"I DON'T understand why Nora should be an option!"
Tahimik lang si Nora na nakikinig sa argumento ng kanyang mga magulang. Nasa sala sila, kasama ang kanyang Ate Natasha. Nagtungo ang mga ito sa hacienda, ipinatawag ng kanyang ama. Nitong nakalipas na limang taon ay hindi na siya umalis sa hacienda dahil bihira na rin kung lumuwas ang kanyang ama. Mas bumuti nang kaunti ang lagay nito mula nang doon tumira. Noong simula, kahit paano ay ganoon ang nangyari. Ngunit nakaraang taon ay tatlong ulit na nila itong isinugod sa ospital at kahit iginiit niyang sa Maynila na lang sila tumira upang mas malapit sila sa ospital ay tumanggi ito. Mas gusto raw nito ang sariwang hangin sa hacienda.
Nitong nakalipas din na limang taon ay karaniwan nang mayroong nagtutungo sa kanilang mga abogado nito o tauhan, dala ang mga dokumentong kailangang mabasa ng kanyang ama o pirmahan. May ilang pagkakataon na rin na nagkaroon ng malaking meeting sa hacienda at nagtungo roon ang malalaking empleyado ng kompanya. Madalas doon si "Tito Attorney," ang tawag niya sa isa pang matalik na kaibigan ng kanyang ama na si Attorney Carpio na siya ring abogado nito at ng kompanya, isang matandang binata.
Sa loob ng limang taon ay nanatili siya sa tabi ng kanyang ama. At nakakadama siya ng galit na nagtataas ng tinig dito ang kanyang mama kahit nakikita na nitong nakaupon na sa wheelchair ang matanda. Napakalaki na ng itinanda ng itsura ng kanyang ama at kung minsan ay higit-higit na nito ang paghinga. Sa silid nito ay mayroon itong ilang tangke ng oxygen. Alam niya, at sinabi na rin ng doktor, na may taning na ang buhay nito.
Iyon ang higit na bumabagabag sa kanya mula nang malaman niya may walong buwan na ang nakakalipas. At iyon din ang dahilan kung bakit hindi niya magawang mabigla nang husto sa mga pangyayari. Alam niyang pipili sa kanila ng kanyang Ate Natasha ng mapapang-asawa si Emilio. Nakakabiglang talaga ang balitang iyon ngunit paano niya magagawang kuwestiyunin ang ibig ng kanyang ama, ang tumutol doon, o kaya ay ang makaramdam ng matinding emosyon patungkol doon kung nakalukob sa kanya ang masamang balitang bilang na ang araw ng kanyang ama?
Gabi-gabi siyang nagdarasal sa Maykapal na sana ay hindi iyon totoo. Araw-araw siyang nagno-novena at pilit niyang sinasabi sa kanyang sariling kailangan niyang maniwala sa mga milagro. Nahihirapan lang siya sa tuwinang nakikita niyang sa bawat araw ay lalong sumasama ang lagay ng kanyang ama.
"Hanggang sa bagay na 'yon ay makikipag-argumento ka pa sa akin?" anang kanyang ama. Mukhang nagalit din ito. "Gusto kong mabigyan ng pagkakataon si Emilio na isipin kung sino sa dalawang bata ang babagay sa kanya."
"Ayokong pasamain ang loob mo, Milton, at aminado akong dapat talagang pakasalan ng anak natin si Emilio para sa kapakanan ng pamilya, pero dapat na si Natasha ang pakasalan niya at hindi si Nora. Ni hindi ko maintindihan kung bakit patas ang pagkakahati ng kompanya sa aming tatlo! Mabuti sana kung barya ang pinag-uusapan dito, Milton. Sana maintindihan mo ang panig ko."
"You will all be provided for," buga ng kanyang ama, tila napapagod na nang husto sa argumento. "Para sa inyo ang lahat ng ito, Diana, at lahat ng mga naiplano ko ngayong taong ito. Pakiusap, 'wag na tayong magtalo."
Mukhang natauhan na ang kanyang ina. Kahit paano ay umalwan ang pakiramdam niya nang makita itong inasikaso ang kanyang ama. Ito ang nagtulak sa wheelchair ng lalaki patungo sa isa sa mga silid sa ibaba ng bahay. Lumipat na roon ang kanyang ama dahil sa wheelchair nito.
Naiwan sila ng Ate Natasha niya sa sala. Tahimik lang ang babae. Marahil ay hindi nito gusto ang ideya na ikakasal ito sa isang lalaking sa pagkakaalam niya ay hindi pa nito nakikita kahit kailan. Wala itong sinabing kahit na ano sa kanya, nagtungo lang ito sa silid nito. Siya naman ay naiwan sa sala, sakaling kailanganin siya ng kanyang ama at doon na siya sa sofa nakatulog.
Kinabukasan ay maaga siyang nagising at agad sinilip ang kanyang ama. Katabi nito ang kanyang mama kaya naligo na muna siya at saka ihinanda ang almusal ng matanda. Nang dalhin niya iyon sa silid ay ang kanyang ina na ang nagpakain dito, isang bagay na nagdulot ng init sa puso niya. At nang makita niya ang saya sa mukha ng kanyang ama ay nahiling niyang sana ay noon pa nagtungo roon ang kanyang ina.
