Chapter 17
Natalia Garcia
Papunta na kami sa office ni Headmaster pero nag-iba ng daan ang mga mentors. Lumiko sila sa isang daan at tumapat sa isang pintuan.
"Ms. Sam, akala ko po ay pinapatawag kami ni Headmaster? Bakit hindi po tayo sa office niya?" Tanong ni Faith sa mentor niya.
"Oo pinapatawag kayo. Pero hindi sa opisina niya, sa auditorium tayo."
Napatango tango naman kami. May pinindot sila sa gilid nung pintuan at bumukas ng dahan dahan yung pintuan. Paikot ng paikot pataas iyon hanggang sa may mabuo nang hagdanan paakyat. Parang yung sa Harry Potter nung pumunta siya sa Office ni Dumbledore. Hehe.
Inakyat namin yung hagdan at nang makarating kami sa taas ay may isa pang malaking pinto.
Nang buksan iyon ni Sir Harris ay nagulat ako sa tumambad sa amin. Nilibot ko ang paningin ko sa loob ng malaking auditorium. Ang mga naglalakihang chandelier sa itaas pati na ang kulay pulang carpet na daraanan. Maging ang floor to ceiling na mga bintana ay nagbibigay liwanag sa buong silid.
Pero mas natulos naman ako sa kinatatayuan ng makitang ang daming tao sa loob. Nakauniform sila pero hindi kagaya ng mga professors. Para silang mga mandirigma sa suot nilang navy blue long sleeved blazer and pants.
Nakalingon sila sa amin na parang hinihintay na maglakad na kami papuntang harap.
"Kakatakot naman tong mga to." Bulong ni Faith sa akin.
Ah kaya pala ganun ang damit nila. Mga Warriors pala sila. Pero may napansin din akong mga professors na nakaupo sa harap.
"Lumakad na kayo. Sa pinakaharap kayong umupo." Utos ni Ms. Val sa amin kaya no choice kami kundi maglakad na.
Ramdam ko naman ang titig ng mga warriors habang tinatahak namin ang daan papuntang assigned seats namin. Nang makarating kami sa harap ay umupo kami sa bandang kanan.
Magkakahawak pa rin kami ng kamay at ramdam ko ang panlalamig ni Denise at Faith. Sila kasi yung nasa magkabilang gilid ko. Katabi naman ni Faith si Mabel. At maging ako ay nanlalamig at namamawis na rin ang kamay sa kaba. Nasa likod naman namin ang mga mentors namin.
Bakit ba kasi kami nandito? May nagawa nanaman ba kaming mali? Huhu. Kakagaling ko nga lang ng clinic e mapapagalitan naman.
Ilang saglit pa kaming tahimik na naghihintay at maya maya ay lumabas na sa stage si Headmaster kaya nawala ang mga bulungan galing sa mga Warriors. Hindi ko nga alam kung bakit nandito sila e. May digmaan ba dito sa school?
Tumayo na si Headmaster at isa isa kaming tinignan. Lalo na kaming apat rito sa harap.
"Professors, Alumni, at Warriors. Salamat at pinaunlakan ninyo ang imbitasyon namin sa araw na ito." Panimula niya at mataman kaming tinignan, may hawak rin siyang Voice Amplifier lacrima gaya nung Duel Party. Umalingawngaw sa malawak na silid ang boses niya. Napahigpit tuloy ang hawak ko kila Denise.
"Ipinatawag ko kayo dahil sa isang mahalagang bagay na dapat nating mapag-usapan. Alam na nating lahat ang tungkol sa historya ng The Lost World dahil palagi itong ikinukwento sa bawat unibersidad at paaralan rito sa unang taon pa lamang. At alam rin natin na kaya ipinatayo ang iba't ibang paaralan ng mahika ay hindi lang para matutunan itong kontrolin, kundi para i-train ang mga estudyante na lumaban sa mga dark faes, kasama na roon ang mga Ravens." Pagpapatuloy niya. Mataman akong nakinig dahil narinig ko nanaman ang terminong 'Ravens'.
