Ang Pamukpok, ang Labaha at s...

By vindelcaroba

241 6 0

Paano kaya kung ang isang bagay na matagal mong hinintay at pinagplanuhan ay mauuwi sa panlulumo at panghihin... More

Ang Paghahanda
Ang Pagkabigo
Si Mimi
Ang Tagumpay

Ang Pagkatakot

65 1 0
By vindelcaroba


Malapit lang sa kanila ang pagtutulian. May higit na 200 metro ang lalakarin at isang ilog na tatawirin. Mula sa kanila ay tanaw na ang dako na iyon.

Nakita ni Jun na kinuha ng kanyang itay ang paborito nitong kulay asul na maong na dyaket.  Pamana pa ito ng kanyang lolo at alam niyang sa kanya din ito ipapamana ng kanyang ama dahil sa inayawan ito ng kanyang kuya Jerick.

Nasa kalagitnaan na ng paglalakad ang mag-ama nang bumuhos ang malakas na ulan. Kahit ang malakas na ulan ay hindi napigil ang mag-ama sa kanilang mahalagang lakad. Baon nila ang baro-barong ginawa ng kanyang itay at talbos ng bayabas na pinanghingi pa niya sa kapitbahay nila. Lingid sa kanilang kaalaman na si Jay ay sumusunod sa kanilang likuran.

Nasa tabing ilog na sila nang marinig ni Jun ang malakas na iyak ng kanyang pinsan. Ang kaninang malakas na loob ni Jun ay napalitan ng panghihina ng katawan. Naramdaman niyang nagsisimulang mag-unahan ang mga daga sa kanyang dibdib. Nangalog din ang kanyang tuhod ngunit di niya ito pinahalata sa kanyang itay.

Tinawid nila ang ilog at pumasok sa masukal na kagubatang iyon. Di pa man sila nakakarating ay naaninag na ni Jun ang kislap ng labaha at ang tunog na hatid nito sa tuwing hinahataw ng pamokpok.

Umuna ang kanyang itay sa dakong iyon para makiusyoso at makipagkwentuhan sa mga pinsan at kapatid nito.

Naramdaman niya na may humawak sa kanyang damit at paglingon niya'y nakita niya ang kanyang kapatid na nakadapa sa damohan. Kita niya ang paa nito na nakasabit sa naka-usling ugat.

"Bakit ka ba narito?. Diba hindi ka pinayagan ni Itay? Kita mo iyan, ang lampa mo!", bulyaw ni Jun sa kanyang kapatid.

Tinulungan niya itong tumayo at sinabihang umuwi na ngunit di ito natinag at sa halip ay tumakbo ito papunta sa kanyang itay. Di naman nagalit ang kanyang itay at nagpatuloy ito sa pakikipagkwentuhan.

Nakita niya si Mark ang kanyang kabarkada habang kaang na naglalakad papalapit sa kanya.

"Tuli na ako Jun!", pagbibida pa nito.

"Magpatuli ka na rin. hahaha. Hindi naman pala masakit, parang kagat lang ng langgam!",  pagyayabang pa nito.

Nakadama si Jun ng inggit. Minsan pang kinapa niya ang kanyang baro-baro at talbos ng bayabas sa kanyang bulsa. Nabuo ang imahinasyon niyang nakasuot ito kasama ng talbos na iyon.

Nagulat siya sa tawanan at halakhak ng mga taong naroroon. Merong kung anong bagay ang nag-udyok sa kanyang alamin kung bakit nagtatawanan ang mga ito kahit alam niyang hindi sya pwedeng manuod habang may tinutulian.  Sinabi ito sa kanya ng kanyang itay kanina bago sila umalis para hindi sya matakot. Napag-alaman niyang nalunok ng kanyang pinsan ang talbos ng bayabas na pinangata dito. Natawa rin siya tagpong iyon.

Tapos na ang kanyang pinsan .Ngayon ay dalawa na lamang sila ng kaniyang kabarkadang si Arnold. Alam niyang mahina ang loob nito. Pinilit niya lamang itong sumama sa kanila. Nagdadalwang isip siya kung siya na ang susunod ngunit bago pa man siya makapagdesisyon ay nakita niyang lumapit na si Arnold sa magtutuli.

Tumabi si Jun sa kanyang itay ngunit hindi ito alam ni Mang Edgar. Inutusan ng magtutuli si Arnold na ipasok na nito ang balat ng ari nito sa lukaw na agad namang sinunod ni Arnold. Sinimulan na ang pagtutuli.

Kitang kita ni Jun ang pagkakahiwa ng balat nito. Nagkalat ang dugo sa damohan. Sunod sunod na pukpok ang kanyang narinig. Ang kaninang nagtatagong mga daga ay bumida na sa pag indak sa entablado sa kanyang dibdib. Gustong kumawala ng kanyang mga pawis ngunit sinaklot ang kanyang katawan ng ginaw. Kita niya ang kanyang ama na giniginaw na rin.

Ang impit na daing ni Arnold ay nanunuot sa kanyang isipan at waring nag-aalok sa kanyang umuwi na. Sinuotan na ng baro-baro si Arnold ngunit pagtindig nito ay biglang itong nabuwal. Hinimatay si Arnold.

Sumasal ang tibok ng puso ni Jun. Parang gusto nya na ring mawalan ng ulirat sa tagpong iyon.

Binuhat ng mga nakikiusyoso si Arnold at inuwi sa kanila. Tanging si Jun at si Jay na lang ang naiwang bata sa lugar na iyon. Kitang kita nya kung papanong pinakintab muli ng magtutuli ang kanyang labaha. Nasisilaw siya sa kislap niyon. Naramdaman niyang bahagya syang tinulak ng kanyang itay sa gawi malapit sa lukaw. Kinuha ni Mang Edgar ang talbos sa kanyang bulsa at pinangata sa kanya. Sa simula ay mapakla ito, ngunit nang tumagal ay nalaro na niya ang lasa.

Nangingilig ang kanyang mga kamay habang hinuhubo ang kanyang salwal. Hinayaan niya ang magtutuli ang maglagay ng kanyang ari sa lukaw. Tumingin siya sandali sa paligid. Tahimik na nagmamasid ang mga tao kabilang ang kanyang ama at kapatid na nakangiti sa kanya. Gusto na niyang matapos ito ngunit naging madaya sa kanya ang oras. Waring kay bagal ng bawat sandali. At ang oras ng pinakahihintay ni Jun ay dumating na. Nakahanda na ang labaha at akmang ihahataw na ang pamokpok nang biglang inurong ni Jun ang kanyang ari mula sa lukaw. Natagpuan nya ang sarili nyang nakatayo habang ang kanyang itay ay bigla sa mga pangyayari. Gusto nyang pumalahaw sa mga sandaling iyon. Ibang iba ang naging takbo ngayon sa mga naging plano niya kagabi.

Narinig niyang nagtatawanan ang mga tao sa paligid. Hindi niya gusto iyon. Sa pagnanais na alisin ang sarili sa pagkapahiya, muli siyang lumapit sa lukaw. Ngunit bago pa man sya makagalaw ay nakita niya si Jay na mabilis na nagtanggal ng saluwal at umupo sa harap ng lukaw. Nagpalakpakan ang mga tao sa paligid. Ramdam ni Jun na namula ang kanyang pisngi.

"Itay, ako na lang magpapatuli. Kaya ko po ito" ani Jay.

Di pa rin kumikibo ang kanyang itay. Dinukot ni Jay ang baon nitong talbos ng bayabas at nginata.

Isa...
Dalawa...
Tatlo...

Tatlong pokpok ang kanyang narinig. Kalmado lang si Jay. Di nagpapahalata sa nararamdamang sakit. Sinuotan na ito ng baro-baro at masayang nagmalaki sa kanyang itay.

"Sabi ko sa inyo tay kaya ko na e", pagmamalaki pa nito.

Sa ikalwang pagkakataon ay nakadama muli si Jun ng inggit ngunit nananaig pa rin sa dibdib ang takot. Mabilis siyang umupo sa tapat ng lukaw. Siya na rin ang nagsuot ng kanyang ari dito. Papabilis ang kaba sa kanyang dibdib.Waring nagsisirko ang mga daga dito. Lumapit sa likod niya ang kanyang itay at inalalayan siya nito. Nakahanda na ang pamukpok at labaha.At si Jun...abala sa pakikidigma sa kanyang kaba.

"Itay...Baka po masakit!!!", bulalas ni Jun na ikinagulat ng kanyang itay at ng mga tao sa paligid.

"Baka po mahimatay ako tulad ni Arnold. Itay, baka masaktan ako!".

Umiiyak na si Jun. Nanlumo ang kanyang ama sa inasal ni Jun.

Naramdaman ni Jun na hinugot ng magtutuli ang lukaw mula sa pagkakabaon nito sa lupa. Nag-impake na ito ng kanyang gamit at umalis. Nag simula na rin mag-alisan ang mga tao. Nagtatawanan ang mga ito, nangungutya...nang-uuyam.

Ramdam ni Jun ang unti-unting pagkalas ng mga braso sa kanyang likod. Dinig pa niya ang mahinang yabag na papalayo sa kanya. Binigo niya ang kanyang itay. Binigo niya ang kanyang sarili.

Nakaramdam siya ng galit. Ngunit di niya madama kung san ito galing. Kumaripas siya ng takbo palabas ng sagingang iyon.

" Tulian nyo ako!!!", palahaw ni Jun.

Ngunit wala ni isa sa kanya ang nakaririnig.

"Tulian nyo ako parang awa nyo na!", muli pang hiyaw ni Jun.

Nagmistulang bingi ang paligid.Kasunod niyo'y ang nakaririnding katahimikan.

Walang habas na tinawid niya ang ilog. Wala siyang paki-alam kung mabasa siya o malunod man. Ang mahalaga ay maabutan niya ang kanyang ama.

Tama sya, nag-aabang ang kanyang itay. Limampung dipa ang layo nito mula sa kanya.

Ngunit waring nagsilbing harang ang mga mata nitong galit na nakatitig sa kanya. Dama nito ang poot ng kanyang itay. Kasunod niyon ay tumalikod na ang kanyang itay at umalis.

Continue Reading

You'll Also Like

27K 1.9K 40
Kelvin moved to Manila to pursue his study in Ardano University. During his college years, he will share a room with Noah Faustino- a rising basketba...
149M 5.5M 130
Masarap mapunta sa Section na may pagkaka-isa. Meron mang hnd pagkaka-unawaan, napag-uusapan naman. Panu kung mapunta ka sa Section na ikaw lang ang...
720K 7.8K 44
"Hindi naman ako 'yong klaseng angel na inaakala mo." - Ayara - Date Started: June 06, 2023 Date Finished: June 23, 2024
2.9M 57.7K 32
Si crush ang gusto ko pero girlfriend niya ang nakuha ko. She's a monster. A beautiful monster, my own Monteclaro. NOTE: THIS STORY IS ALREADY COMPLE...