"Iyong sinabi na natutunan mo ang wikang Ingles sa ibang bansa?" tanong niya saka tumingin sa'kin, nagpa-ikot-ikot ang aking mata. Na-connect na niya agad iyon? Mapapahamak ako nito kapag hindi ko pinag-isipang mabuti ang aking mga sasabihin.

"S-sabi ko nga sa ibang bansa, madalas kasi ako isama ni ama sa hanapbuhay niya at kasama niya rin palagi ang kaniyang kaibigan na aking guro" sinubukan kong ngumiti, nagpatuloy muli siya sa pagbabasa ng mga papeles. Pinipirmahan niya ang ilan habang itinatabi naman ang iba.

"Anong hanapbuhay ng iyong ama? At anong bansa ang tinutukoy mo?" napapikit ako. Ang dami naman niyang tanong. Hindi ko pa ito napaghandaan. "Si ama ay isang... Trader at madalas niya akong isama sa paglalakbay niya sa HongKong"

"Trey-der?"

"Ano bang tagalog ng Trader?" napaisip ako ng malalim. Nasa dulo na iyon ng dila ko. "Ah, 'yung parang nakikipagpalitan ng kalakal sa ibang lahi. Kalakalakan ganon! Madalas niyang customer---Parokyano ay mga tsino na naninirahan sa Hongkong" nakatingin lang siya sa'kin, pinagdudugtong na niya siguro ngayon ang mga sagot ko at hinahanapan ito ng butas.

Ilang segundo siyang nakatingin sa'kin hanggang sa tumango na lang siya, "Hawak nga pala ng mga Ingles ang Hongkong. Aking nauunawaan kung bakit bihasa ka sa kanilang wika" saad niya saka muling nagpatuloy sa pagsusuri ng mga papeles. Nakahinga ako ng maluwag, buti na lang Hongkong ang bansang nabanggit ko. Nasakop ng mga British o Ingles ang Hongkong kaya napaniwala ko siya.

Akala ko ay tapos na ang kaniyang pagtatanong pero hindi pa pala nang magsalita siyang muli, "Nasaan ang iyong pamilya? At bakit ka nandito sa sentro?" usisa niya, umiwas ako ng tingin sa kaniya saka pilit na pinakita sa kaniya na komportable lang akong nakaupo sa silya.

"Taga-Bulakan talaga kami. Si ama na lang ang kasama ko, wala na akong ina. Wala rin akong kapatid at kamag-anak. Kinailangan umalis ni ama papuntang Hongkong noong nakaraang taon pero hindi ako pwedeng sumama dahil nagkakagulo doon kaya ipinasok niya ako sa kumbento" kumpara kanina mas kampante na ako ngayon sa pagkwekwento. Kailangan ko siyang mapaniwala na may background talaga ako. Naalala ko na pinahanap niya ako sa Bulakan at natuklasan niya na wala akong kamag-anak doon.

"Kaya lang gusto ko talagang makapunta dito sa Maynila. Gusto kong tuparin ang mga pangarap ko. Kaya nakipagsapalaran ako at naglakbay papunta dito. Nakituloy ako kina Aling Pacing at Mang Pedro dahil... dahil kaibigan ko ang anak nila na nakasama ko sa kumbento" patuloy ko, ang hidden key dito ay confidence.

"Paano ka naging kasapi ng mga tulisan?" tanong niya na hindi ko inaasahan. Sa simula pa lang, iniisip na talaga niya na kasama ako sa mga rebelde.

"Ano ang iyong matinding hangarin at galit sa pamahalaan upang umanib ka sa mga taksil sa bayan?" sa pagkakataong iyon ay naramdaman kong seryoso siyang malaman ang sagot mula sa isang miyembro ng rebeldeng grupo.

Pinagpapawisan na tuloy ako. Bakit ba nasalang ako sa hot seat? "W-wala naman. Na-engganyo lang ako ng mga kakilala ko kaya sinubukan ko at syempre gusto ko rin naman ng pagbabago" napakagat ako sa aking labi. Gusto kong iuntog ang ulo ko sa mesa dahil sobrang babaw ng sagot at wala pang sense.

"Iyong sinasabi na napilit ka lang ng iyong mga kaibigan?" mukhang hindi siya kumbinsido sa sagot ko. Nangbibigla naman kasi siya, hindi ako handa sagutin lahat ng sunod-sunod ang mga katanungan niya. "Oo, peer pressure parang ganon" sinubukan kong ngumiti muli para pagaanin ang tensyon pero hindi tulad kanina ay wala pa rin siyang reaksyon.

"Handa kang mamatay nang dahil lang sa impluwensiya ng iyong mga kaibigan" wika niya saka muling nagbasa. Sandali ko siyang pinagmasdan, hindi ko alam kung bakit ako nakaramdam ng awa. Wala kasi siyang kaibigan buong buhay niya kaya hindi niya alam kung ano ang pakiramdam ng magtiwala at pagkatiwalaan ng isang kabigan.

Salamisim (Published by Anvil Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon