Anong oras na, kailangan ko nang makauwi. Nandito ako sa waiting shed na 'di kalayuan sa istasyon ng pulis at nag-aabang ng masasakyan. Bakit pa kasi ako pumayag magpa-interview sa mokong na iyon eh. Mukhang hindi naman siya naniniwala sa mga sinabi ko. Tumingin ako sa suot-suot kong lumang relo na pagmamay-ari pa ng aking ama. Alas-diyes y media na.
Kamusta na kaya sa bahay? Kamusta na kaya si mama? Ma-i-text nga si Ate Faye.
Agad kong kinuha ang cellphone na pinaglumaan ni ate, medyo bago pa naman at halos wala pang gasgas pero dahil nga nagamit na ito ni Ate Faye ay luma na ito para sa akin.
Message Sending Failed!
Napakunot ako ng noo.
Wala na naman pala akong load. Lagi ko na lang nalilimutan.
Luminga-linga ako sa aking paligid upang tingnan kung saan puwedeng bumili ng load. Pero mukhang wala naman yata. Umupo ako saglit sa mahabang bakal na inilaan para sa mga nag-aabang ng masasakyan at humiling na sana ay may dumaan na kahit isang taxi man lang. Pero ilang minuto na ang lumilipas ay puro mga pribadong sasakyan ang dumadaan. Walang anu-ano'y biglang tumunog ang aking hawak na cellphone.
Incoming Call.... Isay....
Ay. Tumatawag si Isay, nakaramdam ako ng tuwa sa kabila ng inis na aking nararamdaman. Naalala ko na hindi pa pala niya alam ang tungkol sa pagkamatay ni Brenda. Isa siya sa malalapit na kaibigan ng aking pinsan at dapat lang na isa siya sa mga unang makakaalam nito.
"Hello? Hello Isay," bungad ko sa kanya.
"He-- Mig--" Paputol-putol aking naririnig dahil sa sobrang hina ng signal.
"Hello? Isay?" sagot kong muli. Maya-maya ay nakarinig ako ng napakatinis na tunog.
"Aray!" Masakit sa pandinig ang sobrang pagkatinis nito.
"Shit. Ano yun?" tanong ko sa aking sarili. Pagtingin ko sa aking cellphone ay ibinaba na ito ni Isay. Gusto ko man siyang tawagan ay hindi ko magawa dahil walang load ang aking cellphone.
Naglakad-lakad ako upang maghanap ng bukas na tindahan na maaari kong pagbilhan ng load.
Pero wala talaga akong makita. Maya-maya ay laking-tuwa ko nang may makita akong paparating na taxi, agad akong nagtungo sa gilid ng kalsada at nagsimulang kumaway upang mapansin ng taxi driver. Pero sa kasamaang palad ay hindi ito huminto.
Nakakainis, wala namang sakay ang taxi na yun pero bakit hindi ako hinintuan. Nakakainis talaga, kapag hindi mo kailangan sumakay ng taxi ay hihintuan ka. Pero tulad ngayon na kailangan kong makasakay ay wala man lang ni isa akong makitang dumadaan. Sinusubok yata ng tadhana ang pasensya ko.
Mga isang kilometro na din ang nalalakad ko mula dun sa istasyon ng pulis, sigurado ako na dito ay mayroon na. Mas maliwanag at mas matao. Dun kasi ay medyo madilim kaya siguro wala masyadong dumadaan na mga taxi. Marahil ay natatakot sila na maging biktima ng hold-up.
"Hi cute, gimik tayo," bati sa akin ng hindi kilalang boses.
Napalingon ako at nakita ko ang isang average looking na babae. Tantiya ko ay nasa labing-walo hanggang dalawampung taong gulang ito. Naka-itim siyang damit at halos lumuwa na ang kanyang dibdib. Nakasuot siya ng puti at sobrang ikling saluwal. Ang labi niya ay parang namamaga sa pagkapula na terno sa sapatos nitong pagkataas-taas ng takong.
Ngumunguya siya ng bubble gum, habang ang kanyang kanang kamay ay may hawak na sigarilyo. Wala siyang sagot na nakuha sa akin at naglakad lang ako papalayo nang bahagya sa kanya pero napansin kong sumusunod siya sa akin.
"Aba, masungit ah. Ayan ang tipo ko sa mga lalaki. Sige na, kahit huwag mo na akong bayaran," pangungulit niya. Inaamin ko na alam ko ang ibig niyang sabihin. Pero wala akong panahon sa mga ganung bagay.
Una, saan ko siya dadalhin? Pangalawa, baka kung anung sakit pa ang makuha ko sa kanya. Pangatlo, ano na lang ang iisipin ni Isay kung sakaling malaman niya ito? Baka pandirihan niya ako.
Ahh. Basta, hindi ko naman kailangang pag-isipan ang bagay na ito. Alam kong mali kaya hindi ko gagawin.
Naglakad akong muli, sa pagkakataong iyon ay binilisan ko na para ipahiwatig na wala akong interes sa ninanais niyang mangyari.
