Nagulat ako nang bigla akong kinalabit ni Kuya Jaime.

"Ayos ka lang, tol? Anong problema mo? Tahimik yata tayo?"

Tumango ako kay Kuya at tinapik sa likod. Hindi ko alam kung bakit sila naninibago. Madalas naman akong tahimik.

"Ayos lang ako."

Ang mga kapatid kong babae ang kumuha ng mga plato, kutsara at tinidor. Samantalang si papa ay nagpalit muna ng damit dahil basa sa pawis.

Umupo na kaming lahat para sa maikling panalangin bago kumain. Makukulit pa ang mga bata kong kapatid at hindi mapirmi. Sinaway sila ni mama.

Natapos rin kaagad ang panalangin at nakakain kami. Sa hapunan nagaganap ang kumustahan sa pamilya. Sa pagkakataong ito, tahimik sila.

"Kumusta ang byahe mo, Dado? Kumusta ang kita," panimula ni mama. Siya ang huling kumuha ng kanin.

Sumandok naman si Papa ng sabaw sa kanyang lalagyan. Habang ang mga kapatid ko ay kumakain na.

"Ayos lang, Narda. Swerte't nakarami ako ng pasahero ngayon. May dagdag kita. Mukhang pwede ang lechon manok sa susunod na sabado!"

Nanlaki ang mga mata ni Ellaine. Natigil sa akmang paghigop ng sabaw.

"Roast chicken ba yon, papa?"

Umirap naman si Kuya Jaime.

"Bunso, inenglish mo lang,"

Ngumuso si Ellaine.

"E kaya nga ako nagtatanong eh!"

"Sinabi ko bang hindi?"

"Jaime, tama na yan!" singit ni mama.

Ginulo ni Kuya ang buhok ni Ellaine na galit na galit naman sa kanya. Nangiti pa ito ng isang beses.

"Respetuhin niyo ang pagkain," si Papa.

Tumigil na sila at tumahimik na ngumuya. Napapatingin si mama at ang mga ilang kapatid ko sa akin.

Ilang sulyap pa ang ipinukol nila kaya wala akong ibang nagawa kundi ang nagbuntong-hininga.

Ibinaba ko ang kutsara at tinidor at tinignan sila nang maayos. Napangiwi pa si Ellaine at madramang umirap. Iniisip niya rin sigurong nagiging OA na sina mama at papa sa akin.

"Okay lang ako. Hindi ako kumportableng tingin kayo ng tingin sakin. Kumain tayo nang maayos,"

Napatikhim si papa. Si mama naman ay uminom ng tubig. Ang ilan kong mga kapatid na nakatingin kanina ay sa pagkain na nakatuon ang pansin.

"E, nakakapanibago ka lang kasi ngayon anak. Para kang may pinagdaraanan,"

Pinuna rin ni papa ang katamlayan ko. Si Mama ay patango-tango lang sa kanyang sinasabi.

Kumain na lang ako ng tahimik at mabilis. Pagkatapos ay umalis na ako agad para makapagmuni-muni.

"Tapos na po akong kumain,"

Inubos ko ang tubig na may yelo. Iniligpit ang pinagkainan ko deretso sa lababo at umalis.

Umakyat ako sa bubong namin. Malapad at dahil gabi na, hindi na mainit ang yero. Dala-dala ko roon sa itaas ang isang kwaderno.

Malamig ang gabi, ang pinakapaborito kong parte ng isang buong araw. Kapag gabi, sarili ko lang ang inaalala ko. Walang eskwela. Walang mga guro. Walang kapatid. Walang pamilya. Ako lang muna.

Binuksan ko ang mga pahina. Dama ang gaspang sa mga daliri ko. Hindi ito pangkaraniwang kwaderno lang. Dito ko isinulat lahat ng saloobin ko.

Maaaring maganda, maaaring hindi. Maaaring pananakit. Maaari ring ukol sa kagandahan ng buhay. Lahat ng mga bagay na hindi kayang sabihin ng bibig, isinusulat ko rito. Sa mga papel, malaya ako.

Smile, SunshineTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon