(I)
Ng gabing iyon, ay hindi gaanong nakatulog si Andy. Alas-dos na ng madaling araw bago siya dinapuan ng antok. Mula nang mapanaginipan niya ang kanyang yumaong ina ay nanatili lamang siyang nakahiga sa kama at nakatitig sa kisame.
O napanaginipan nga ba niya talaga?
Napaka-vivid kasi ng kanyang panaginip. Parang tutoo. At hindi pa rin maalis sa isipan niya ang nakitang hitsura ng kanyang ina. Ang madumi nitong kasuotan. Mga kuko't daliri at paa na puro putik. Na tila ba siya'y gumapang sa lupa.
Pero ang mas iniisip ni Andy ay ang mensahe ng yumaong magulang. Paparating na sila! Sino ang paparating na?
Hindi superstitious na tao si Andy. Hindi siya relihiyoso, kung siya man ay may relihiyon. Anong iyong sinabi niya sa dalawang mga madre sa kumbento? Ang tanging pinaniniwalaan niya'y iyong nakikita niya. Bigyan mo ako ng proof, at saka ako maniniwala, ang palagi niyang argumento. Bata pa lang si Andy ay magulo at malaro na ang kaniyang isipan. Marami siyang mga katanungan. Saan ba tayo galing? Sino ba talagang may likha ng lahat? Bakit ba tayo naririto? Mga tanong na hindi sa libro niya hinahanapan ng kasagutan. May mga nakita at naranasan na siyang hindi pangkaraniwan, at hindi siya nakukuntento sa paliwanag ng nakararami. Tulad na lamang ng panaginip niya ng kanyang ina.
Sabihin na nating may multo. Pero, ang tanong pa rin niya ay bakit?
Sa labas, tumagal ang ulan hanggang alas-tres ng umaga, at nang sumikat na ang araw ay iniwan nitong basa ang lupa.
Umaga. Nagising si Andy sa paulit-ulit na doorbell.
Sa sala na siya madalas matulog, malambot naman ang sofa. Hindi na niya makayang matulog sa kuwarto pagka't may pakiramdam iyon ng pagkaulila. Inabot niyang relo na nasa side table at tinignan ang oras. Pasado alas-sais. Wala namang sinabi si Colonel Laxamana na tiyak na oras sa umaga na siya ay susunduin. Pero, bilang militar, ay inaasahan niyang mas maaga pa nga.
Dahan-dahan siyang bumangon at nakaramdam ng pananakit sa kanyang likuran gawa ng kanyang edad. Nakapambahay pa siya nang buksan niya ang pintuan at nakitang mayroong unipormadong sundalo sa labas.
"Good morning, sir, akong sundo niyo," magalang na sabi ng lalaki. "Lieutenant Danny Esguerra."
Mapungay pa'ng mata ni Andy lalo na't nasilaw sa sumalubong na araw.
"Pasok ka muna, magbibihis lang ako," alok ni Andy.
"Antayin ko na lang kayo sa sasakyan, sir," sabi ng tinyente.
Sa harapan ng bahay, nakaparada sa unahan ng pick-up truck ni Andy ang itim na Toyota Revo na heavily tinted, pero dahil sa liwanag ng araw, aninag n'ya na may mga nakasakay sa loob.
May commanding presence ang 30-something na si Lieutenant Esguerra. Maayos ang hitsura, magalang, pero may tapang at kasiguraduhan sa pananalita na alam mong hindi mo dapat abusuhin ang kabaitan niya. At sa tono ng boses niya'y alam mo ring final na iyon at hindi ka na dapat humirit pa, kung kaya't napatango na lamang si Andy.
"O-okay," sabi niya. "Bibilisan ko na lang."
Tumango ang tinyente at bumalik sa sasakyan.
Sa loob ng trenta minuto ay nagawa ni Andy na maligo, magsipilyo, magbihis at magempake. At ang finishing touches niya ay maglagay ng kaunting pomada sa kanyang buhok at cologne sa kanyang short-sleeved na polo. Pinagsama-sama niyang mga papel ng report at siniksik sa katamtamang-laki na maleta na may gulong at handle kasama ng kanyang mga damit. Pagkatapos ay kinuha niyang leather jacket na nakasampay sa upuan, sinuot iyon at lumabas ng bahay.
Sinalubong siya ng driver ng Revo para kunin ang kanyang maleta at ilagay sa likuran ng sasakyan. Pinasok ni Andy ang kanyang Nissan pick-up sa loob ng garahe pagkatapos ay sinara ang pintuan ng kanyang bungalow, na tinignan na pa niya ng ilang segundo. Iniisip kung gaano siya katagal mawawala at makakabalik ng kanyang bahay. May nararamdaman siyang kaba sa kanyang sikmura.
Huminga nang malalim si Andy at naglakad tungo sa naghihintay na Revo.
Pagsakay ni Andy ay nagulat siya nang makita na may nakaupo sa loob na 30-something na babae. At siya'y hindi Pilipino.
"Hello. My name is Jang-Mi Park," ngiti nito, at inalok kanyang kamay, na may konting pagaalangan na kinuha ni Andy.
