Dahil pareho naman silang mahilig sa mga laro, hindi nila inurungan ang isang paligsahan kung saan nasa magkabilang panig sila.
Dahil pareho silang mahilig mang-asar, hindi nila pinalampas ang pagkakataon na mambuska sa isa't-isa.
Dahil pareho nilang gustong manalo, tiniyak nilang ang istratehiya nila sa laro ay lubusang pulido.
Nagharangan, naghilahan, nagka-gitgitan, nagka-agawan.
Pero pag-iingat pa din ng bawat isa ang kanilang pangunahing paalala.
Hanggang sa umabot na nga sa huling yugto ng laro
Kinailangan nilang isantabi ang pagiging magsing-irog.
Parehong pagod, parehong hinihingal
Pagtititigan na lamang ang nagawa
dahil ang mga katawa'y pagal
Isang puntos na lamang ang kinakailangan
Upang mapagtanto ang magwawagi sa paligsahan
Isang katanungan lamang ang kailangang sagutin
Isang katanungang maaring magbigay latay sa kanilang hangarin
Ang pag-ibig na lubos ang malalagay sa alanganin
Pagsinta sa isa't isa'y sinusubok ng mariin
Sa loob ng silid kanilang natagpuan
Isanlibo't isang susi na mapagpipilian
Isa dito ay kasagutan sa mapalinlang na tanong
Na magbubukas sa pintuang tungo sa pagkapanalo
Kung ang karagatan ay umaapaw sa tubig
At ang kalangitan ay tigib ng tala
Sa malawak at masalimuot na mundo
Aling susi ang kinakailangan mahawakan mo
Upang maging kampiyon sa buhay na ito
Gamitin ng mahusay upang mabuksan
Pintuan tungo sa inaasam na kinabukasan
Kapwa natigilan, hindi malaman kung papaano uumpisahan
Sa kahuliha'y inisa-isa nila ang mga susi
Inusisa at inanalisa ng mabuti
Hanggang sa iisang susi na lamang ang naiiwan
Sabay nila itong hinawakan
Nag-agawang muli, naghatakan
Ayaw magpatalo, ayaw pakawalan
Batid nilang pagsubok ito sa kanilang pagsasama
Batid nilang maaaring iisa lamang sa kanila ang siyang magwawagi
Bilang lalaki ay nagpaubaya ang isa
Na mabilis tinanggihan ng babae dahil nais nito'y magkasama sila
Isang kompromiso
Dahil hindi naman isinaad na bawal ito
Sabay nilang hawak ang susi
Sabay nilang bubuksan ang pinto
Magkahawak-kamay nilang tangan ang susi
Magkadaup-palad nilang ipinasok sa susian
Pagbukas ng pintua'y liwanag ang tumambad
Napabalikwas sila't nawalan ng ulirat
"Huy, gising na, tapos na set-up!"
Mga salitang gumising sa kanilang dalawa
Pupungas-pungas, mga mata nila'y luminga-linga
"Rj?"
"Meng?"
"May napanaginipan ako"
"Ako man, gayun din"
"Naglaro daw tayo..."
"Madaming susi..."
"Sabay nating binuksan ang pinto..."
"At may biglang liwanag..."
Natigilan sila...diyata't diwa nilang pareho
Ay sabay na naglakbay?
Hanggang sa mapagtanto nilang
Magkahawak pa din ang kanilang kamay
Mula sa pagtulog hanggang sa paggising
Silang dalawa pa din ang magkapiling
Silang dalawa, magkasama habang-buhay
Ang susi sa kinabukasang walang katiyakan
Sa piling ng bawa't isa, ito ang may kasiguruhan
***
AMACON3 Prompt 6
Maine and Alden wakes up with a key gripped in their hand. How did they get the key? What do they do with it?
18 August 2016