Hindi na niya inabala ang dalawa, tiyak niyang ibig ng mga itong magkasolo. Tumulong na lang siya kay Nanay Pining sa kusina, kasama si Marissa. Hanggang ngayon ay kaklase niya ang babae. Nasa ikalawang taon na siya ng kolehiyo sa lokal na eskuwelahan. Agriculture ang kanyang kinuhang kurso dahil ayaw niyang iwan ang hacienda na napamahal na sa kanya. Si Marissa ay ganoon din ang kurso.
"Uy," wika agad sa kanya ni Marissa. "Totoo ba na ipapakasal kayo ng Ate mo doon sa Amerikano?"
"Ang bibig mo talagang babae ka, kay sarap pasakan ng busal. Naku, pasensiya ka na sa kaibigan mong tsismosa, Nora," agad na saway ni Nanay Pining sa apo habang abala sa pagsasalansan ng mga palaspas. Patapos na ang Setyembre at tuwing ikatlo ng Oktubre ang pista. Ayaw daw sana ng mga tauhan ng hacienda ang magselebra sa taong iyon dahil sa kalagayan ng kanyang ama ngunit mismong ama niya ang naggiit na ituloy lang ang selebrasyon.
Ngiti lang ang kanyang itinugon sa matanda at tango kay Marissa. "Isa sa amin. Kung sino ang gusto niyang pakasalan."
"Aba, ang suwerte niya. Pero ang suwerte mo rin kung sakali. 'Di ba ang pogi-pogi noon? Crush mo nga 'yon noon."
"Ano ka ba? Ni hindi ko nga nakausap 'yon noong nagpunta rito."
"At ibang bagay ang pagpapakasal," si Nanay Pining. Ilang sandaling nalukot ang mukha nito, tila ayaw magkomento ngunit sa huli ay hindi naawat ang sarili. "Kung ako lang ang tatanungin, isang malaking kabaliwan 'yan."
"'Ku, kayo naman, Lola. Wala naman akong nakikitang masama doon. Isa pa, kung mamatay-tao naman 'yon, hindi naman siguro ipapakasal ni Señor ang mga anak niya doon. Masyado lang kayong old style."
"Old-style-old-style ka diyan. Pasalamat ka't hindi kita ipapakasal kahit kanino."
"Aba'y kung kasing-guwapo naman noong Emilio, why not, why not?"
"'Kuu! Pasasalamat pa nga 'kamo ako kung makahanap ka ng lalaking makakatiis sa bibig mong walang tigil. Buong buhay kang sasayaw sa labas ng bilog."
Umismid si Marissa. Ang tinutukoy ni Nanay Pining ay ang tanikalang binubuo ng mga may asawa tuwing pista, magkakapit-bisig. Sa loob ng nabuong bilog ng mga magkakapit-bisig na lalaki ay sumasayaw nang may palaspas ang mga may asawang babae at nananatili sa labas ang mga dalaga. Mas masaya sa loob ng bilog.
Napatawa na rin siya nang umismid si Marissa, bagaman parating hindi lubos ang kasiyahan niya. Kahit anong gawin niya ay hindi maalis sa isip niya ang kanyang ama. Gayunman, sa umagang iyon ay laman ng isip niya si Emilio. Sa isang banda ay totoo ang sinabi ni Marissa. Noong una niya itong nakita ay isang taon yatang hinihiling niyang bumalik ito para muli niya itong masilayan.
Pero ngayon na kailangan nitong pumili sa kanila ng Ate Natasha niya, at kung sakaling siya ang piliin nito ay hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Kunsabagay, ang sabi ng kanyang ama ay hindi pa naman daw agad-agad silang ikakasal nito. Matagal na panahon pa raw iyon, lalo na at marami pa ring kailangang gawin ang lalaki bago ito lumagay sa tahimik at ibig daw muna nitong makatapos muna sila ng kapatid niya ng pag-aaral, kahit pa nga tumigil na sa pag-aaral ang Ate Natasha niya.
Sa ngayon ay isa nang modelo ang kapatid niya. Hindi lang iisang patalastas sa magazine ang meron ito. Hindi iyon nakapagtataka dahil sadyang maganda ito. Base sa pagkakarinig niya sa usapan nito at ng kanyang mama ay ibig magtungo ng kanyang kapatid sa ibang bansa upang mag-aral ng pagrampa.
"Kailan daw ba pupunta rito iyong Emilio? Dito ba magpapalipas ng pista?" si Nanay Pining.
"Magpapakitang-gilas naman kayo kung sakali?" hirit ni Marissa, nakaismid pa rin. Pinandilatan lang ito ng matanda.
Tumugon siya. "Bukas daw po darating, kasama ang daddy niya pero hindi raw po magtatagal. Hindi na po siguro aabutin ng pista rito."
"Kung ako sa 'yo'y maglalagay ako ng uling sa mukha nang hindi ka mapili."
"Si Nanay talaga," si Marissa. "If I know gusto lang ninyong mapasama sa multiple choice. Sorry, 'Nay, pang-dalaga lang ang pilian, hindi pang-biyuda. At lalong-lalong hindi puwede ang senior citizen."
Walang nagawa ang matanda kundi ambaan ang apo, habang siya ay napatawa. Bigla siyang napaisip kung ano nga kaya ang magandang isuot niya bukas. Gusto niyang maging presentable.