SADYANG gumising nang maaga si Phoebe kinabukasan. Alam niyang maaga ang alis ni Edmund patungong Maynila.
Bitbit ang ilang gardening tools ay pasimple siyang nagtungo sa rose garden ng kanyang yumaong mama. Naka-gloves pa siya para mas effective ang kanyang drama. Ang totoo ay ayaw lamang ni Phoebe na makaligtas sa kanya ang pag-alis ni Edmund. Sa hardin ay tiyak na hindi niya ito mami-miss sa oras na lumabas ang lalaki ng villa.
"Aba, Ma'am," bati sa kanya ng may-edad na hardinero. "Napasyal kayo rito sa hardin..."
Bahagya itong nagtaka sapagka't noon lamang nagtungo si Phoebe sa hardin upang i-tend iyon. Tumango si Phoebe. "Naalala ko kasi itong rose garden ni Mama. Mahigit twelve years na rin pala na hindi ko man lang ito nabibisita," sabi niya.
"Mula nang mamatay si Mama, nawalan na ako ng interes sa paghahalaman. Siya lang naman ang nagga-guide sa akin sa gardening, Mang...?"
"Andoy," salo nito.
"Mang Andoy." Tumango si Phoebe. Bago lamang ang hardinero sa villa kaya hindi pa niya ito halos matandaan. "Kung hindi ho ninyo mamasamain, nais ko hong ako na ang personal na mag-alaga ng rose garden ni Mama. At least habang naririto ako."
Ngumiti lamang ito. "Wala hong problema."
Ngumiti rin si Phoebe at patalungkong naupo na sa direksiyong paharap sa gate na bakal. Sa posisyong iyon, tiyak na pagdaan ni Edmund ay kitang-kita niya ito. Kabaligtaran namang hindi siya nito mapapansin dahil bahagyang nakukublihan ang lugar na iyon ng mga Chinese bamboo plants.
"Nag-almusal na ho ba kayo?" mayamaya ay tanong ng matanda.
Umiling si Phoebe. "Napakaaga pa naman ho, Mang Andoy. Sanay ho ang tiyan ko na eight-to-nine nag-aalmusal." Mag-aalas-sais pa lamang nang mga sandaling iyon.
"Siya," anitong ipinagpag ang kamay. "Ako muna'y kakain sa kusina. Kape pa lang ang naiinom ko. Maiwan ko muna kayo, Ma'am Phoebe."
Tumango siya. Nakakailang hakbang pa lang ang matandang lalaki nang muli niyang tawagin.
Lumingon si Mang Andoy at nagtatanong ang mga matang tumingin sa kanya.
"Tawagin na lamang ninyo akong 'Phoebe,'" nahihiyang saad niya. "Ayoko ho ng 'Ma'am Phoebe.' Bigyan ninyo ako ng titulo kapag doktora na ako, ano ho?"
Ngumiti ito nang matamis. "Kayo ho ang masusunod, Phoebe."
"At Mang Andoy..." habol niyang muli nang humakbang na naman ito. Muli itong lumingon.
"Puwede ho bang huwag na ninyo akong ho-ho-in? Para ho kasing tumatanda ako, eh." Sinundan niya ng sheepish grin ang sinabi.
"Ikaw ang bahala, Phoebe," malawak ang ngiting bigkas ni Mang Andoy at saka tuluyan nang tumalikod.
KASALUKUYANG nagkakape si Frederick sa kusina nang pumasok ang matandang hardinero.
"Good morning ho, Mang Andoy," bati niya.
"Senyorito..."
Naging cautious ang tinging ipinukol niya rito.
"Mang Andoy, ako ho si Edmund," paalala ni Frederick.
Nakakaunawang tumango ito, sabay tawa.
"Tumatanda na talaga ako. Nagiging makakalimutin na," sabi nito na naupo sa kaharap niyang silya. "Tuloy ho ba kayo pa-Maynila?"
Tumango si Frederick.
"Nasa hardin si Ma'am—este, si Phoebe pala. Binubungkal ang rose garden ng yumao niyang ina."
Natigil ang gagawin sanang paghigop ng kape ni Frederick. "Si Phoebe? Marunong mag-garden ang babaeng 'yon?"
"Mukha namang marunong din," nakatawang turan ni Mang Andoy. "Ang ikinagugulat ko lang ay kung bakit kuntodo nakapostura pa siya."
Napangisi si Frederick. "Bakit, ano ba'ng ayos?"
"Tingnan mo na lang mamaya pagdaan mo sa hardin. Kay gandang bata!" palatak pa ni Mang Andoy. "Sayang na sayang kung sa tabatsoy na doktor nàyon lamang mapupunta." Pagkasabi niyon ay pinukol siya ni Mang Andoy ng makahulugang sulyap—iyong tipong naghahamon.
"At sino ang nagsabing sa lumba-lumbang Dr. Winnifred Concepcion na iyon mapupunta si Phoebe?" pilyong nasabi ni Frederick sa isip. Ano pa'ng silbi ng good genes at pamatay na karisma ko? Lihim siyang natawa sa sarili. Ewan ni Frederick subalit optimistic siya sa kanyang damdamin para kay Phoebe, kung ano man iyon. Sapagka't kung wala ni katiting na pagtingin sa kanya ang babae, bakit nito tinutugon ang mga yakap at halik niya with equal passion and intensity?
"May luto nang almusal si Manang Inday," sabi na lamang ni Frederick sa hardinero. "Mabuti pa ho'y sabayan n'yo kami ni Phoebe sa pagkain." Pagkasabi niyon ay tumayo na si Frederick upang puntahan sa hardin ang dalaga.
MUNTIK nang mapalundag si Phoebe nang maramdaman ang pagsayad ng mainit na labi sa kanyang batok habang nakatalungko siya at nagbubungkal ng lupa sa rose garden.
"Ay, butiki!" gulat na bulalas ni Phoebe.
Pumailanlang sa katahimikan ng paligid ang malutong na halakhak ni Edmund. "Good morning, sweetheart. I didn't know na mali-mali ka pala," tudyo nito.
Tumayo siya at namaywang. "Kung hindi ka ba naman sira, ang tahi-tahimik ng paligid, 'tapos gugulatin mo ako!"
Napalatak at napailing si Phoebe. Dapat ay magalit siya sa ginawa ni Edmund, subalit hindi niya makapa sa dibdib ang disgusto sa ginawa nito.
Inakbayan siya ni Edmund, saka inalis ang suot niyang gloves. "Tara, breakfast muna tayo sa kusina," yakag nito.
Walang tutol na nagpagiya na lamang si Phoebe sa binata. Sa kaibuturan ng kanyang puso ay masayang-masaya siya sa sweetness na ipinakikita nito sa kanya.
Pagdating sa pintuan ng bahay, saka pa lamang dumistansiya si Phoebe kay Edmund. Mahirap na. Baka makita sila ng mga kasambahay ay kung ano pa ang isipin.
Hinayaan naman siya ni Edmund. Iiling-iling na sumunod na lamang ito sa kanya patungo sa kusina.
Nadatnan nilang nag-uusap sina Manang Inday at Mang Andoy. Natigil ang huntahan ng dalawa nang makita sila ni Edmund.
"Himala," puna ni Manang Inday. Nakataas ang kilay nito sa pagkakatingin sa kanya. "Ang aga yatang nagising ng magandang dalaga?"
"Scheduled kasi akong pumasyal sa taniman ng rambutan at dunenitan, Manang," alibi ni Phoebe. "Pagkatapos ay sa babuyan at manukan naman ako pupunta."
Tumango-tango lamang si Manang Inday. "O siya, kumain na kayong tatlo. Itong si Edmund ay maaga pang lalarga."
Humila si Edmund ng isang silya para kay Phoebe, pagkatapos ay naupo sa silyang nasa kanyang tabi. Hindi pa yata nakontento, bahagya pa nitong iniisod ang silyang uupuan palapit sa kanya.
Tinaasan ni Phoebe ng kilay si Edmund, sabay baling ng tingin kay Manang Inday.
Muling iniisod ni Edmund sa dating puwesto ang silya nito. "Uhrrm. .!" pagkuwa'y tikhim nito. "I like your dress, Phoebe. Lalo kang gumanda sa kulay niyan."
Alam ni Phoebe na nag-blush siya. "Oh, this rag? Pinaglumaan ko ito na natagpuan ko sa closet ko. Akala ko ay naipamigay na ito ni Manang Inday."
"Bakit ko naman ipamimigay?" sabad ng matandang babae. "Hindi ba't paborito mo 'yan? Isinusuot mo lang 'yan sa mga espesyal na araw para sa'yo. Gaya ng ikinuwento mo sa akin na first date ninyo kamong dalawa ni Winnifred."
Napapahiyang inirapan ni Phoebe ang mayordoma. "Manang Inday, ha? Lavender din ang suot ko noong first date namin ni Winnifred pero hindi ang dress na ito."
Magtatalo pa sana sila kung hindi nila narinig ang malakas na pagbagsak ng tasa ni Edmund sa platito. Nang mapatingin sila kay Edmund, muli nitong nilagok ang kape, straight.
ANG AKALA pa naman ni Frederick ay isinuot ni Phoebe ang magandang lavender sundress na iyon para sa kanya. Iyon pala ay dahil espesyal sa dalaga ang damit na iyon.
Padabog na isinara ni Frederick ang pinto ng kotse bago mabilis na nilakad ang pagpasok sa magarang tahanan ng kanyang Tita Guada. Kapatid ito ng kanyang papa na sa Maynila na naninirahan. Si Tita Guada ang nagpalaki sa kanya mula nang sabay na namatay ang kanyang mga magulang noong walong taong gulang pa lamang siya.
Mula kaninang umalis si Frederick ng Bukidnon, hanggang ngayong naroon na siya sa Maynila ay nagngingitngit pa rin siya. Lalo na nang makausap ni Frederick sa cellular phone si Adolfo at sinabi nito na ibinulong dito ni Mang Andoy na dumating si Dr. Winnifred Concepcion, lulan ng private chopper, ilang minuto pa lamang siyang nakakaalis.
Ngalingaling tawagan ni Frederick ang kanyang piloto at magpahatid pabalik sa Bukidnon.
"Hijo!" gulat na bati ni Guada Villavicencio-Chua pagkakita kay Frederick. "What a surprise! Naaalala mo rin palang buhay pa ang Tita Guada mo..." Lumamlam ang mukha nito matapos ilayo ang katawan sa pagkakayakap sa kanya.
"Trouble?"
Umiling si Frederick, madilim pa rin ang mukha. "I just missed you, that's all."
"Ngumiti si Tita Guada nang makahulugan. 'Ows? Para mo namang sinabi na hindi kita kilala, my dear nephew. Something is bothering you, at hindi mo iyon puwedeng i-deny. Ipinagkakanulo ka ng piligres at ugat mo sa noo, Frederick.'
Napatiim-bagang siya. At kahit hindi nakikita ang sarili ay natitiyak ni Frederick na lalo lamang nagsipaglabasan ang mga piligres at ugat niya sa noo, senyales na masama talaga ang kanyang timpla.
Mabining hinila si Frederick ng tiyahin patungo sa eleganteng sofa at saka pinaupo roon. Tinawag nito ang katulong at nagpahanda ng merienda para sa kanya.
'Strawberry bibingka at green mango shake. My dear Frederick's favorites!' wika ng kanyang tiyahin.
Parang batang yumakap si Frederick sa tiyahin at saka humilig sa ulo nito. 'Tita, how would I do without you? You really know how to cheer me up.'
'And I know what bothers you,' nakangiting saad nito. Hinalikan siya sa noo. Dahil walang anak na lalaki, para na ring anak ang turing ni Tita Guada sa kanya, pati na ang asawa nitong isang Chinese national. 'I can sense that it's not business this time. O baka naman negosyo at pag-ibig rolled into one?' Mapanukso ang ngiting naglalaro sa mga labi ni Tita Guada nang titigan si Frederick nang mataman. 'Nagkamali ba ako sa aking vibes na ang hinahabol-habol mo sa Rancho San Buenaventura ay hindi talaga ang rancho? Na si Phoebe San Buenaventura ang tunay na dahilan ng overeagerness mo na matubos mo sa bangko ang pagkakasangla ng homestead na iniwan ni Don Protacio?'
'You're... right,' madilim ang mukhang pag-amin ni Frederick.
Sa lahat ng tao sa mundo, sa kanyang Tita Guada lamang si Frederick kailanman hindi puwedeng magkaila ng kanyang tunay na saloobin at nararamdaman.
Nagpakawala siya ng isang buntong-hininga. Hindi nakaligtas kay Frederick ang makahulugang ngiti ng tiyahin.
'Ano'ng nangyayari sa akin, Tita? Para akong teenager na infatuated sa kanya. She's really beautiful... pero marami rin naman akong nami-meet na magagandang babae. She's... she's different in a very unique, special way.'
'Sinasabi ko na nga ba,' palatak nito. 'Nang una mo pa lang banggitin sa akin na napakaganda kamo ng unica hija ng late old friend mong si Don Protacio, somehow ay na-vibes ko that it was going to be something... complicated. You are the kind of person na ayaw magpatalo sa emotions. You always try and act logical. You never give way to your emotions. Now look at you... helpless like a motherless kitten.' Umiling-iling pa si Tita Guada. 'Nakahanap ka rin ng katapat mo.'
'Tita, I'm not in love, all right?' matigas na tanggi ni Frederick. 'I can't be!'
Marahan siya nitong tinampal sa pisngi. 'Bakit ba ayaw mong i-open ang sarili mo sa reality na hindi ka bato? You're a man, not a rock. A man that is capable of love,' ani Tita Guada sa pagitan ng pag-iling. 'Tumatanda ka na, hijo. You're... what? Thirty-two? Aba, sa edad mong 'yan, dapat ay may pamilya ka na. Ikaw rin... sa sobrang busy mo sa mga negosyo mo, baka maiwan ka sa biyahe. Tatanda kang binata at sayang lang ang lahat ng pinagpaguran mo.'
'Pero paano naman, Tita, kung ang babaeng nais ko sanang pakasalan ay may mahal nang iba?' helpless na tanong niya.
Pagkuwa'y nasapo ni Frederick ang noo. Tama ang kanyang Tita Guada, para siyang isang helpless na kuting. Hindi niya alam kung paano i-confront ang sariling damdamin.
Mataman siya nitong tinitigan.
'Tita, are you listening?' untag ni Frederick rito nang matagal na hindi kumibo at parang may malalim na iniisip.
'Of course, I am,' maagap na tugon nito. 'Naisip ko lang... pagdating pala sa babaeng tunay mong mahal ay nagiging unconfident ka. Nagiging parang basang-sisiw.' Tumawa pa ito. 'What is it you were saying...?'
Bumuntong-hininga si Frederick. 'I said, paano kung ang babaeng tunay kong minamahal,' gagad niya sa tinuran ng tiyahin, 'ay may mahal na palang iba? Meaning, may boyfriend na siya.'
'So?' walang-anumang bigkas ni Tita Guada. 'Ma'no naman? Hindi pa naman sila mag-asawa. At saka kalkulado mo naman ang chances mo, eh. I know that you can feel it. You know where you stand. And knowing you, tiyak na in love na rin 'yon sa'yo right this very moment!'
Pagkasabi niyon ay tinapik pa si Frederick ng tiyahin sa balikat, tila pinapalakas ang loob niya.
'Kaya?' tanong ng isip niya. Biglang naisip ni Frederick si Winnifred. Ano kaya ang ginagawa ng magkasintahan nang mga sandaling iyon sa Rancho San Buenaventura?
Mabilis na nagpasya si Frederick. Sa susunod na araw ay lilipad na siya pabalik sa Bukidnon.
'O, heto na ang favorite snack mo,' pagkuwa'y pahayag ni Tita Guada. 'Magpakabusog ka, Big Boy, at mamaya... humiram ka ng kaunting lakas ng loob kay Gracie,' tukoy nito sa pinsan niya.
'Saka mo tawagan si Phoebe San Buenaventura at sabihan mo na ng "I love you."'
Sa merienda ibinuhos ni Frederick ang pagngi-ngitngit na nadarama para sa magkasintahang Phoebe at Winnifred.