Isang engrandeng salo-salo ang inihanda sa pagitan ng pamilya Arceta at Lim, puno ng mga kilalang personalidad at mga kaibigan ng dalawang pamilya.
"Manang, tawagin mo na si Alliana. Naghihintay na ang pamilya Lim sa ibaba," utos ni Belinda, ang ina ni Alliana. Tumango si Manang at nagmamadaling umakyat.
Sa itaas, kakatok na sana si Manang nang mapansin niyang nakaupo si Alliana sa gilid ng kama, tila malalim ang iniisip, ang mga mata ay naglalabas ng lungkot.
"Alliana, hija, hinihintay ka na nila sa ibaba," mahina ngunit mapanatag na sabi ni Manang, halos nag-aalalang makita ang kalagayan ng dalaga.
Napasimangot si Alliana at sumulyap kay Manang. "Wala akong ibang magagawa, 'di ba, Manang? Para bang laruan lang ako sa larong ito..."
"Hija, minsan ang mga magulang ay may mga plano para sa atin na mahirap maintindihan. Pero palagi nilang iniisip ang para sa ikabubuti natin," maingat na paliwanag ni Manang.
Huminga nang malalim si Alliana bago tumayo, pinilit ang sarili na ngumiti ng bahagya. "Sige, Manang... Let's get this over with."
---
"Good evening, Mr. and Ms. Lim," bati ni Ramon Arceta, at sinalubong ito ng mainit na ngiti ng mga Lim.
"Magandang gabi din sa inyo," sagot ni Ofelia Lim, na halatang abot-tainga ang saya. "Sigurado akong magiging mas makapangyarihan ang alyansa natin, Mr. Arceta. Hindi kayo nagkamali ng sinusuportahan," sabi naman ni Don Rodolfo, na halatang may kumpiyansang tumatak sa bawat salita.
Napatingin si Ofelia sa paligid. "Mr. Arceta, nasaan ang inyong anak na si Alliana?"
"Pasensya na, pababa na rin siya-ay, ayan na pala siya," sabi ni Ramon, saka nilingon ang anak. "Hija, halika rito. Ito si Don Rodolfo Lim at ang kanyang asawa, si Ms. Ofelia Lim."
Si Alliana ay tahimik na lumapit, ang mukha niya ay bahagyang nakangiti ngunit tila may lungkot na di maitatago.
"Kinagagalak kitang makilala, hija," sabi ng babaeng Lim, inilahad ang kamay sa dalaga. "Napakaganda mong dalaga. Bagay na bagay kayo ng anak ko."
Tinanggap naman ni Alliana ang kamay nito, ngunit ang pilyong ngiti niya ay sumilay habang tinitingnan ang kanyang ama. Sa likod ng kanyang ngiti, alam niyang nagtatago ang isang damdaming hindi niya masabi.
"Excuse me, Dad. Punta lang ako sa C.R.," mahina niyang sabi bago tumalikod. Halos hindi na napigilan ang kanyang mga luha at agad siyang tumakbo palayo, humahanap ng kahit isang saglit na magpapanumbalik ng kanyang lakas sa gitna ng masalimuot na gabing iyon.
--
"Pagpasensyahan niyo na ang aking anak," sabi ni Ramon, halatang medyo nag-aalala sa inasal ni Alliana.
"Ayos lang 'yan, Mr. Arceta," sagot ni Don Rodolfo, kasabay ng isang mapanatag na ngiti habang tinitingnan si Ofelia. "Magiging maayos din ang lahat, lalo na kapag mas nakilala niya ang aking anak."
"Ah, speaking of your son, Mr. Lim," tanong ni Ramon, "nasaan po pala siya?"
"Papunta na rin siya," mabilis na tugon ni Don Rodolfo, "may konting inaayos lang sa opisina." Ngumiti ito sa mag-asawang Arceta, ipinapakitang kontrolado niya ang sitwasyon at alam na darating ang tamang panahon para magtagpo ang mga anak nila.
--
Pabalik na si Alliana sa sala nang may makasalubong siya sa hallway. "I'm sorry, hindi ko sinasadya," bulong niya, nakayuko at tila wala sa sarili.
"It's okay," sagot ng lalaki. "Hindi naman masakit... pero ang masakit, yung minahal kita tapos iiwan mo lang ako sa ere."
Natigilan si Alliana sa narinig, at agad na nag-angat ng tingin. "Marshall?" bulong niya, hindi makapaniwalang muling nagtagpo sila.
Napatitig siya kay Marshall, at sa bawat segundo ng pagkakatitig, tila may kirot na dumaloy sa kanyang puso. Alam niya na ang binata ang laman ng kanyang puso-pero alam din niyang hindi siya ang para dito. Ikakasal na siya sa iba, at hindi niya magawang ipaglaban ang damdamin niya para kay Marshall.
Bigla siyang tumalikod at tumakbo palayo, pinipigil ang hikbi. Naiwan si Marshall, walang kamalay-malay ang dalaga na ang binatang kaharap niya ang siyang mapapangasawa nito.
"I'm sorry, Marshall. Mahal kita... pero..." bulong niya sa sarili, pinapahid ang luha at pilit na inaayos ang sarili bago bumalik sa pamilya niya.
Nasa sala pa rin ang mga magulang niya kasama ang pamilya Lim, abala sa pag-uusap tungkol sa kasal.
"Alliana?" tawag ng ina niya. "Ang tagal mo naman sa banyo! Ano bang inabot mo doon?" bulong nito, sabay hagod sa likod niya.
Ngumiti si Alliana, pilit na itinatago ang lungkot sa kanyang mga mata. "Pasensya na po, Mommy," sagot niya, muling inaayos ang maskarang kay tagal na niyang isinusuot.
--
Habang abala sa pag-uusap ang dalawang pamilya, hindi mapakali si Alliana, labis ang pagtataka niya kung bakit naroon si Marshall.
"Don Rodolfo, mukhang hindi yata sisipot ang anak mo," sabi ng ama ni Alliana, kunot-noo at halatang naiinip na.
Napalunok si Alliana habang napatingin sa ama, tahimik na nananalangin na sana'y hindi na sumipot ang anak ni Don Rodolfo o baka, sa kabutihang-palad, umatras ito sa kasalang pilit na ipinasya ng kanilang mga pamilya.
"Ms. Arceta-oh, there he is," biglang sabi ni Don Rodolfo, napangiti habang napapatingin sa direksyon ng anak. "Hijo!"
Sabay-sabay na napalingon ang mag-asawang Arceta, pero si Alliana, halos hindi makahinga sa kaba at takot. Pilit niyang kinakalma ang sarili, umaasang mali ang kanyang iniisip.
"Pasensya na sa paghihintay, gumamit lang ako ng banyo bago magpunta rito," sabi ng binata habang inaayos ang kanyang suit at nagbibigay ng maikling ngiti sa mga naroon.
Hindi man lamang siya nilingon ni Alliana, pero napansin iyon ni Marshall at napangiti nang bahagya. Ang mga magulang ni Alliana naman ay nakangiting nakatingin sa binata, tila aliw na aliw.
"Mr. Lim, hindi mo naman sinabi na ang anak mo ay manang-mana sa'yo," sabi ni Ms. Arceta, natutuwang binati si Don Rodolfo.
Natatawa lang si Marshall sa sinabi ng pamilya Arceta, ngunit napansin niyang hindi siya nililingon ni Alliana. Lumapit siya sa ama, at nang makalapit ay inilapit siya ng matandang Lim kay Alliana.
"Nga pala, Alliana?" tawag ni Don Rodolfo, may ngiti sa kanyang mukha habang nakaakbay kay Marshall. "Meet my son, Marshall Lim."
Napatigil si Alliana, nanginginig at dahan-dahang lumingon, at nang makita niya kung sino ang nakatayo sa kanyang harapan, hindi siya makapaniwala.
"Marshall...?" bulong niya, halos hindi mailabas ang salita sa sobrang gulat. Napalitan ng saya ang kanyang kaba.
.
.
.
.
.
Abangan..