Tula #70: Tulang Walang Pamagat
Mahal, heto na naman ako
Nag iisip na naman ng konsepto
Para makabuo ng mga salitang ibabato
Sa malamig at makunat mong puso.
Gumawa na naman ako ng tula
Dinudugtong ang mga salita
At kahit na hindi ko sinasadya
Ang dalawang mga mata'y kusang lumuluha.
Ilang papel na ang naubos ko
Ilang tinta na ang sinayang ko
Pero wala pa rin akong sagot sa tanong ko
Kung minahal mo nga ba talaga ako?
Pagod na akong lumikha ng tula
Gusto kong alisin sa isip ang mga letra't salita
Pero bakit hindi ko pa rin magawa?
Bakit mga kamay ko'y kumikilos pa rin ng kusa?
Ikaw ang tula at ako ang makata
Makatang nasaktan at iyong pinaluha
Kaya kahit magkaroon man ng eksaktong saknong, kariktan, tugma, talinghaga, sukat at lahat-lahat
Kailanma'y hindi magkakaroon ng perpektong pamagat.
-RoRu