C A N D A R Y
Miyerkules ngayon. Nag-cancel ng klase 'yong dalawa naming prof na pang-umaga at in-announce sa Google classroom kagabi. Noon ko lang din nalaman na matalik silang mga kaibigan ni Sir Thomas. Si Ma’am Jena, at Sir Ivan. Ang siste tuloy, para akong kinder na alas dos pa ng hapon ang pasok.
Kagabi pag-uwi ko, nang malaman agad na walang klase ngayon at para naman maalis ang kaunting stress na dulot ng sitwasyon naisipan kong mag-bake. Inabot ako ng madaling araw dahil mas matagal ang pag-rest sa mga dough. 'Yong mga hindi ka-komplikadong tinapay lang naman 'to. 'Di gaya ng mga mabibigat at matagal-tagal na proseso na ino-order kay mama gaya ng cake. Simpleng Red Velvet, at Banana Bread lang naman ang binake ko. Nilagay ko ito sa microwavable tupperwares. Balak ko kasing puntahan 'yong si Kaia para personal na magpasalamat sa kanya. Malaking utang na loob 'yon. Baka kung hindi niya ako nasalo, duguan din ang ulo ko.
Nagpaalam na rin naman ako kay mama. Una, ayaw pa akong payagan dahil nakaka-trauma naman talaga ang nangyari. Pero sa huli, napilit ko rin siya. Pinahatid niya pa ako kay Kuya Fred hanggang terminal.
Siguro mga ala una na ako makababalik dito sa amin. May time pa naman para magpalit ng uniform no'n. Kaya naman pinili kong magsuot ng pang-alis muna. Fitted na pantalon, white sneakers at off-shoulder na puting blouse. Nilagay ko sa paperbag ang mga tinapay habang nakasukbit naman ang sling bag kong itim sa akin. Hinayaan kong nakalugay ang buhok ko.
Nang makarating ako sa tapat ng convenience store ay 'di ko maiwasang maaalala ang aksidente. Pinilit kong mawala 'yon sa isip ko gamit ang paghinga nang malalim. Dahil maaga-aga akong bumyahe tungo rito sa kabilang lugar, pasado alas otso nang pumarito ako.
Ganoon pa rin, tipikal na highway. May ilan-ilan na tumatawid din na nakasabay ko sa pedestrian lane. Bigla kong naalala na paano kung hindi pala ngayon naka-duty si Kaia? Masasayang ba ang punta ko? O kaya, hihintayin ko na lang siya kahit hanggang alas onse. Basta 'yong kaya pang bumyahe at hindi ako male-late sa klase.
Itinulak ko ang glass door ng convenience store. Lumikha ng tunog ang nakasabit ditong chimes. Tahimik lamang sa loob. Ang tanging maririnig lang ay ang tunog ng aircon.
Luminga-linga ako hanggang mapako ang tingin ko sa counter. Dalawang lalaki ang nakatayo roon. Ang isa ay nakasuot ng uniform na may logo ng convenience store. Ang isang lalaki ay nagpaalala sa akin ng pamilyar na pigura. Tipikal na pang-alis ang suot niya. Gray na T-shirt at pantalon. Nag-uusap ang dalawang lalaki nang mapansin ng isa ang presensya ko. Hay bigla tuloy akong nahiya! Wala naman kasi akong bibilhin. Gusto ko lang makausap si Kaia.
"Yes ma'am? Ano pong kailangan ninyo?" Tanong nito habang nakangiti. Nagtaka siguro dahil nakatayo lang ako imbes na kumuha ng mga bibilhin.
Samantala, nakatayo pa rin ako malapit sa glass door. Lumingon din ang lalaking naka-civilian sa akin. Si Kaia nga!
"Ah-eh, si." Oo nga pala hindi ko alam ang pronunciation ng pangalan niya. Ka-ya? O Ka-i-ya? Ngumuso tuloy ako ng bahagya sa lalaking mukhang mas matanda sa akin upang tukuyin si Kaia.
"Ah. Ikaw pala hanap pre." Pabiro niyang tinapik si Kaia na ngayon nakatingin na sa akin. Aba 'wag niya sabihing nakalimutan niya na agad ako!
"Me po?" Tanong niya sa malambing na boses at saka tinuro ang sarili. Seryoso taglish?
Tumango-tango naman ako. Hinigpitan ko ang kapit sa paperbag na ngayo'y nasa tapat ng nga tuhod ko. Nakahawak dito ang dalawang kamay ko na para ba akong anime na nagpapabebe rito nako.
"Sige una na 'ko." Ibinalik niya ang pagtapik sa kasama niya. At saka niya kinuha ang body bag na itin na nasa may counter. Isinukbit niya ito sa sarili.
"Ayos ah. Sana all may date." Pang-aasar ng kasama niya at saka pinatugtog ang stereo. "Ingatan mo siya. Ingat kayo."
Date daw, e 'di nga ako kilala nitong si Kaia. Ang tanging alam niya lang sa akin ay nahimatay ako. Nauna akong lumabas at sumunod naman siya sa akin. Okay, medyo nakaramdam ako ng kaunting hiya. Ano ba Candary, magtha-thank you ka lang. 'Wag mo nang gawan pa ng problema ang sarili mo.
Hindi ko alam ang sasabihin at pareho lang kaming nanatili na nakatayo. Wala ba talaga kaming pupuntahan. Teka anong pupuntahan? Umupo tuloy ako sa lamesa at upuan na nasa labas na sakop pa rin ng convenience store. Inilapag ko ang kanina pang bitbit na brown paperbag. Nakita ko pa na lumingon 'yong lalaki sa akin na nasa counter. Baka natatawa dahil kunwari lumabas din kami ni Kaia pero 'di kami lumayo. Umupo rin naman siya sa may tapat ko, ibinaba ang bag sa katabing upuan.
Ngayon ko lang napansin ang buhok niya. Nakasumbrelo kasi siya noong una kaming magkita kaya bangs at patilya lang ang pansin noon. Medyo kulot pala ang mga ito na parang pinasadya.
"Uhm-"
"Walang anuman." Magsasalita palang ako pero pinutol niya na.
"Huh?" Nakunot ang noo ko. Naisip niya ba kaagad na nandito ako para magpasalamat?
"Para sa akin ba 'yan?" Malawak ang kanyang ngiti at tumuro sa paperbag.
Nagulat naman ako at agad niyang naisip 'yon ha. Para naman akong tanga dito kung puro tango lang ang gagawin ko. Mukha nga siyang masiyahin at warm mang-welcome gaya noong nakaraan kaya sige magsasalita na talaga ako.
"Ah oo hehe. Salamat nga pala. Baka kung napano pa ako lalo kung wala ka." Tipid akong ngumiti.
"Wala 'yon. Kahit sino naman siguro gagawin 'yon." Hindi naaalis ang ngiti sa mga labi niya. Halos mawala na nga ang mga mata niya eh. "Teka, name mo pala?" Tanong nito.
"Ah, Candary. Candary Ezplasa. Anak ng mama ko." Biro ko para naman hindi na ako tuluyang mahiya pa. Bahagya siyang natawa. "Ikaw ano? Ka-ka-?", Hays, suko na ako sa pronunciation.
Dinig ang mga busina ng mga sari-saring sasakyan mula sa pwesto namin. May iba na ring pumapasok sa loob upang mamili. Mabuti at nagkakarinigan pa rin kami.
"Ka-i-ya. Karson Aiden Mosquera. Nickname ko lang ang Kaia." Tumingin siya nang mariin sa mga mata ko at saka pabirong tinaas-baba ang mga kilay. Mukha talaga siyang babae sa sobrang amo ng mukha! Tapos medyo kulot pa.
"Pwede ko nang buksan 'tong alay mo?" Muli niyang tanong na para bang bata. Imbes na mainis, tumango-tango ako at nangiti dahil para siyang batang excited sa regalo. Taliwas noong sinagip niya ako na mukhang seryosong palangiti.
"Sa 'yo 'yan lahat." Tumango-tango ulit ako.
"Yey!" Binuksan niya ang paperbag at kinuha ang mga laman nitong apat na microwavable tupperwares. Nakita ko agad na namangha siya. Tinapay lang naman 'yon ah. Dibale sana kung bahay at lupa ang sinasabi niyang alay ko.
"Pwede ko na kainin?" Tunog batang makulit at nag-pout pa.
"Of course! Sa iyo nga 'yan eh ahahahahaha!" Tinulungan ko siyang buksan ang lagayan ng Banana Bread. Siya naman ang nagbukas no'ng sa Red Velvet.
Agad siyang kumuha sa magkabilang kamay. Sa kaliwa ang Banana Bread at sa kanan naman ang Red Velvet. Kumagat siya sa isa. Pagkalunok, doon sa isa naman. Pinanood ko siya habang para bang inuusisa ang lasa hanggang sa naubos niya 'yon. Sa nakikita ko kung paano siya kumilos, mukhang ayos din siyang kasama.
"Finish! Saan mo nabili 'to? Ang sarap ah!" Muli siyang kumuha at nilantakan ito.