Pero makulit ang babaeng ito, mukhang hindi papaawat. Mas binilisan ko pa ang aking paglalakad, naisip ko na mapapagod din siya sa kakasunod sa akin. Pero napansin ko na bumibilis din ang kanyang paglalakad.
Ayaw paawat nito ah.
Nang medyo malayo na ako sa kanya ay nakakita ako ng pagkakataon para mawala ako sa kanyang paningin.
Lumiko ako sa isang masikip at madilim na eskinita upang hindi na niya ako makita pa. Hingal na hingal ako habang nagtatago.
"Huli ka!" sigaw ng babaeng kanina pa sumusunod sa akin, nagulat naman ako dahil inaasahan kong hindi na niya ako masusundan dito.
Maya-maya pa ay idinikit niya sa akin ang kanyang malulusog na dibdib.
"Alam mo ba, dapat hindi na kita susundan. Kaso na-challenge ako sa iyo," bulong niya sa akin, magkatapat ang aming mga mukha kaya nalalanghap ko ang hininga niyang amoy yosi.
"Miss, tama na. Ano ba ang gusto mo?" tinapangan ko na ang aking sarili at nagsalita. Habang ang kanyang mga kamay ay kanina pa gumagapang sa aking dibdib at tiyan.
"Tama na? Hindi pa nga tayo nagsisimula eh. Gusto mo ba dito na lang? Kaya ko habang nakatayo," mapangahas niyang tugon sa akin.
"Teka. Tigilan mo iyan," saway ko sa kanya dahil naramdaman kong hinihimas niya ang aking pagkalalaki. Maya-maya pa ay binubuksan na niya ang zipper ng aking pantalon.
Hindi ako makagalaw. Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Sinasabi ng isip ko na mali iyon, ngunit nag-iinit ang aking katawan. Para akong nilalagnat. Hindi ko siya magawang pigilan sa paghimas sa aking harapan.
"Bakit? Galit na ba?" nakangiti niyang tanong sabay pasok ng kanyang kamay sa aking brief.
Nabigla ako sa kanyang ginawa at bigla kong naisip si Isay, kaya naitulak ko siya nang hindi sinasadya. Maliit siyang babae kaya't kahit kaunting puwersa lang ang ginamit ko ay natumba siya.
"Aray ko. Hayop ka, masakit yun ah," galit niyang sigaw sa akin. Nakita kong hinawakan niya ang kanyang binti at halatang may masakit sa kanya.
Imbes na tulungan ay ginamit ko ang pagkakataong iyon upang matakasan siya. Bahala na, hindi ko naman sinasadya iyon. Siya ang may kasalanan kung bakit ko ito nagawa. Nagmamadali akong lumabas ng eskinita habang isinasara ang aking zipper.
Narinig ko pa siyang sumigaw. "Bakla! Pagsisihan mo ito!" pagbabanta niya.
Bakla? Kaya pala. Para namang magkikita pa tayo, sa isip-isip ko habang tumatakbo papalayo sa lugar na iyon. Aaminin ko na sa mga oras na ito ay kinakabahan ako, unang beses kong naranasan ang ganun. Nakaramdam ako ng takot sa huling katagang binanggit niya, naisip ko din kasi na sa sobrang liit ng mundong ito ay imposibleng hindi mag-ku-krus ang mga landas namin.
Sakto! Habang tumatakbo ay may nakita akong taxi na paparating. Agad ko itong pinara.
Hay, salamat sa diyos at huminto, makakauwi na din ako. Agad akong sumakay.
"Saan kayo sir?" tanong ng mamang drayber. Medyo matanda na siya, may makakapal na bigote at mahabang balbas na tulad ng sa mga ermitanyo.
"Sa Pogi St. po. Baranggay Sto. Niño," sagot ko sa kanya habang hinihingal pa. Agad niyang pinaandar ang minamanehong taxi.
"Mukhang may humahabol sa inyo ah, hingal na hingal kayo," usisa ng drayber. Hindi ko naman alam ang isasagot kaya't nagdahilan na lang ako, "Ah, may aso kasi kanina. Hinahabol ako." Hindi naman puwedeng sabihin ko na muntik na akong gahasain ng isang hindi kilalang babae, malamang ay pagtatawanan pa niya ako.
Tumingin lang siya sa akin, napansin ko din na tumitingin-tingin siya sa kaliwang bahagi ko. Napapatingin din tuloy ako nang wala sa oras. Ano kaya ang tinitingnan niya?
"Muntik ko na kayong hindi pasakayin eh, akala ko kasi snatcher ka," natatawa niyang biro sa akin. Hindi ko alam kung tatawa din ba ako o maiinis. Mukha ba akong snatcher? Ayos itong drayber na 'to ah. Pero hindi ko naman masyadong sineryoso dahil alam kong trabaho nila ang kausapin at patawanin ang kanilang mga pasahero.