"Pero lingid sa kaalaman ng lahat, isa lamang iyon sa dalawang rason sa pagtayo ng mga Unibersidad at ang pinakaimportanteng rason ay may kinalaman sa 'The Dark Ages'." Nagbulung bulungan ang mga tao sa loob at mukhang hindi lahat ay nakakaalam ng tungkol roon. "Ngunit hindi ako ang makakapagkuwento nun sa inyo. Kundi isang nilalang na tumulong sa mga sinaunang Elementals, Shamans, at Divians para ipanalo ang laban." Bumaling siya sa kanang bahagi ng stage at tumango.
Nakita kong umakyat sa gilid ang isang Warrior na may malakas na aura. Gaya ng mga warriors na nakaupo rito ang suot niya pero may kapa siya at maraming badge sa kaliwang dibdib. Kasama niya ay iba pang alumni at sa gitna nila ay isang maputing babae. Napakaputi ng balat niya at napakaganda niya. Halos magmukha na siyang dyosa kaya lang ay isang mahabang itim na damit ang suot niya. Abot sahig ang damit na yun.
Pagkarating nung babae sa gitna ay agad na dumapo ang mga mata niya sa aming apat. Halos mapako ako sa kinauupuan ko at sobrang lakas ng tibok ng puso ko sa kaba. Nakakakilabot ang mga titig niya na parang tagos pa sa kaluluwa. Na parang kilala niya kami.
"Ipinapakilala ko sa inyo si Azure." Ani ng Headmaster, "Siya ang tinaguriang Spirit Oracle of Death."
Napasinghap ako sa sinabi niya at maging ang ilan sa mga kasama namin ay ganun din ang reaksyon. Muli kong binalingan ng tingin ang magandang babae sa harap at di ko maiwasang manlaki ang mata sa gulat.
Spirit Oracle. Spirit. Pero nasa human form siya, gaya nila Akira. Nakita ko na kasi noon si Akira sa human form nung binantayan niya ako matulog. Napatingin ako kay Akira na nasa paanan ko dahil tahimik lang siya mula kanina. Nakatingin lang siya sa harap.
"Azure, simulan mo na ang pagpapaliwanag." Sabi ni Headmaster. Gumilid siya ng kaunti para magbigay ng lugar sa Azure na iyon.
Nilibot ni Azure ang tingin niya sa buong auditorium bago nagsimulang magsalita. Ang malamig niyang boses ay nag echo sa silid.
"Nang mabuo ang mundo ng mga tao, kasabay nun na nabuo pa ang tatlo pang mundo, o dimensyon. Ang Spirit Dimension, ang Shadow Domain, at ang Chasm. Ang Spirit Dimension ay ang mundo kung saan namamalagi ang lahat ng uri ng celestial spirits ng mga magic user, sa iba't ibang anyo at hugis. Ang Shadow Domain ay ang 'in between'. Dimensyon sa pagitan ng mundo ng mga tao at ng chasm. Hango sa pangalang shadow, dahil anino lamang ito ng mundo ng mga tao. Ang kaibahan lamang ay walang buhay na matatagpuan roon. Ang Chasm naman ay ang pinakailalim na bahagi ng Shadow Domain, ang pinakamadilim at pinakawalang buhay na lugar sa lahat ng dimensyon, at kahit isa ay wala pang nakakarating roon, hanggang sa magkaroon ng mga Ravens. Paminsan minsan ay sinusubukang tumawid ng mga Ravens sa mundo natin, kaya ang mga warriors na mismo ang pumupunta ng Shadow Domain para pigilan sila, kasama ang ilang piling estudyante sa hanay ng mga Royals na magsisilbing pagsasanay."
Napasinghap ako sa narinig. The Ravens are trying to cross our world. At nagdadala sila ng mga estudyante sa delikadong lugar na iyon? Paano kung mapahamak sila?
Hindi parin maalis ang bagabag sa dibdib ko sa di malamang kadahilanan. Nag-aalala ba ako? Kanino? Para sa sarili ko? Tama. Darating ang panahon na kami ang haharap sa mga iyon. Kakayanin ko ba? Kakayanin ba namin? Ngayon pa lang ay nanginginig na ang laman ko sa mga posibilidad na ayaw kong mangyari.