Pinatong ko naman ang mga braso ko sa mesa at pumalong-baba. " Hindi ko 'yan binili. Why buy if you can make?" Proud kong sinabi. Magpo-promote na ba ako ng bakery dito?
"Wow! You made all of these? Wow, wow, bakerist ka pala! Hindi halata ah Miss Candary." Halos mabulunan yata ako kahit wala naman akong kinakain nang marinig ko ang 'bakerist'. Seryoso? Napatawa ako roon.
"Baker's gonna bake, bake, bake. Ano ka ba! Basic lang 'yan noh!" Pagmamalaki ko dahil totoo naman.
"Nice. May bakery kayo? Nag-TESDA ka?"
At sa tanong na 'yan nag-umpisa ang mahaba pa naming kwentuhan. Ang rude din naman kung aalis ako agad eh ako nga 'tong tumatanaw ng utang na loob. Napag-alaman kong ka-year ko lang siya at IT ang course. Part time job niya raw ang pagkakahera dito.
Kung anu-ano pa ang napagkwentuhan namin. Hanggang sa bumili na rin kami ng Yakult na maiinom. Ayon, kinain ko rin tuloy 'yong mga binake ko. Ang sabi ko para sa kanya lang 'yon eh. Pero pinilit niya rin ako. Ako naman daw gumastos.
Solong anak lang daw siya. Kinakain niya raw noong bata pa siya 'yong langib ng sugat niya. Mahilig daw siyang manood ng Netflix series. Ang hobby niya raw ay ang mag-overthink at mag-skate. Maswerte raw at naaubutan ko pa siya rito. Katatapos lang ng duty niya simula kaninang madaling araw. at uuwi sana para makapagpahinga dahil hapon at hanggang gabi ang klase niya ngayon. Nag-sorry ako sa pang-aabala ko. Pero ang sabi niya lang. "No, ayos lang. Nawala na pagod ko."
"Ang haba din pala ng binyahe mo no?" Aniya habang tinutungga ang huling bote ng Yakult. Dalawa sa akin at tatlo sa kanya. Sininop ko ang nga tirang tinapay at muling ibinalik sa paperbag par maiuwi niya.
"'Di naman sakto lang " Sagot ko.
"Magiging madalas ka ba rito?" Naubos na ang iniinom niya at sinalo ang mga baba gamit ang dalawang kamay. Nakapatong ang braso niya sa mesa. Ako naman ay nakakrus ang mga braso.
"Hindi. Bakit?" Tugon ko. Nawala ang ngiti niya.
"Hala eh 'di ba sabi mo, kaya kayo nagpunta noon para sa bago ninyong supplier?"
"Siyempre ide-deliver na lang nila." Para talaga akong may kausap na batang trapped sa katawan ng isang binata base sa accent niya.
"Ah akala ko eh." Kinamot niya ang tungki ng ilong niya. "Sorry."
Hay ang kulit. Mabuti naman ay magaling din siyang makisama kung hindi gumawa na rin ako ng paraan para makauwi agad kung mukha siyang may balak na 'di kanais-nais. Joke.
"Salamat ulit. Minsan ikaw naman ang pumasyal sa amin. Papatikim ko sa 'yo ang gawa ni mama." At ngayon malaki na ang ngiti ko dahil komportable na akong kausap siya kumpara noong una-una. Ang daldal niya rin kasi.
"Ipapatikim mo gawa ng mama mo?" Hindi ko alam kung bakit nanlaki ang mga mata niya. Big deal ba 'yon? "Talaga ah? Sige gusto ko 'yan." Inalok niya ang kamay niya at nakipag high-five pa sa akin.
Inihatid niya ako sa terminal na napagbabaan na rin namin ni mama noon. Ang sabi niya pa, isang sakay lang daw mula roon ang campus nila at dalawang sakay naman ang sa bahay nila.
"Thanks ulit ah. Highly appreciated ang tangible form of gratitude mo." At kumindat pa nga bago ako makasay ng bus.
"Sus. Welcome!"
Hinintay niyang umandar ang makina ng bus na sinasakyan ko bago umalis. Tinanaw niya ako mula sa bintana at kumaway-kaway pa. Itinaas niya pa ang paperbag at nag-finger heart na sign. Mabuti talaga na-master ko na recipe no'n. Simple lang pero siyempre nakakahiyang ibigay kung 'di masarap. Ang sabi niya pa, noon lang daw may nagbigay sa kanya ng ganoon kaya happy daw siya. Bumyahe tuloy akong magaan ang pakiramdam. Iba talaga sa pakiramdam ang makapagpasaya sa mga simpleng bagay lamang para sa atin.
Thanks for reading!💙
Stream Folklore Album by Taylor Swift!
Stay safe, mwaps. :)