Naaalala mo pa ba?
Ang paghahabulan ng mga pawisang katawan.
Ang walang katapusang langit lupa na kay saya.
Ang nanay tatay na pitik o pingot ang parusa.
Ang bang-sak na hindi kumukupas.
Ang piko na pagandahan pa ng drawing sa lupa.
Ang chinese garter na walang gustong maghawak ng pinagsama samang lastiko.
Ang luto lutuan sa likod ng classroom sa may malaking puno ng mangga.
Ang doktor kwak kwak na pahirapang kalasin ng taya.
Ang teks na may mga pektus.
Ang beyblade na tiglimang piso.
Ang mga larong naghuhumiyaw na kay sayang maging bata.
Naaalala mo pa ba?
Ang paghithit sa stick-o na kunwari'y sigarilyo.
Ang paghihip sa fresh na pataasan pa ng hindi nahuhulog.
Ang paghihip sa butas ng polo para makapagpasipol.
Ang pagsupla ng sago na sapul sa kwelyo ng kalaro.
Ang mga pagkaing pinagttripan ngunit kung iisiping mabuti ay tumatak sa isipan.
Naaalala mo pa ba?
Ako kasi hindi, wala akong maalalang ganoon.
Hindi ko naranasan ang ganoong pangyayari noong bata pa.
Ang naaalala ay hindi mga laro kundi trabaho.
Kung paanong natutong kahit papaano ay dumepende sa sarili.
Kung paanong ang dapat nakikipaglaro sa labas ay naging pakikibaka sa buhay.
Ang naaalala ko ay mga panahong nakikisama upang mangahoy hindi para maglaro.
Kung paanong hinayaan magpakain sa mga alagang hayop ng mga magulang.
Kung paanong hinayaang maglinis ng mga kural at tangkal.
Kung paanong gumising ng maaga hindi para maglaro kundi maglabas ng mga baka.
Kung paanong humanap ng tamang lugar para sa mga kambing.
Kung paano magbuhat ng sako sakong pagkain ng mga hayupan.
Kung paano mabuhay.
Hindi ang paano maglaro tulad ng isang malayang bata.
Hindi gaya ng buhay ng ibang bata.
Hindi ganoon.
Naaalala mo pa ba?
Ang mga galos at paltos hindi mula sa paglalaro ngunit mula sa pagttrabaho maghapon.
Ang mga sugat na tila araw araw ay dumadami bumabaon.
Ang mga peklat na hindi dahil sa pagkadapa ngunit dahil sa patuloy na paglaban upang mabuhay.
Ang mga buhay na patunay sa mga pasakit.
Ang mga patunay na hindi nabigyan ng kalayaan.
Ang patunay na hindi lahat ng bata ay malaya.
Ang patunay na nabuhay sa kahapong inihahambing noong mga sinaunang panahon.
Ang patunay kung paano bumangon sa paghihirap ng pagkabata na sana'y naging masaya.
Pagkabatang nabahiran ng kahapong pasakit na hindi na mabubura.
Naaalala mo pa ba?
Ako hindi na.
Pero ang mga peklat ng kahapon ay nananatili.
Ang patunay na noon, hindi naging madali ang buhay.
Ang patunay na noon, walang kalayaan.
Mga katunayan na hanggang pagtanda ay nanatili sa pusong binalot ng bakal ng hinanakit.
Hanggang ngayo'y dinadala ang mga hapdi at sakit na tila hindi naghihilom, walang balak maghilom.
Hanggang ngayon.
Hanggang ngayon.
Naiwan ang pananggang bakal ng puso.
Naiwan ang peklat mula sa matinding sakit.
Naiwan ang rehas na kinasadlakan.
Naiwan ang taong hindi na kilala ni sarili.
Naiwan sa bakas ng kahapon ang mga dapat sana'y masayang pagkabata.
Naiwan ang mismong sarili at hindi na nabalikan.
Naiwan at wala ng babalikan.
Naiwan at natapos na lang.
Naiwan at naglaho.
Naglaho kasabay ng hampas ng hangin sa mga basang pisngi.
Sa dalampasigan kung saan naiwan.
Naiwan ang abo ng buong pagkatao.
Abo na nilipad na ng hangin.
Abo na hudyat na wala ng buhay.
Wala na.
Wala na.
-Micky. :)