"Nang mapuno ng mga nilalang ang mundo, may mga piling tao na biniyayaan ng kakaibang kapangyarihan. Kapangyarihang kayang kumontrol ng mga elemento, o may kakayahang magsummon ng guardians mula sa spirit world. Yun ang tinatawag nating 'Era of Change', kung saan mula sa pagiging normal na tao, ang ilan ay nagkaroon ng kakaibang taglay. Elementals ang tawag sa mga kumokontrol ng elemento. Shamans at Exorcists sa mga kumokontrol ng espiritu. At Divians ay mga guardian summoners." Pageexplain niya. Pero siguradong alam na iyon ng mga alumni.
"Noong unang panahon, ang namumuno pa sa mundo ng mga tao ay ang Haring Leonne at si Reyna Isabel, at sila ay may tatlong anak. Si prinsesa Erin, ang panganay. Si prinsesa Trina, at ang prinsipe Kevin na siyang bunso. Kilala sila sa buong lupain dahil sa galing nila sa pamumuno at sa mabuting kalooban, kahit pa sa mga normal na tao. Kanang kamay nila si General Helios na siyang pinuno ng Army at magaling na leader. Pero dahil gusto niya ang mas mataas na pwesto, ginamit niya ang kanyang kapangyarihang humigop ng life force at taglayin kung ano man ang kakayahan ng nabiktima niya. Nang malaman niya ang tungkol rito ay una niyang nabiktima ang reyna." Pagkukwento niya.
Ito na yung part na alam namin, yung tungkol sa reyna. Helios pala ang pangalan nung pasimuno na iyon!
"Taglay ng Reyna ang kakayahang pagalingin ang sugat ng iba pati ng sarili. At dito na nagsimula ang kaguluhan. Dahil sa kasamaan, nalukob na ng dark magic ang kanyang kalooban. Gamit iyon ay pinasunod niya ang kanyang mga alagad na Ravens mula sa Chasm sa kanyang kagustuhan, at tumalima rin ang mga ito sa kaniya. Gaya ni Helios, ang mga Ravens ay gahaman sa kapangyarihan at handang kumitil ng buhay para rito. Sa sobrang taglay nilang life force ay nagbabago ito ng anyo at nagiging isang lalong nakakatakot na nilalang. Hindi ito literal na ibon, kundi tunay na mga halimaw."
"Sinugod nila ang kaharian nang biglaan kaya maraming napaslang na mga nonmagic user pati narin mga faes. Maraming binawian ng buhay. Maraming nagsakripisyo. Pero hindi gaya ng parating ikinukwento sa inyo, hindi lamang ang mga light faes at white witches ang dahilan kung bakit tayo nanalo."
Umusbong na muli ang mga bulungan sa silid dahil sa sinabi niya. Kahit kami ay yun ang alam na dahilan dahil iyon ang sinabi sa amin. Pero tumahimik rin nang ituloy ni Azure ang sinasabi niya.
"Dahil ang pangunahing dahilan roon ay mga anak ng Hari't Reyna na sina Erin, Trina, at Kevin. Si Prinsesa Erin ang nagtataglay nang kapangyarihan ng mga elemento. Hindi lamang niya kayang kontrolin iyon. Kaya nya ring magbigay ng kapangyarihan sa elemento sa paligid, at kaya niyang kumuha mula rito. Gaya ng kanyang mga kapatid. Ang tawag namin sa kanila - ay ang mga Origins- dahil sila ang pinanggalingan ng kani-kanilang mga kapangyarihan. Sila ang mga tunay na nakapagpahina sa mga Ravens, at maging kay General Helios."
Muli ay umugong ang mahihinang reaksyon ng mga kasama naming warriors at alumni.
Origins? I think I heard that before, pero hindi ko maalala kung saan. Napahawak pa ako sa dibdib ko nang biglang kumabog iyon sa sobrang kaba.
