"SHHH." Idinikit ni Arkanghel ang isang daliri sa mga labi ko.
Nakaawang ang mga labi ko sa pagkabigla kaya hindi ko naiwasang malasahan ang daliri niya. Maski si Arkanghel ay nagulat at namilog ang kulay abong mga mata sa akin.
Sa pagtingala niya ay napatitig ako sa leeg niya kung saan kitang-kita ko ang pagalaw ng kanyang Adam's apple.
Nag-iwas ako ng paningin. Ang mali lang, sa baba ako napatingin. Wala nga pala siyang pang-itaas na damit kaya mas lalo lang akong na-stress.
Ibinaling ko na lang ulit sa iba ang paningin ko. Ang dim ng ilaw sa kwarto niya dahil lampshades lang yata ang nakabukas. Malamig din dahil sa AC na dinagdagan pa ng bagyo.
Ibinaling ko ang aking mga mata sa lampas ng balikat niya. Ang natatanaw ko lang ay ang outside view sa sliding glassdoor ng veranda niya. Kitang-kita ko mula rito ang malakas at walang tigil na pag-ulan sa labas.
Ilang saglit lang ay nakarinig kami ng pagkatok mula sa pinagsasandalan niya sa aking pinto. Napahinto ako sa paghinga.
"Kuya?" boses ni Ma'am Ingrid.
Lalo na akong hindi makahinga nang marinig na tila pinipihit ni Ma'am Ingrid ang doorknob mula sa labas.
"Kuya, gising ka pa?" Kasunod niyon ay mga katok ulit.
"Yeah," paos na sagot ni Arkanghel sa mommy niya. Para siyang hirap magsalita.
"Nagising ka ba nang mawalan ng kuryente?" May pag-aalala sa boses ni Ma'am Ingrid.
"Kagigising lang." Tumingin siya sa akin. "Nagising lang."
Hindi naman ako ang may kasalanan kung bakit nagising siya, ah? Iyong kapatid niya kayang salot kaya!
"Dahil sa brownout, Kuya?" tanong muli ni Ma'am Ingrid. "Pasensiya ka na at palpak ang generator. Hindi pa kasi naaasikaso iyan mula nang bumalik tayo ng Pilipinas e. Wala ka naman bang naiwang work sa PC mo?"
Napahingal na ako dahil hindi ko na kayang pigilan ang aking paghinga. Nahingahan ko tuloy si Arkanghel sa leeg. Naging malalim ang sumunod na pag-alon ang Adam's apple niya.
"Wala," sagot niya na ramdam ko na sa akin nakatitig.
"Okay, Kuya." Nakarinig ulit kami ng pagpihit ng doorknob. "Bakit nagla-lock ka na naman ng pinto? Alam mo namang hindi ka dapat nagla-lock dahil bumabalik ang mga bangungot mo, di ba?"
Doon ako napatingala ulit. Napatitig ako sa abong mga mata ni Arkanghel na nakatitig sa akin. Bangungot? Nakakaranas siya ng mga bangungot? Kailan pa?
"I'm fine, Mom. You may leave. Matutulog na ulit ako."
"Okay, sige..." May pag-aalala pa rin sa boses ni Ma'am Ingrid. "Matulog ka na ulit. Pero wag ka na mag-lock, ha?"
"Yeah, please. I wanna sleep now, Mom."
Ilang saglit lang ay mga papalayong yabag na ang naulinigan namin mula sa labas.
Nakaalis na si Ma'am Ingrid pero ganito pa rin ang sitwasyon namin. Nakatingala pa rin ako kay Arkanghel habang siya naman ay nakatungo sa akin. Magkahinang pa rin ang aming paningin.
Nang kumulog ay saka lang kami napakurap. Hindi ko alam kung sino sa aming dalawa ang naunang bumitiw ng tingin.
"Ang cold ng mga sagot mo sa mommy mo," sita ko sa kanya nang makabawi na ako ng emosyon.
Tumaas na naman ang kaliwa niyang kilay. "Kung hindi ko siya itataboy, magpupumilit pumasok iyon dito. Gusto mo bang makita ka niya rito?"
Syempre, hindi. Nanulis lang ang nguso ko dahil may point siya. Humiwalay na siya sa akin. Hindi naman ako umalis sa pagkakasandal sa likod ng pinto.
