tooffer. "Alis na muna ako. Kaya na 'yon ni Vin, maasahan ang taong 'yon."

"Saan ang punta mo?"

"Sa dating bahay nina Liza. Titingnan ko kung naroon ang mag-ina ko." Akmang lalabas na ito ng silid na iyon nang biglang dumating si Vin.

"O, Vin." Ngumiti si Leester nang pumasok ang bodyguard ng kambal. "Kulang pa ba ang impormasyong ibinigay ko sa 'yo?"

Ngumiti muna ito at naupo sa tabi ni Kyle na biglang sumimangot. Napangisi na lang si Leester sa inasal ng nakababatang kapatid. 

"Kahapon ko pa po ito natapos." Inabot ni Vin ang isang folder na naglalaman ng impormasyon tungkol sa taong pinaiimbestigahan niya.

"Kahapon?" Nangunot ang noo ng binata. "Paanong...?"

"Inutusan ako ni Ma'am Isabella na imbestigahan si Kenneth Braganza at lumalabas na may koneksiyon si Luz Fernil sa doktor na iyon."

Sinimulang basahin ni Leester ang bawat pahina ng report na nakapaloob sa folder na iyon. Kunot na kunot ang noo nito habang nakatuon ang mga mata sa binabasa.

"Boss Leester," muling saad ni Vin. "Lumalabas sa report na 'yan na dating magkakilala sina Ma'am Monica at Luz Fernil na sinasabi n'yo. Masyadong low profile ang taong 'yan. Ngayon lang lumabas matapos mamatay ang asawa."

"Anong kaugnayan niya kay Kenneth?" inis na tanong ni Kyle.

"Si Luz Fernil ang nagpalaki kay Kenneth Braganza nang mamatay ang magulang nito. Pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi ko ma-trace ang pangalan ng mga magulang ni Kenneth."

"Sigurado ka, Vin?" tanong ni Javier. Ang mag-asawang Fernil ang kumupkop kay Kenneth?"

"Opo, Boss Javier."

"Parang hindi sila malapit sa isa't isa."

"Bakit siya pinapaimbestigahan ni Isabella?" tanong ni Leester nang hindi inaalis ang mga mata sa binabasa.

Pormal na tumingin si Vin sa amo. "Mula nang bumalik siya dito, boss, ay nawalan siya ng tiwala sa bawat taong nakakasalamuha niya. Hindi mawala ang pagdududa niya. Mas naging alerto siya sa mga bagay-bagay kaya lahat ng taong nakikilala niya ay pinaiimbestigahan niya sa akin."

Ngumisi si Leester at tumingin sa gawi ng kapatid na kanina pa nakasimangot. "See, Kyle? Kung wala si Vin, makakaya mo kaya ang mga ipinagagawa ko?"

"Anong nakasaad sa report na 'yan, anak?" sabat ni Javier.

"Masyadong malinis ang record ng Luz na 'yon, papa." Muli siyang tumingin kay Vin. "Paano nagkaroon ng kaugnayan si Tita Monica sa kaniya? Bakit hindi ko man lang nalaman iyon?"

"Magkaklase sila no'ng highschool ayon na rin sa yaya ni Luz. Kakaunti lang ang nakakakilala sa kaniya."

"At si Kenneth?"

"Si Kenneth, bagama't ang mag-asawang Fernil ang  kumupkop sa kaniya ay walang nakakaalam ni isa kung ano ang kaugnayan nila sa isa't isa. Tanging yaya lang ang kasa-kasama ni Kenneth hanggang sa dumating siya sa tamang edad."

Ngumisi si Kyle. "Walang nakakaalam ni isa? Patawa ka, Vin."

"Tama ka, Boss Kyle. Ayon sa source ko, pinalaki itong si Kenneth kagaya ng pagpapalaki kay Ma'am Isabella. Homeschooled hanggang highschool at ni minsan ay hindi pinakilala ng mag-asawang Fernil sa publiko."

"Nasaan ang kopya ng report mo tungkol sa doktor na iyon?"

"Hindi ko na nadala, boss. Akala ko kasi hindi kayo interesado. Pero may kopya si Ma'am Isabella. Kabibigay ko lang kanina."

Tumango-tango lang si Leester. Matapos ilapag sa mesa lang folder at may kinuha itong papel sa ilalim ng mesa. Isa iyong mapa ng Santa Elena.

"Blueprint ng warehouse in Luz," saad ni Vin matapos ibigay ang tatlong nakabalumbon na papel. "'Yong isa blueprint ng bahay at ng security agency niya."

"Salamat. Maaasahan ka talaga," wika ni Leester saka pinaringgan ang kapatid. "Hindi gaya ng iba diyan."

Lihim na napangiti si Vin dahil nakasimangot pa rin si Kyle.  "Boss, may palagay ako na nagkakilala na kayo noon ni Kenneth. Wala ka bang naaalala?" Napahawak si Leester sa ulo dahil sa sinabi ng tauhan. Bigla-bigla at nakaramdam siya ng mahinang pagkirot sa bandang kanan ng kaniyang ulo.

"Nakausap mo na ang doktor na 'yon, Vin?" sabat ni Tooffer. "Dumalo siya sa annual party kasama si Elinita. Alam mo ba kung ano ang relasyon nila ng tiyahin ni Isabella?"

"Nagkakilala sila last year nang mabaril si Elinita. Si Kenneth ang nag-opera sa kaniya. At alam n'yo naman ang ugali ng tiyahin ni Isabella." Ngumisi si Vin pati na si Tooffer. "Ang alam ko nagtatrabaho si Kenneth kay Elinita pero walang alam ang huli sa pagkatao ng doktor na 'yon. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit tila hindi magkakilala sina Luz at Kenneth. Ni magpansinan sila sa publiko ay hindi nila magawa."

"May palagay ako na may itinatago sila," bulong ni Leester habang tinitingnan ang picture ni Kenneth Braganza at ng mag-asawang Fernil. "Kung ano man iyon, iyon ang aalamin ko."

Kailan Naging Anghel Ang  Halimaw? (Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon