Hindi man nagbago ang reaksiyon ng mga nasa loob ay ramdam niyang nakuha naman ng mga ito ang gusto niyang sabihin.

Nanginginig ang mga kamay niyang pinindot ang password ng kaniyang cellphone.

Nang umilaw ay nagkatinginan ang lahat. Tila nakumbinsing ang Cathy na kanilang kaharap ay hindi nga isang impostor.

"Ngayong napatunayan ko nang hindi ako ang impostor, walang sinuman sa inyo ang pwedeng kumilos at magsalita!" sigaw niya.

Nagulat ang lahat nang tila may kung anong mga bagay ang bumabagsak sa bubungan ng sasakyan.

Ang hindi nila alam, may mga ahas na ring umakyat sa punong nasa tapat ng sasakyan kung saan ito nakatigil. Tila kusang nagpapatihulog na ang mga ahas sa bubong ng sasakyan sa layuning sila'y mapuntahan.

Nang may mga ahas nang gumagapang sa bintanang salamin ng sasakyan, nagulat ang lahat. Nagsigawan ang mga itong pinagmamasdan ang napakaraming ahas na tila gustong lumusot sa salamin!

Sigaw ng pagkasindak na halos bumingi sa lahat ng nasa loob!

Subalit hindi pa rin niya inaalis ang kanyang tingin sa mga kasamahan.

Kailangan niyang magsalita kahit sobrang kinakabahan.

Upang mapakalma at tumahimik ang lahat, inihampas niya ang hawak na tubo sa bakal na gilid ng sasakyan.

"Makinig po kayo!" sigaw niya. "Wag ninyong intindihin ang mga ahas sa labas. Matibay ang salamin ng sasakyan at naka-lock ang lahat ng pinto at bintana, tiyak kong hindi nila ito mababasag! Mas importanteng malaman natin ngayon kung sino sa atin ang impostor. O kung may impostor nga ba!" matigas niyang turan. Pero sa totoo lang, sobrang lakas at bilis na ng pagpintig ng kaniyang puso dahil sa kaba at takot.

"Mang Pedring" tawag niya sa matandang lalaki. "Paano po ninyo nasabing nararamdaman ninyong kalaban dito sa loob?" tanong niya. Habang nagtatanong ay nakaamba pa rin ang tubong bakal na kinuha niya sa gilid ng upuan kanina. Nakahanda siyang ihampas iyon sa ulo ng sinumang kikilos ng masama.

"Ah eh..." nanginginig ang boses na paunang sabi ng matanda. "Sa mga araw na inilagi ko sa mundo ng mga halimaw ay pinag-aralan ko nang pakiramdaman ang paligid. Alam na alam ko na kung kailan may darating na panganib at kung may malapit na kalaban" dugtong nito.

Pinag-aralan niyang mabuti ang mukha ng matanda. Tila nais niyang basahin ang isipan nito. Gusto niyang alamin kung nagsisinungaling ba ito o nagsasabi ng totoo. Pero hirap siyang makapag-concentrate. Patuloy pa rin kasi ang pagkalampag ng bubong ng sasakyan at parami na ng parami ang mga ahas na pilit gumagapang sa mga bintana nito.

"Hindi po kaya ang panganib na naramdaman ninyo ay sandamakmak na ahas na dumarating ngayon at wala naman sa loob ng sasakyan?" tanong niya.

"Maaari..." tipid na sagot ng matanda. "Pero hindi ko sinasabing nakatitiyak ako" dagdag nito.

Nag-isip siyang muli ng paraan para malaman kung may impostor ba talaga sa kanila. Habang patuloy pa rin ang pagpapalipat-lipat niya ng tingin sa apat.

Bigla niyang naisip. Magkapareha ang mga kasamahan niya.

Si Mang Pedring at Aling Maria.

Si Mang Aldo at Lola Tory.

Naalala niya ang isang "matching game" na laging ginagawa sa magkakapareha lalo na sa mga mag-asawa o magnobyo't-nobya. Sa tingin niya ay gagana ito ngayon. Nako-cornyhan man siya sa sarili sa binabalak na gawin, pero yun lang ang tanging paraan para makasiguro.

"Lola Tory at Mang Aldo. Mang Pedring at Aling Maria. May mga personal na impormasyon po ba kayong nalalaman tungkol sa isa't-isa?" tanong niya.

"Anong ibig mong sabihin?" si Mang Aldo.

LIHIM NG SAN PATRICIO (Siete/Kuarenta Series)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon