Tulala pa rin si Hazel makalipas ng ilang oras. Naka-upo siya sa isang bangko sa Wright Park. Parang kanina pa niya pinapanood ang mga kabayo pero ang totoo, wala siyang nakikita. Kung sabay-sabay mag-Zumba ang mga iyon sa harapan niya, hindi iyon mapapansin ng dalaga.
Himala nga na nakapagbihis siya. Nakasuot siya ng maong, puting sneakers, 'tsaka uniporme ni Top. Hindi niya sigurado kung sa pagmamadali niya ay nakapagsuot ba siya ng underwear o kung nakapagsuklay ba siya. Parang natuyo na lang ng hangin ang buhok niyang sigurado niya ay buhol-buhol.
Pero hindi iyon ang mahalaga ngayon.
Si Henry. Si Henry na araw-araw niyang kausap at si Lt. Aaron Benedict Tanjuatco ay iisa. Ang bago niyang kaibigan at current crush ay isang multo. Hindi niya alam kung saan mag-fo-focus eh. Masyadong maraming kailangang i-proseso.
Niyakap niya ang sarili niya nang maalala ang hitsura nito kanina. Tumatayo kasi ang mga balahibo niya. Mukha itong bangkay. Hindi, hindi bangkay. Zombie! Mukha itong zombie. Maputla, walang dugo ang mga labi, may milky film na tumatabing sa mga mata na nakikita lang niya sa mga bangkay sa police procedural TV shows. Tumutulo ang dugo mula sa butas sa sentido nito, at duguan din ang harapan ng uniporme dahil sa mga tama ng bala.
Journalist siya kaya dapat parang dapat matibay ang sikmura niya. Mamaya ilagay siya ulit sa police beat? Pero paano siya masasanay sa buhay na bangkay--at paano nangyari 'yun?--na nagtatanggol sa kanya sa manyakis na namboso sa kanya?
Isa pa 'yun! Hayop na Jun 'yun! Kung di lang siya naunahan ng takot niya kay Henry--Aaron!--kanina, baka ifinlush niya sa toilet ang mukha ng hinayupak na 'yun!
"Ma'am?"
Sa kabila ng ingat sa tinig ng lalaking tumawag sa kanya, napasinghap pa rin sa gulat si Hazel.
"Sorry, ma'am," sabi ni Top na nakatayo na pala sa likuran niya.
"Top."
Lumapit na ito at naupo sa tabi niya sa bangko. Dahil nga suot niya ang uniform top nito, walang jacket ang sarhento. Naka-itim na T-shirt lang ito, camouflage pants at combat boots. Itinatago rin pala ng uniporme nito ang suot nitong thigh holster sa kanan nitong hita kung saan naroon ang isang .45 caliber na baril.
"Okay ka lang, ma'am?" pangungumusta nito. "Sinundan kita kanina paglabas mo kasi baka kung mapaano ka. Pero tanghali na kasi. Baka gusto mo nang bumalik? Hindi ka pa nagtatanghalian eh."
"Hindi pa po ako nagugutom."
Mahina itong tumawa. "Sabagay. Ako rin naman hindi pa rin nagugutom. Pagkatapos n'ung nakita natin kanina? Baka sa isang linggo na ako ulit kumain. 'Tapos next year na ako makakatingin ulit nang derecho sa dinuguan."
"Top!" reklamo niya na natawa na rin.
Ngumisi ito sa kanya bago nila binalingan ang mga kabayo na dumaan sa ibaba lang ng kung saan sila naka-upo.
"Ano po bang nangyari kanina?" tanong ng lalaki.
Niyakap ni Hazel ang sarili at kinuskos niya ang mga braso.
"Nagpaalam po kasi si Sgt. Peralta kanina na kung puwede niya akong iwan saglit para maligo. In-offer ko na d'un na lang siya sa banyo ko kasi hindi pa naman po mainit 'yung tubig na panligo ko. Naiwan po ako sa kusina kasama n'ung mga pinsan niya pero sandali lang po 'yun kasi ang bilis po maligo ni Sarge. Nag-usap kami ni Jason pero 'yun pong si Jun, tinanong niya kung may boyfriend daw po ako at kung puwede niya kunin 'yung number ko. Sabi ko po hindi. Nagalit siguro."
"Sabi ni Peralta, isinama daw niya sa kuwarto 'yung dalawa bago ka pumunta ng banyo. Nagpaalam daw 'yung isa na kukuha ng tubig sa kusina. Mabilis ngang magbihis 'yang si Peralta eh. Pero hindi pa raw siya 'tapos narinig na niyang may parang sumabog sa banyo mo at na sumigaw na nga raw 'yung pinsan niya." Pinagpag ni Top ang ibabaw ng pantalon nito. "Pababa na kami sa sleeping quarters n'un kasi naka-usap ko si Henry tungkol sa 'yo. Ang sabi niya hindi ka raw niya nakakausap at na hindi ka pa nga raw niya nakikilala. Ayun na. Naisip ko nang baka multo 'yung nakaka-usap mo. Natakot akong baka si Reyes pa 'yun kaya tinakbo ko na. Dumating kami na nagkakagulo na nga sa banyo."
"Una ko po narinig na parang may sumabog nga d'un sa kabilang cubicle," patuloy niya para punan ang mga patlang sa mga alam nilang dalawa ni Top tungkol sa nangyari. "'Tapos sumigaw na si Jun. Akala ko nga po may isa sa inyo na nakakita sa kanya na pumasok sa banyo ko kaya siniya n'yo. Kinuha ko na 'yung tuwalya ko 'tapos lumabas na ako. Nakita ko po si Henry." Mahina siyang tumawa. "O 'yung akala ko po eh si Henry. Akala ko po talaga papatayin niya si Jun kaya sinubukan ko na po lumapit. Pero n'ung lumingon siya sa 'kin, may tama po siya ng bala sa sentido." Nagsimulang manginig ang tinig niya nang bumalik sa alaala niya ang hitsura ng lalaki. "'Tapos nakita ko na po 'yung dugo sa harapan n'ung uniporme niya, 'tsaka 'yung tama niya ng bala."
Saglit silang natahimik bago muling nagsalita ang kasama.
"Pero alam mo? Nakita ko kung paano ka niya tingnan," dagdag ni Top na nakatingin pa rin sa mga kabayong dumaraan sa harapan nila. "Noon ko nasiguro na hindi ka niya sasaktan. Pinrotektahan ka niya kanina, ma'am."
Tumango siya dahil naisip din niya iyon. Sa likod ng takot niya, naisip niya ang galit na nadama ni Henry... ni Aaron, dahil binastos siya ni Jun. Hindi tuloy niya alam kung ano ang madarama. Naghalo na 'yung takot niya sa katotohanang multo ito at ang pagka-touched dahil binabantayan siya nito na parang guardian angel. Ang weird ng pakiramdam dahil may gusto siya sa isang taong dalawang taon nang patay, at siyempre, nan'dun din 'yung lungkot niya dahil doon.
Ang mas weird pa ay 'yung inis at tampo niya dahil nagsinungaling ito sa kanya tungkol sa kung sino ito. It should be the least of her worries dahil, hello! Kaluluwa na lang ang binata! Ano naman ang inaasahan niya? Sasabihin nito agad sa kanya na multo ito? It wasn't like he was some random guy lying to her about being single when he had a wife, or being a drug addict.
He was just... dead.
Natawa si Hazel sa sarili at inihilamos niya ang mga palad sa kanyang mukha. "Ano'ng gagawin ko sa kanya, Top?"
Nilingon na siya nito at binigyan siya ng isang maliit na ngiti. "Eh di kung ano 'yung ginagawa mo ngayon. Kinaibigan mo siya. Ipinakita mo sa kanya na kahit dalawang taon na siyang wala, hindi pa rin siya nalilimutan ng mga taong nagpahalaga sa kanya noon, na mahalaga pa rin siya. At alam kong mahalaga 'yun kay LT. At dahil ikaw naman ang kinakausap niya, itanong mo na rin kung ano ang kailangan niya para mapayapa. Sabihin mong handa naman kaming tumulong."
Tumango si Hazel.
"Sabihin mo na ring huwag na magpakita o magparamdam sa 'min ah."
Noon siya muling tumawa at bumuntong-hininga. "Sige na nga, Top. Balik na tayo. Nagugutom na rin yata ako." Tumayo na silang dalawa mula sa bangko at pinagpag niya ang pantalon. "'Tsaka thank you nga po pala sa pagpapahiram ng uniform n'yo. Hindi ko na naisoli."
"Okay lang, ma'am. Mamaya n'yo na ibalik."
"'Tsaka Top? Matagal ko na pong gustong sabihin na huwag n'yo na akong tawaging ma'am. Hazel na lang po."
Muling ngumiti si Top sa kanya at tumawa siya nang tapikin siya nito sa ulo na para bang bata siya. Pagkatapos ay sabay na silang naglakad pabalik sa Mansion.
★・・・・・・★・・・・・・★・・・・・・★
Maraming taong nagpapa-picture sa gate nang makabalik sila. Isinilid ni Hazel ang mga palad sa ilalim ng mga manggas ng suot niyang uniporme ni Top dahil nilalamig ang mga kamay niya.
May anim na PSG sa gatehouse. Sa palagay niya eh naroon ang mga 'yun dahil natatakot na mapag-isa sa duty o sa barracks. Ngumiti siya nang batiin siya ng mga ito na may halong pag-aalala at kuryosidad, pagkatapos ay napatingin siya sa isang lalaking nakatayo sa may pintuan ng gatehouse, hawak ang strap ng rifle nito at nakatingin lang sa kanya.
Inuna niyang tingnan ang name tag nito ngayon. Esguerra.
Bumuntong-hininga siya at nahihiyang ngumiti rito. "Kayo po si Sgt. Esguerra."
Lumapit ang lalaki. "Opo, ma'am," nag-aalangan nitong sagot.
Gaya ng karamihan ng mga PSG, matangkad din ito at matikas ang tindig. Tama nga ang description ni Iking dito, matangkad na singkit. Matangkad din si Aaron pero naniningkit lang naman kasi ang lalaki kapag nakangiti.
"Hindi pala po kayo 'yung nakaka-usap ko," nahihiya niyang sabi
"Opo. Sorry po, ma'am. Hindi ko po alam kung bakit pangalan ko po 'yung ginamit niya."
"Kasalanan ko po 'yun," paliwanag ni Hazel. "Tinanong ko po kasi kay Iking kung sino 'yung PSG na nakausap ko na nag-ra-rounds pero hindi ko pa nakikita sa barracks. Sabi po niya kayo nga raw po. So n'ung nagsimula kaming mag-usap ni Lt. Tanjuatco, in-assume ko na siya po kayo. Hindi naman po niya ako itinama."
"Paano nga naman po niya sasabihin sa inyo na multo na siya," tawa na rin ng totoong si Henry. Guwapo rin naman ito talaga. Di lang kasing guwapo ni Aaron.
*Gaga. At least buhay siya.*
"Kayo po ba 'yung Marine na taga-La Union?"
"Opo," sagot nito na parang nagulat na alam niya ang mga bagay na iyon tungkol dito.
"Sinabi po kasi niya 'yun sa 'kin. Kayo naman po pala talaga 'yung ikinukuwento niya."
"Ehem," singit ni Top at napatingin silang dalawa rito. Napansin na rin ni Hazel na pinapanood sila ng iba pang mga PSG na may mapang-asar na mga ngisi. Natawa si Hazel at nakita niyang namula ang mga pisngi ni Sgt. Esguerra.
Nilingon din ni Top si Iking. "Nagluto na ba kayo ng tanghalian?"
"Opo, Top!" masayang sabi ni Iking. "Kakain na po ba tayo?"
"Oo. Halina kayo."
Naiwan si Tan at si dela Vega sa gate dahil kumain na raw ang mga ito. Nang maglakad si Hazel, sinabayan siya ni Henry habang nauna sa kanila sina Top at Iking. Isinilid niya ang mga kamay sa bulsa ng pantalon niya.
"Okay lang kayo, ma'am?" tanong ng lalaki habang sinusulyapan siya. "Hindi naman po kayo nasaktan kanina?"
"Hindi naman po," sagot niya.
Tumango si Henry. "Dinala po ni Peralta 'yung pinsan niya sa ospital. Okay naman na daw po. May konkusyon 'tsaka pilay pero mas natakot daw kaysa nasaktan. Buti nga sa kanya. Gago siya eh."
Mahinang natawa si Hazel.
"Uuwi daw po si Peralta mamayang hapon para mag-sorry sa inyo," patuloy ng lalaki. "Nauna na rin daw po siyang nag-pa-blotter. Galit na galit po kasi sa pinsan niya kaya kung gusto raw po ninyo ipa-aresto, tutulungan pa raw niya kayo. 'Tsaka sorry raw po talaga."
"Hindi naman po kasalanan ni Sgt. Peralta 'yun. 'Tsaka hindi ko po alam kung ano'ng gusto kong gawin sa pinsan niya. Hindi ko alam kung gusto kong dalhin sa baranggay o paabangan ko na lang sa mga hitman."
Sa totoo lang, parang nandidiri kasi siyang isipin na nakita siya ng gago na 'yun. She felt deeply violated and incredibly angry about it that a part of her agreed na buti nga sa gago na 'yun at binugbog ito ni Aaron. Pero ayaw muna niyang isipin. Kapag malampasan na niya ang gulat niya kay Aaron, 'tsaka na niya haharapin ang galit niya sa bastos na manyak na si Jun. But for now...
"Pag-iisipan ko po muna. Baka po sabihin ko na lang sa kuya ko. Siya na po ang bahala sa ngayon."
Napangiwi si Henry. "Parang mas gusto ko na lang po yatang harapin 'yung multo kaysa 'yung galit ni Lt. Villanueva."
Nagkatawanan silang dalawa.
Nang marating nila ang barracks, komportable naman na si Hazel kay Henry. Siguro dahil marami rin siyang alam tungkol sa lalaki dahil ito rin naman pala ang ikinukuwento sa kanya ni Aaron.
Bago pumunta sa kusina kung saan naghahanda ng tanghalian ang mga kasama, sinilip muna niya ang banyo niya. Maliban sa sirang mga pinto ng dalawang stall, akala mo ay walang nangyari roon kanina lang. Malinis na ang sahig at wala na ang mga piraso ng kahoy. Tinesting din niya ang doorknob ng pinto ng CR at nakitang sira ang lock niyon. Siguro ay sinira kanina ni Jun para makapasok sa banyo. Hindi man lang niya narinig! Mukhang expert mamboboso ang gago.
Pagbalik niya sa kusina, handa na ang tanghalian. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakasabay niya si Henry sa pagkain. Mahiyain ito pero nakakatawa kapag humirit. Napansin din niyang may dimple ito sa kanang pisngi kaya mas naging cute ito.
Alam ni Hazel na inoobserbahan niya ang lalaki, at na hinahanap niya rito 'yung nahanap niyang pagka-komportable at kilig habang kasama si Aaron n'ung akala pa niyang ito si Henry. Pero kahit komportable na siya sa totoong Henry, alam pa rin niyang hindi ito si Aaron.
Nag-volunteer ang lalaki na magligpit nang matapos silang kumain. Pagkatapos ay nagpaalam na ito na uuwi na.
"It's nice to finally meet you, Ma'am Hazel," sabi nito na may ngiti na para sa kanya.
"It's nice to finally meet you, too."
Tumango ito kina Top at Iking saka umalis. Saglit lang ang hinintay ng huli bago siya nito tinukso.
"Ayan na, ma'am! Nakilala mo na ang tunay na Kuya Henry! Ano sa palagay mo?"
"Sira," tawa niya.
"Babalik na muna ako sa gate, Hazel," sabi ni Top na nagsasalin ng kape sa isang matangkad na mug. "Iking, ikaw na muna ang magbantay kay ma'am. Kahit d'yan ka lang sa labas para may kasama siya rito."
Namilog ang mga mata ni Iking. "Eh paano naman ako, Top? Sino'ng magbabantay sa 'kin?"
Umikot ang mga mata ni Top. "Pababalikin ko rito si Tan para protektahan ka."
"Yey! Sige po."
Umiling si Top saka siya hinarap. "Tumawag ka lang sa gate kapag may kailangan ka."
"Opo. Thank you po, Top. Ay, teka. 'Yung uniform po pala ninyo."
Umiling ito. "Hayaan mo na. Mamaya mo na lang ibalik. Iking," sabi ni Top at muli siya nitong itinuturo sa sarhento.
"Opo, Top. Ako nang bahala."
Nagpaalam na rin si Hazel kay Iking. "D'un na muna ako sa kuwarto ko, Iking ah."
"Sige, ma'am. D'un lang po ako sa sala mamaya. Magbabasa po ako."
"Okay." Nagsimula siyang lumabas ng kusina pero huminto siya sa pintuan para silipin ang lalaki. "Pero kung kailangan mo, katok ka lang sa 'kin ah. Pag may biglang dumaang anino d'yan sa bintana--"
"MA'AM NAMAN EH!"
Sa huli, hinintay niyang matapos magligpit si Iking. At nang naka-upo na ito sa sala at may dala nang libro, 'tsaka siya bumalik sa kuwarto niya. Natatawa pa rin siya sa pagka-aliw kay Iking pero napasinghap siya nang buksan niya ang pinto at nakita ang lalaki sa loob ng silid niya.
Nakatayo ito sa may bintana, at nakasuot ng malinis na uniporme. Walang bakas ng dugo sa kahit saan, pero may matinding pag-aalala sa guwapo at pamilyar nitong mukha.
Automatic siyang umatras palayo sa takot at nakita niya ang hapdi at lungkot sa mga mata ni Lt. Aaron Benedict Tanjuatco.