"H-hello, I...am...Andy," balik naman ng private investigator.
Pleasant ang mukha ng babaeng nagngangalang Jang-Mi. Simple at maayos. Nakatali ang kanyang buhok at suot ay olive green na military-style na jacket.
Naupo si Andy katabi ang Koreana. Si Esguerra ay nasa harapan kasamang driver.
Umandar papaalis ang Revo.
"Excuse me. You Korean? From Korea?" tanong ni Andy sa katabi.
"Yes," ngiti ni Jang-Mi.
"What are you doing here?" nagtatakang usisa ni Andy. Hindi siya na-brief na may kasama silang Koreana na ang layunin ay wala siyang ka-i-d-idea.
Nginitian uli siya ni Jang-Mi.
"I am Psychic," sabi nito.
Kumunot noo ni Andy.
"Psychic?"
Mula sa harapan, lumingon si Esguerra.
"Hi-nire siya ni Colonel para tulungan tayo, sir," inform ng sundalo.
"Tulungan? Tulungan saan?" nagtatakang sambit ni Andy. "At nasaan nga pala si Laxamana?"
"Nauna na, sir, sa Callejon," sabi ng tinyente.
Kinalabit ni Jang-Mi si Andy.
"I help," sabi ng Koreana.
"Help? Yes, paanong help? How do you help?" medyo iritableng tanong ni Andy.
"I talk."
"Talk? Talk to who?"
Nilakihan ni Jang-Mi ang mga mata niya at sinabing:
"Ghosts."
Napaatras nang bahagya ang ulo ni Andy. Tama ba narinig niya? Sa rear-view mirror, sinilip sila ni Esguerra, tinitignan kung anong magiging reaksyon ng private investigator.
"Ghosts? Multo?" lalong kumunot noo ng P.I.
Tumango ang psychic.
"Yes. Ghosts. Spirits!"
Sa lublob ni Andy, anong kinalaman ng ghosts sa aliens? Anong kinalaman niya sa alien abduction? Ano bang binabalak ni Laxamana?
Napailing si Andy at nakunsume pa pagka't panay tanong ni Jang-Mi sa kanya ukol sa kanya namang trabaho, na hindi naman puwedeng hindi niya sagutin. Iritable siya pero hindi siya bastos. Lalo na sa mga babae. Kaso lamang ay napagod siya sa pakikipagusap at dinapuan ng migraine. Napansin naman iyon ni Jang-Mi at tumigil sa pakikipagusap. Kitang mukhang puyat din naman si Andy dahil kapansin-pansin ang kanyang mga eyebags. Tutal malayo pa ang biyahe nila, ay payo rin ni Esguerra na sila'y magsipagtulog.
Sumandal si Andy sa upuan at ipinikit kanyang mga mata.
Inisip niya na baka paggising niya mamaya'y maliwanag at maayos na ang mundo.
(II)
Malakas ang buhos ng ulan nang magising si Andy. Sinasampal ng tubig-ulan ang bintana ng Revo. Umiihip. Ang wiper ay nasa high. Makulimlim ang kalangitan, natatakpan ng maiitim na mga ulap. Pagmulat ni Andy ay napabuntong-hininga siya, dahil mas dumilim pa nga ang mundo.
"Nas'an na tayo?" tanong niya.
"Tayabas Highway," sagot ni Lieutenant Esguerra mula sa harapan.
Nilapit ni Jang-Mi ang mukha niya sa salamin ng bintana at tinuro ang bundok na bahagya nang naaaninag sa lakas ng ulan.
"Look, holy mountain!" hudyat niya.
Nakisilip si Andy, na-curious kung ano iyong tinuturo ng Koreana at nakita ang bundok na pamilyar sa kanya.
"Yes. That's Mt. Banahaw," sabi ni Andy.
Ngumiti sa kanya si Jang-Mi, masaya lang na kinausap siya uli ng private investigator ng hindi magkadikit ang mga kilay nito.
"Mt. Banahaw. Yes," ulit ni Jang-Min na may paghanga.
Lumingon ang tinyente.
"Sir, taga-Callejon kayo sabi ni Colonel, 'di ba?" umpisa nito. "Kung okay lang sa inyo, tanong ko lang kung..."
Mabilis ang reaksyon ni Andy.
"Kung may kamag-anak ako doon?" dugtong niya sa tanong.
"Yes, sir."
"Matagal nang namatay mga magulang ko. Nag-iisa akong anak," sabi ni Andy. "May mga malalayong kamag-anak ako sa mother side, pero 'di ko rin na sila nakakausap. Binenta ko na rin ang bahay namin doon. Ikanga, wala na kong dahilan bumalik."
"Wala kayong kamag-anak sa father side n'yo, sir?" follow-up ng tinyente.
"Hindi tubong Quezon ang tatay ko. Wala 'kong kilala sa side niya."
Tumango ang tinyente. Nakita naman ni Andy na tila lost si Jang-Mi sa usapan. Hindi sila naiintindihan. At para sa kanya, rude iyon.
"Me, I have no more father and mother. I am only son. I am from the town of Callejon where we are going," baling ni Andy sa Koreana.
"You have no wife?" tanong ng psychic.
"Yes...ah, no..."
Ginamit ni Andy ang dalawang hintuturo niya't ipinagdikit pagkatapos ay ipinaghiwalay.
"Separate. Separated," paliwanag ni Andy.
"Ihon!" intindi ni Jang-Mi. "Divorced."
"Yes, divorced," tango ni Andy. "Tawag sa akin ay diborsyadong gurang."
Medyo natawa si Esguerra at ang driver. Ganoon na rin si Andy, na tila naaaliw naman na sa pakikipagusap sa Koreana.
"You have sons? Daughters?" tanong pa ni Jang-Mi.
"One daughter," magalak na sabi ni Andy, at kinuha niyang wallet at ipinakita ang litrato ni Pauline.
"She is very pretty," tingin ni Jang-Mi.
Proud naman si Andy. Si Jang-Mi naman ay ngiting-ngiti, at napatitig sa kanya si Andy, tapos ay bumaling kay Esguerra.
"Ba't 'di kayo kumuha ng Pinoy na psychic?" naisip lang ni Andy. "May kilala akong psychic at ghost hunter na naka-trabaho ko dati. Magaling sila."
"May mga kinausap na din kami, sir," ulat ng tinyente. "Kaso, karamihan peke. Saka, kung foreigner, mas kontrolado natin na hindi lalabas ang balita."
Napatango si Andy.
"Ah, oo nga. Sabagay."
"Highly-recommended naman si Jang-Mi," dagdag pa ng tinyente.
Napangiti ang Koreana nang marinig ang kanyang pangalan.
Alam naman siguro ni Greg ang ginagawa niya, pag-isip ni Andy sa sarili habang sinara ang butones ng kanyang leather jacket pagka't medyo gumiginaw na. Pero, curious pa rin siya na may psychic silang kasama, at hindi siya kuntento sa sinagot nito noong una, kaya't tinanong niya itong muli.
"Jang-Mi," aniya sa katabi. "Do you know why you are here?"
"Yes," sagot ng Koreana. "I talk to ghosts."
"Yes, I know," balik ni Andy. "But where we are going, there are no ghosts. Aliens, maybe."
Sa harap ng sasakyan, nagkatinginan sina Esguerra at ang driver.
"Aliens, yes," tango ni Jang-Mi. "I talk."
"You mean to say you also talk to aliens?" napakamot ng ulo si Andy, tila naguguluhan na naman siya. "Lintik, 'di ka lang nakikipagusap sa multo, marunong ka pa ng alien language?"
Nakatingin sa kanya si Jang-Mi na nagtataka.
Sumingit si Esguerra para maiba ang usapan.
"Sa Callejon ba kayo lumaki, sir?" tanong niya.
"Hanggang High School. Sa Maynila ako nag-College," sagot ni Andy.
"Kailan kayo huling umuwi ng Callejon?" tanong pa ng tinyente.
"10 years ago nang ilibing ang nanay ko."
"10 years. Matagal-tagal na pala," tango ni Esguerra, na tila may expresyon na naiintindihan na niya.
"Bakit?" tanong ni Andy, pagka't napansin niya iyon.
Umayos ng upo ang tinyente at bumuwelo ng sasabihin. "Matagal na rin naming mino-monitor ang Callejon. Matagal na kaming nakakakuha doon ng kakaibang mga reports, classified as paranormal. Noon pa may mga UFO sightings na doon..."
"Mino-monitor ng military ang mga UFO sightings?" curious na reaksyon ni Andy.
"Yes, sir," tango ng tinyente. "As a matter of national security."
"UFOs, a threat," sabi ni Jang-Mi. "They take people."
"Y...yes," tango ni Andy na napaisip. "That is what happened."
"10 years kayong hindi nakabalik sa Callejon," sabi ni Esguerra kay Andy. "Kung kaya hind n'yo alam ang tungkol sa mga UFO sightings..."
"N...naging busy ako," dahilan ni Andy at sumandal sa upuan.
Hindi na nagusisa pa ang tinyente. Nakita niya ang pagsisiryoso sa mukha ni Andy, na tila natulala habang tumingin sa labas ng bintana. Tuloy ang buhos ng ulan na parang mabibilis na ala-alang nanunumbalik. Habang napapalapit sila sa Callejon, lalong lumilinaw ang mga gunita ni Andy.
Naging busy ako, bulong ni Andy sa sarili na para bang may paghihinayang.
Makaraan ang halos isang oras ay humina na ang ulan, at unti-unting lumiliwanag na ang daan. Maya-maya'y nakita nila mula sa Revo ang provincial sign na:
You are now entering San Gallego, Province of Quezon.
At kasunod nito ay panibagong sign:
Welcome to the town of Callejon.
May military checkpoint sa bungad ng bayan. Apat na armadong mga sundalo ang naka-poste roon. Pinahinto nila ang Revo pero nang makita si Lieutenant Esguerra sa harapan ay agad ding pinapasok. Nakarating na sila sa kanilang destinasyon.
Callejon. Ang bayan ng mga nawawalang tao.
At si Andy ay hindimapalagay.
NEXT CHAPTER: "Callejon"