"Si Prinsipe Kevin ay isang exorcist. Kaya niyang buksan ang iba't ibang dimensyon ng mundo. Nagawa nyang buksan ang dimensyon ng Chasm at doon nila kinulong ang mga Ravens, kasama ni Helios. Silang tatlo ay gumawa ng tatlong portal kung saan naroon ang gate na magiging tanging daan para makalabas pasok sila sa mundo natin. Pero sinelyuhan nila iyon. Ang isa ay sa elemento, ang ikalawa ay espiritu, at ang ikatlo ay spirit particles. Ngunit dahil sa paglakas na muli ng enerhiya ng kalaban, humihina na ang selyong inilagay roon ng mga naunang Origins, dahilan sa napipintong pagbukas ng ibang gates of Chasm. Tanging Origins lamang ang makakapagbukas nito o makakapagsara. Ang mga Origins ay isinisilang lamang, kung kailan sila higit na kinakailangan. Ang kanilang eksistensya sa mundo ay itinatakda lamang sa tamang panahon."
Maya maya ay may nagtaas ng kamay mula sa mga alumni kaya tumigil si Azure sa pagsasalita at tinignan yung magtatanong.
"Paano malalaman kung sino ang Origins na sinasabi mo? Kung higit silang kailangan sa panahong ito na gaya ng sinasabi mo, nasaan sila ngayon? Saan sila makikita?"
Tumitig sa amin si Azure ng matagal bago ito nagsalita. "Makikilala ang mga Origins dahil taglay nila ang iba't ibang simbolo sa iba't ibang parte ng kanilang katawan."
Napasinghap ako bigla nang marinig yon, kinailangan ko pang takpan ang aking bibig para hindi marinig ng mga kasamahan namin. Maging ang mga kaibigan ko ay mukhang nagulat sa sinabi ni Azure. Pinagtinginan naman kami ng mga mentors namin kaya napayuko ako.
Sabi na eh, may iba akong nararamdaman sa salitang Origins na iyon eh. Konektado pala kami roon. Ano ba itong kinasangkutan namin?
"Sila ba ang tinutukoy mo?" Sabay turo sa amin ni Headmaster, hindi nagpapaliguy-ligoy. Gulat ang mga matang ipinukol ko sa kanya. May alam ba siya rito? Saka paano niya nalaman ang tungkol sa mga simbolo namin?
Tumango si Azure. "Sila. At may isa pa."
Napakunot noo naman ako. Teka, tatlo lamang na magkakapatid ang Origins na may magkakaibang kapangyarihan. Pero kami ay apat na agad, tapos elemento lang ang hawak namin, hindi kasama yung spirit particles na sinasabi nila. Hindi ko sila maintindihan
"Anong ibig mong sabihin? Paki liwanag."
Tumikhim muna si Azure bago sinuyod na muli ng tingin ang silid. "Si Prinsesa Erin, bago pumanaw ay inipon ang kanyang natitirang lakas upang paghiwahiwalayin ang kanyang kapangyarihan sa lima. Inihiwalay ang Tubig, Lupa, Apoy, Hangin, at ang Kawalan."
Lalong napakunot noo ako sa sinabi niya. Parang lalong gumugulo ah?
"Sa kadahilanang hindi kakayanin ng isang katawang taglayin ang limang elemento, kaya't inihiwalay niya ang bawat isang elemento, na siyang tumapos rin sa kanyang buhay. Kaya sila," Sabay turo sa amin ni Azure. "At may isa pa, ang Origins ng kapangyarihan ng mga elemento."
May isa pa? Isa pang Origin daw?
"Ang panglimang Origin ay nagtataglay ng elementong Kawalan, o Void, mas kilala bilang Aether. Ang mga Aether User ay may abilidad na humiram ng kapangyarihan mula sa ibang mga elemento, dahil ito ang nagbabalanse sa lahat.
Water. Fire. Earth. Air. Aether.
Unity, Balance. All that is."
Hindi ko tuloy malaman kung ano ang dapat kong maramdaman. Parte ako, kami, ng isang malaking misyong may kinalaman sa kaligtasan ng karamihan. Paano ko pa matatakasan ang ganitong buhay?