May dinampot siyang t-shirt sa ibabaw ng kanyang kama at isinuot. Nakatingin lang naman ako sa kanya hanggang sa may damit na siya.
Plain white shirt. 'Yan, mukha na ulit siyang mabait.
Sa pag-alis ni Arkanghel sa harapan ko ay saka ko lang napagmasdan ang kanyang kwarto. Malaki nga ang kwarto at halatang lalaki ang may ari.
Kasing bango niya ang kwarto niya. Presko in a sophisticated and earthy way.
Mabilis na namasyal ang paningin ko sa mga detalye sa paligid. From the dark grey walls, grey carpet, queen size bed with black mattress, grey headboard and metal frame, grey L-shaped sofa, and black glass center table ay obviously expensive.
Kaunti ang gamit at appliances. Aside from his grey personal ref, 100" curved wall, and minimal desktop setup sa workplace niya sa gilid ay wala ka nang ibang makikita. More on vacant spaces na.
Ang balak ko ay magpapaalam na ako para bumalik sa guestroom. Magsasalita na sana ako nang makarinig kami ng musika mula sa piano sa labas.
"That's my dad," halos pabulong na sabi niya. Napatingala siya na tila namroblema.
Napalunok ako. Kung hindi ako nagkakamali, iyong piano na gamit ni Sir Ala ay ang malaking piano na nasa tapat ng pinto ng guestroom na tinutuluyan ko. Hindi ako makakabalik kung nandoon sila, dahil magtataka sila kung saan ako galing.
"Dad's playing the piano... Ibig sabihin, wala pa silang balak matulog."
"Aalis naman siguro sila..." napanghihinaan na bulong ko.
"Maybe after two to four hours," mahina na ang boses niya dahil malayo na siya sa akin.
"K-kahit bukas na sila umalis, okay lang. Willing to wait."
Hindi kaya ng hiya ko na ipakita kina Ma'am Ingrid at Sir Ala na dis oras ng gabi ay nagagala ako sa mansion nila. Worst, baka malaman pa nilang sa kwarto ako ni Arkanghel galing. Ihuhulog ko na lang siguro ang aking sarili sa hagdan nila kapag nangyari iyon.
Kumulog nang malakas sanhi para mapaigtad ako sa pagkakatayo. Lumingon si Arkanghel sa akin. Sakto na kumidlat at pumasok ang liwanag mula sa sliding glassdoor. Malamang na nakita niya ang takot at gulat sa ekspresyon ko.
He stared at me for a second before shaking his head. Lumakad siya papunta sa veranda. Inayos niya ang kurtinang bahagyang nakalilis para kung kikidlat ulit ay hindi hindi na magre-reflect dito sa loob ang liwanag.
Nang humakbang siya pabalik sa kinatatayuan ko ay nagkunwari akong patingin-tingin sa paligid. "Laki ng kwarto mo, no. Di ba nakakatakot?"
Hindi niya ako pinansin.
"Come," malumanay na tawag niya sa akin pagkatapos ay hinuli niya na naman ang pulso ko para hilahin ako.
"Dito na lang ako..." sabi ko pero nagpahila ako sa kanya. Nawalan na ako ng lakas bigla. Ang init kasi ng palad niya.
Dinala niya ako sa kama at pinaupo sa gilid. Nakatingala ako sa kanya habang siya ay nakayuko sa akin.
"I don't have a Netflix subscription but I have an internet."
Naalala ko ang sinabi ko sa kanya kanina tungkol sa balak sana naming gawin ni Art.
Mabilis akong umiling. "Hindi na. Hihintayin ko na lang talaga iyong parents mo na antukin tapos babalik na ako sa guestroom."
"Okay."
Inilapag ko ang phone ko sa bedside table niya. Nahuli ko siyang sumulyap doon bago casual na nag-iba ng tingin.
"Arkanghel, baka pwedeng sa sofa na lang ako maghintay? Dito ka na sa kama mo para makatulog ka na ulit..."
"Nasira na ang tulog ko, mamaya na ulit ako aantukin." Tumalikod na siya at lumakad patungo sa workplace niya kung saan naroon ang minimal desktop setup.