"Grabe ka naman manong, mukha ba akong snatcher? Huwag kayong mag-alala, day-off ko ngayon sa pangho-holdap," ganti kong biro sa kanya.
Magaan ang pakiramdam ko sa matandang ito, alam ko na mabuti siyang tao. Magaling siyang humuli ng kiliti ng kanyang mga pasahero at isa na ako dun. Ang hindi ko lang gusto sa kanya ay ang kanina pa niyang pagtingin sa kaliwang bahagi ng taxi. Para bang may nakikita siya na nakatabi sa akin. Pero sa tuwing mahuhuli ko siyang nakatingin dito ay bigla siyang iiwas ng tingin. Gusto ko mang magtanong ay natatakot ako sa maaari niyang isagot sa akin. Medyo kabisado niya ang mga daan sa aming lugar kaya madami siyang alam na short cut, mas napadali ang pag-uwi ko at mas mura ang aking babayaran. Hindi kagaya ng ibang taxi driver na kung saan-saan iikot para lang mapamahal ang babayaran mo sa metro.
Maya-maya lang ay nakarating na din ako sa aming lugar. Nagpababa na ako kahit malayo pa sa bahay upang dumaan sa tindahan.
Napansin ko na hindi mapakali ang drayber nung malapit na akong bumaba pero hinayaan ko lang iyon. Iniabot ko ang aking bayad na may kasama na ding tip. Hindi pa man ako nakakalayo ay bigla niya akong tinawag, lumapit ako sa kanya para alamin kung bakit. Tumingin muna siya sa aming eskinita at parang nagdadalawang-isip kung itutuloy ba niya ang nais sabihin. Huminga siya nang malalim bago magsalita.
"Kanina noong sumakay ka, may kasama kang bata," bulong ng matanda.
"Noong una ay inakala kong kasama mo siya dahil tumatakbo din siya kasabay mo. Pero noong nasa loob na kayo ay naramdaman kong ako lang ang nakakakita sa kanya," patuloy pa niya.
"Seryoso ho ba kayo?" tanong ko sa kanya.
"Oo, mag-iingat ka. Mukhang may balak siyang masama sa iyo. Nakita ko sa mata niya ang galit," paglalahad ng drayber.
"Maraming salamat po manong," paalam ko sa kanya. Nagmamadali akong naglakad pauwi sa amin. Dumaan muna ako sa tindahan nina Aling Angge upang bumili ng load.
"Kamusta Miguel? Nakikiramay pala ako sa pagkamatay ni Brenda," biglang nagsalita si Aling Angge habang tina-type sa kanyang cellphone ang numerong isinulat ko sa kapirasong papel.
"Salamat. Wala pa ding alam ang mga pulis kung sino ang gumawa nito," sagot ko sa kanya.
"Ganun ba, saan ibuburol ang bangkay niya?" pag-uusisa ng ginang.
"Hindi ko po alam, kakauwi ko lang kasi at hindi ko alam kung alam na ba ng kuya at mga magulang niya ang nangyari," paglalahad ko.
"Ah ganun ba. Sige, magpahinga ka na. Parang pagod na pagod ka." Nagpaalam na ako agad sa kanya at nagmadaling umuwi.
Napansin ko na bukas ang pintuan ng bahay nina Ate Divine kaya sumilip ako dito, nakita ko sina Ate Faye at Ate Divine na nag-uusap habang umiinom ng kape.
"Ito na pala si Miguel. Halika Miguel, samahan mo kaming mag-kape." Sigaw ni Ate Divine, pero hindi iyon ang pumukaw ng aking atensyon.
Nakakagimbal ang aking nakita.
Nanlaki ang aking mga mata dahil kitang-kita ko yung batang babae na nasa pagitan nilang dalawa. Punong-puno ng dugo ang kanyang katawan. Ang mas nakapangingilabot pa ay may hawak siyang dalawang pugot na ulo sa magkabilang kamay.
Nakapangingilabot ang tagpong iyon.
Nanginginig ako sa sobrang takot.
Nakangiti pa siya akin habang itinataas ang dalawa niyang kamay, dahan-dahan niya itong itinaas at iniharap ang mga mukha ng ulong hawak. Napatigagal ako nang makilala ko ang may-ari ng dalawang ulo na iyon, nakalabas ang kanilang mga dila at tumutulo mula sa kanilang mga mata ang napakaraming dugo.
Pumikit-pikit ako at kinusot ang mga mata dahil baka namamalik-mata na naman ako. Pero pagdilat ko ay wala na yung bata. Nakahinga ako nang maluwag pero napansin ko sina Ate Faye na nakatingin sa akin.
Puno ng pagtataka.
Puno ng pag-aalala.
Kahit hindi man nila sabihin ay alam ko na nahalata nila ang aking naging reaksyon.
Wala akong magagawa kung isipin man nilang nababaliw ako, maski kasi ako ay napapaisip na baka nga may tama na ako sa utak. Sa lahat ba naman ng nararanasan kong ito, sino ang hindi mababaliw?