"Marapat na maglakbay kayo patungong Capital sa lalong madaling panahon. Hanapin ninyo ang isa pang Origin dahil kayo ay may misyon. Misyong hanapin kung saan inilagay ni Prinsesa Erin ang portal. Dahil sa mga nangyayaring kasamaan ngayon, patunay ito na humihina na ang isa sa mga selyo. Kailangan niyong mapatibay iyong muli bago tuluyang bumukas at lumabas mula roon ang napakaraming Ravens."
"Ngunit ito ang tatandaan niyo. May takdang oras lamang ang pagbubukas ng portal at isang beses lamang iyon mangyayari. Kung wala kayo sa panahong magbukas ang portal at mapatibay ang selyo roon, magkakaroon ng panibagong digmaan at mas marami ang mawawalan ng buhay. Kailangan ang limang elemento sa pagpapatibay roon, kaya't unahin niyong hanapin ang isa pa ninyong kasama." Madiin niyang pagpapaliwanag. Mataman naman kaming nakikinig sa mga ipinapaliwanag niya.
"Sa ngayon ay ipinagbigay alam ko na sa kinauukulan sa Capital ang inyong pagpunta roon. Dapat ay magpahinga na muna kayo. Sige, makakaalis na kayo Origins." Pagtatapos ni Azure sa sinasabi niya sa amin.
Alinlangan pa kaming tumayo dahil sa mga narinig namin. Halos madapa pa ako dahil sa panginginig ng aking mga tuhod. Tapos yung mga tingin pa sa amin ng mga tao sa loob ay parang ayaw pa nilang tanggapin na kami nga daw ang tinatawag na Origins sa panahon ngayon.
Bakit? Di rin naman namin ginusto yon ah!
Tahimik naming tinatahak ang daan palabas ng auditorium habang nakayuko at tinatanggap ang mga tinging ipinupukol nila sa amin. Pinaiwan ni Headmaster ang nga mentors namin dahil may dapat daw silang pag-usapan kaya kaming apat lang ang naglakad pabalik.
Nakahinga ako ng maluwag nang makalabas kami ng silid at ngayon ay pababa na kami sa Tower.
"G-grabe guys." Panimula ni Denise nang marating namin ang ground floor. Nagpahinga muna kami sa gilid at nag-usap usap.
"Hindi ko akalaing may ganito tayong misyon rito." Dugtong naman ni Mabel.
"Parang di ko na yata kakayanin. Information at realization overload na ako." Singit ni Faith.
"Guys. Wala nang atrasan to. Nandito na tayo eh." Napabuntong hininga ako. "Saka kung hindi natin tatanggapin ang misyon na to, paano na yung mga pamilya natin? Ang maraming taong walang kinalaman rito. Pati narin sa mga umaasa sa atin."
"Tama si Talie. Walang atrasan! Sugod! Hehe." Sigaw naman ni Faith. Tignan mo to. Sabi sabing di na daw niya kaya pero ngayon change of mind na.
"Oo guys. Laban lang!" Nakangiting saad ni Denise.
"Pero wait. May naalala ako. Sino kaya yung sinasabi ni Azure na panglimang Origin? Ang Aether User?" Biglang tanong ni Mabel at napaisip naman kami.
"Ay naku! Wag na nga nating isipin muna yan! Magpahinga nalang muna tayo. Sumasakit ulo ko." Reklamo ni Denise
"Tama si Den. Tutal patapos na yung class ngayon at may one-hour break pa tayo. Ipahinga na lang natin." Segunda ko at sumangayon naman sila sa akin.
Nagpaalam na kami ni Den kina Faith at Mabel bago muling tinahak ang daan papuntang dorm sa Astron. Si Akira ay tahimik lang na sumusunod sa amin mula pa kanina. Gusto ko nga siyang kausapin kaya lang parang wala siya sa mood na makipag usap. Sabagay, mas gugustuhin ko na lang na magpahinga. I'm so mentally tired.
Nang marating namin ni Den ang dorm ay nagpaalam din naman kami agad sa isa't isa at nahiga na ako sa kama ko. Wala pa si Bea dahil nasa house pa siya.
Niyakap ko si Akira na tumabi sa akin at nakatulog na lang ako na iniisip yung mga pinagusapan kanina.
Sino nga ba ang ikalimang Origin?
***