Ganoon pa rin pala siya gaya nang dati. Kapag kasi naiistorbo ang tulog niya noon, matagal na ulit siya bago antukin. May mga bagay pa rin pala talaga sa kanya na hindi nagbago.
"Basta kapag inantok ka, pwede naman ako sa sofa..." pahabol ko.
Nakakahiya kasi na dito pa talaga ako sa kama niya.
Hindi naman siya sumagot.
Pagkatapos niyang isuot ang specs na kinuha mula sa drawer ay naupo siya sa ergonomic desk chair at in-on ang Apple desktop. Ilang sandali lang ay busy na siya sa harapan ng flat screen monitor.
Wala sa loob na umayos ako nang pagkakaupo sa kama. Nakalaylay ang mga binti ko sa sahig habang nakasandig ako nang patagilid malapit sa headboard. Ni sa hinagap ay hindi ko na-imagine na makakatungtong ako sa kwarto niya. Dito pa mismo sa kama niya.
I supposed to feel awkward. Nakapagtataka na hindi ganoon ang nararamdaman ko ngayon. Komportable ako. Ni hindi ko nga namalayang kinuha ko na ang isa niyang unan at ngayon ay yakap-yakap ko na sa aking mga braso.
Maging ang mabangong amoy ng kwarto ni Arkanghel ay napaka-komportable.
Nakasunod ako ng tingin sa kanya sa bawat galaw niya. Since nakatalikod siya sa gawi ko ay malaya kong siyang napagmamasdan nang hindi niya alam. Sumandal ako sa headboard ng kanyang kama habang nakatingin ako sa kanya.
Sobrang busy niya na kahit hating gabi o bumabagyo, work pa rin ang iniisip niya. Kahit naman noon ay workaholic na siya, mas grabe nga lang ngayon. Sabagay CEO na siya ng isang malaking company.
I wonder kung may pahinga pa ba siya. Kilala ko siya kung gaano siya kasipag kaya malamang na palagi niyang isinusubsob ang sarili sa trabaho. Wala man lang yata siyang nakakatulong dahil mukhang happy-go-lucky iyong kapatid niyang salot.
Pareho kaming tahimik lang at walang imik sa bawat paglipas ng mga minuto. Wala rin naman kasi kaming pag-uusapan. Hindi na rin naman na kami close na katulad noon.
Hindi ko na naorasan kung gaano ako katagal na nakamasid kay Arkanghel. Basta nakamasid lang ako sa kanya kahit pa likod lang niya, malapad na balikat at makinis na leeg ang nakikita ko mula sa anggulong ito.
Hindi ko na matandaan kung ano ang sumunod na nangyari. Naalimpungatan na lang ako na parang may nagtataas ng mga binti ko. Umangat ang katawan ko at may matitigas at mabangong braso na bumuhat sa akin.
Sa loob ng ilang taon, ito lang ang masasabi kong payapang tulog. Magaan ang pakiramdam ko hindi dahil sa malambot at malaki ang kamang kinahihigaan ko, kung hindi dahil wala akong nararamdamang kulang.
Napadilat ako nang marealized na wala ako sa kwarto ko sa Cavite o sa studio type apartment ko sa Pasig. Pagdilat ko ay ang malawak na grey ceiling ang sumalubong sa akin.
Napanganga ako sa realization. Nakahiga ako sa ibabaw ng kama ni Arkanghel at nakatulog nang mahimbing! Paano nangyari iyon e nakaupo lang naman ako kanina sa pagkakatanda ko?!
Napalingon ako sa workspace niya, wala na siya roon at nakapatay na rin ang desktop.
Paglingon ko sa aking kabilang gilid ay mahaba akong napasinghap. Nandito sa tabi ko, dito mismo sa kama, nandito si Arkanghel! Tumabi siya sa akin!
Nakahiga patihaya, walang kakilos-kilos, may damit naman, nakapatong ang isang braso sa noo habang nakapikit.
Agad kong ichineck ang sarili ko. Wala namang kakaiba maliban sa mukha akong lumpia dahil balot na balot ako ng kumot. Nasa akin yata ang lahat ng kumot kaya pala hindi ako giniginaw. May yakap din akong unan kaya rin ang sarap ng tulog ko. Tapos hindi messy ang buhok ko dahil nakaayos ito pataas sa unan.
