Nasaan ba ako?
Written by: Gril18
Kumusta?
Ilang linggo na rin ang nakalipas mula noong maghiwalay tayong dalawa,
Kumakain ka ba nang maayos sa umaga?
Nakakatulog ka ba nang mahimbing sa gabi?
Inaalagaan mo ba ang sarili mo?
Wala na kasi akong balita sa iyo,
Nagpasya kang tapusin ang relasyon nating dalawa,
Naputol ang koneksyon natin sa isa't isa,
At hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala,
Ang hirap paniwalaan,
Hindi ko kaya,
Wala pa akong sapat na lakas para muling tumayo mula sa pagkakabagsak ko,
May luhang nagbabagsakan sa magkabilang pisngi ko,
Ngunit hindi ko ito maramdaman,
Namamanhid ang buong katawan ko,
Hindi ko sigurado kung hanggang kailan ang sakit na nararamdaman ko,
Hindi ko pa rin alam kung paano ako muling mabubuo,
Kasi, hindi ko inaasahan itong kinahinatnan ng ating kuwento,
Masaya naman tayong dalawa,
Tumatawa at nakangiti habang magkasama,
Pero siguro nga,
Kung tadhana na ang nagpasya ay wala na tayong magagawa,
Kahit anong pilit kong isalba,
Kahit isugal ko pa yung natitira kong baraha,
Talo na ako,
Nagpasya ka nang lumayo,
Hindi na ako yung gusto mo,
Hindi ako yung pinili mo,
Hindi ka na masaya,
Ako na lang yung nagpupumilit kumapit,
Ako na lang yung pilit na lumaangoy sa karagatan,
Kahit na alam kong lumubog na ang barko ng ating pagmamahalan,
Kaya mahal, patawarin mo sana ako,
Hindi ko pa gustong bumitaw,
Gusto ko pang ilaban ito,
Pero hindi ko na kaya,
Ikaw na mismo ang nagsasabing itigil na ang kahibangan na ito,
Ginigising mo na ako mula sa isang malalim na panaginip,
Na kung saan masaya pa tayong dalawa at walang problema,
Pinababalik mo na ako sa reyalidad,
Na kung saan hindi tayo pwedeng dalawa,
Na kung saan animo'y estranghero ako sa iyong mga mata,
Na kahit magtama ang mga mata natin ay mabilis kang titingin sa ibang direksyon,
Na para bang wala tayong pinagsamahang dalawa,
Na para bang hindi dumaan ang oras na sabay tayong tumatawa habang nanonood ng pelikula,
Nakakatawa ano?
Siguro pinagtatawanan mo ang mga ginagawa ko ngayon,
Pasensya ka na, ah?
Alam kong ilang linggo na ang nakalipas pero hindi pa rin ako nagiging maayos,
Umiiyak pa rin ako na para bang batang musmos,
Inaalala lahat ng masasayang araw na pinagsaluhan nating dalawa,
Yung mga ngiti mong matatamis,
Yung mahihinang tawa mo na kung minsan ay sinasabayan pa ng hampas sa balikat,
Mahal, paano ba ito?
Gusto ko nang makawala sa rehas ng kalungkutan,
Gusto ko nang sumaya,
Pero posible ba ito gayong wala ka na?
Wala na yung dahilan nang madalas na pagngiti ko,
Alam mo bang hindi ko maiwasang mainggit sa tuwing nakakakita nang masayang magkarelasyon?
Kasi mahal, sana ganoon tayo,
Kung pwede lang sana,
Kung pwedeng ipilit,
Wala na sana akong nararamdamang sakit,
Pero hindi bale,
Kakayanin ko ito,
Hindi ngayon pero malay mo bukas,
Makita mo na ulit akong nakangiti,
Masaya, tumatawa, puno nang sigla,
Pero ngayon, paalam na muna,
Bubuoin ko muna yung puso ko,
At gagawing mas matibay,
Dahil nakakatakot yung ganitong pakiramdam,
Na humihinga pero pakiramdam mo ay patay ka na,
Muli, salamat at paalam mahal ko,
Hahanapin ko muna ang sarili ko.