Nang tingnan ko ang bintana ay lumalagos sa nakasaradong kurtina ang liwanag mula sa labas. Umaga na. Inumaga na ako sa sobrang sarap ng tulog ko.
Muli kong nilingon sa tabi ko si Arkanghel. Wala siyang kumot pero hindi naman siya mukhang nilalamig. Sanay na siguro siya sa lamig dahil ang tagal niyang nag-stay sa US.
Marahan akong bumangon. Dahan-dahan para hindi siya magising. Wala akong balak gisingin siya. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya.
Wala akong maisip na pwedeng sabihin kaya pinakatitigan ko na lang siya. Malamang ito na rin iyong last na magagawa ko ito kaya pinagbigyan ko na ang sarili ko. Wala namang malisya.
Pinakasilip ko ang mukha niya dahil natatakpan ng braso niya ang ang kanyang noo. Malalim ang paghinga niya, mukhang masarap din ang tulog. Anong oras kaya siya magigising?
Wala ba siyang morning routine like pag-gym? Pagbabasa ng newspaper o... Namilog ang mga mata ko nang mula sa katawan niya ay bumaba ang aking paningin sa nakabukol sa pajama niya. Mabilis ko 'yung tinakluban ng unan.
Mahinang napaungol si Arkanghel pero hindi naman siya nagising. Good thing. Ayaw ko siyang magising.
Mabuti na lang hindi ako tumili. Mabuti na lang natakpan ko agad iyon ng unan. Mga lima. Hanggang dibdib kasi ay nilagyan ko siya ng unan.
Umalis ako sa kama ikinumot sa kanya ang kumot. Wala pa rin siyang kakilos-kilos. Gaya pa rin nang dati, mantika. Kung kukurutin ko kaya siya, hindi pa rin kaya siya magigising?
Ipinilig ko ang ulo ko. Kung anu-ano ang naiisip ko. Bakit ko siya kukurutin e hindi naman kami close? Saka itsura niya. Hindi ako nakikipag-close sa mga suplado.
Lumabas na ako ng kwarto ni Arkanghel. Mabilis akong bumalik sa guestroom at nagbihis. Pagkatapos ay bumaba na agad ako sa sala ng mansiyon.
Sa bukana ng hagdan ay naririnig ko na ang boses ni Art. Mukhang kakauwi lang ng salot. Pagbaba ko ay naroon na nga siya kasama ang kanyang mommy at daddy.
Nasa malaking sofa si Ma'am Ingrid at sa tabi niya ay parang pusang nakasiksik si Art na akala mo hindi binata. Parang bata ang lalaki kung makayakap sa ina. Hindi ko alam kung anong problema niya at nag-iinarte siya diyan.
"Tigilan mo ako, Artemi!" iritado ang boses ni Ma'am Ingrid habang itinutulak palayo ang mukha ni Art.
"Mom, it's not a drag race, okay?!"
Si Sir Ala ay nasa lazy boy chair at nagka-kape. Parang walang pakialam sa paligid niya.
"Mahal, naiinis na ako rito!" reklamo ni Ma'am Ingrid. Halata ang asar sa maamong mukha. "Aalis-alis kagabi, alam namang may bagyo, 'tapos ngayon mangungulit na nasira na naman kotse niya! Akala naman yata di ko alam na gusto lang nitong bumili ng bagong kotse pangarera!"
"Art," malumanay lang ang boses ni Sir Ala nang magsalita, pero dama roon ang kaseryosohan.
Saka lang naman humiwalay si Art kay Ma'am Ingrid. Tumayo ang salot at nakasimangot na namulsa sa suot na jeans.
"Ahg!" Napahilamos siya sa kanyang mukha. "Fine! Fine, mag-aalmusal na nga lang ako." Bubulong-bulong siya.
Nang mapatingin siya sa akin ay biglang nabura ang pagkaka-simangot niya.
"Good morning, Ate!" Masya siyang lumakad palapit sa akin.
Malayo palang ay amoy na amoy ko na sa kanya ang kumapit na perfume ng babae. Hindi perfume ni Ma'am Ingrid dahil masyadong matamis ang amoy nito. Mukhang naging busy ang Art na ito sa lumipas na magdamag.
Matalim ang titig ko sa kanya nang makalapit siya. Kung wala nga lang rito ang parents niya ay baka sinalubong ko na siya ng sakal.
Nang marinig ni Ma'am Ingrid na tinawag ako ni Art ay napalingon siya sa gawi ko. "Gising ka na pala, Sussie. Pinakatok kita kanina sa guestroom, ang kaso tulog ka pa yata kaya hindi mo narinig."
Napakagat-labi ako dahil ayaw kong magsinungaling. Hindi ko naman din pwedeng sabihing wala talaga ako sa guestroom dahil nasa kwarto ako ng panganay niya.
"Mommy, di kayo dapat nangangatok. Malay niyo, masarap tulog ni Ate Sussie e di naka-istorbo pa kayo," ani Art sabay akbay sa akin.
Napapikit na lang ako nang mariin sa sobrang pagtitimpi kay Art. Pasimple ko na lang siyang siniko sa matigas niyang sikmura. Napaubo siya.
"Nandito naman na si Sussie, sabay-sabay na tayo mag-breakfast." Nilapitan ni Ma'am Ingrid ang gwapong asawa at hinila sa kamay.
Nagpahila naman si Sir Ala at masuyong kumabig ang braso sa maliit na bewang ni Ma'am Ingrid. May mainit na damdaming pumupuno sa aking dibdib habang nakamasid ako sa kanilang mag-asawa.
"Ay si Kuya," naalalang puna ni Ma'am Ingrid. "Tulog pa ba? Hindi rin daw sumasagot kay Manang nang pinakatok ko kanina."
"Baka mas masarap tulog," si Art ang sumagot.
Hindi ako umimik at baka makahalata pa si Art na nagtagumpay ang maitim niyang plinano kagabi.
"May pasok ba sa office ngayon si Kuya, Mahal?" tanong ni Ma'am Ingrid sa asawa.
"I don't know," tipid namang sagot ni Sir Ala.
Ang galing naman ng daddy ng pamilya, masyadong matipid sa salita. May pinag-iipunan yata.
"Hayaan niyo na si Kuya Aki." Kumindat si Art sa akin. "Baka pagod."
Nang hindi na nakatingin sina Ma'am Ingrid ay siniko ko ulit si Art sa sikmura.
Nagpatiuna ako pasunod sa parents niya sa kusina. Tatawa-tawa naman siyang humabol sa akin at umakbay na naman.
Pagkarating sa dining table ay pumormal na si Art dahil sinimplehan siya ng tingin ng daddy niya. Mabuti nga kasi ang ligalig niya e.
Dumaan ang mga minuto na hindi dumating si Arkanghel. Nakakain ako nang maayos dahil hindi ako nakaramdam ng pagkailang.
Si Art ay busy sa phone niya habang ngumunguya. Sina Ma'am Ingrid at Sir Ala naman ay parang may sariling mundo. Sinasandukan pa ni Ma'am Ingrid ng pagkain si Sir Ala.
Biglang nag-ring ang phone ni Art. Natataranta siyang tumayo para sagutin ang tawag. Nagsabi siya sa akin na hintayin ko siya pero wala akong balak maghintay sa kanya.
Nang sa tingin ko ay pwede na akong magpaalam na umuwi ay nagpaalam na ako. Pumayag naman si Ma'am Ingrid dahil nakita niya sa akin na gusto ko na talagang umuwi.
"Si Chino na ang maghahatid sa 'yo," sabi niya at inutusan ang isang kasambahay na ipatawag ang kung sino mang Chino na tinutukoy niya.
"Tara, Ma'am," magalang na iginaya ako ng kasambahay nila patungo sa garahe. "Kinukuha lang po ni Kuya Chino ang susi."
"Okay, salamat po." Sumunod ako sa garahe. Binilisan ko para hindi na makasunod si Art.
Paglabas ng garahe ay nagbeep ang phone ko sa loob ng aking bag. Kinuha ko iyon at ichineck. Si Hugo.
Gorgeous Hugo:
Just woke up. Dito ko sa condo ko sa QC. Hindi na ako nakauwi kagabi dahil may bagyo. Ikaw, san ka? Pumasok ka ba? Puntahan kita.
Magtitipa palang ako nang reply nang lumabas ng pinto si Ma'am Ingrid. "Are you sure na gusto mo na talagang umuwi, Sussie? Pwede namang after lunch na?"
"Hindi na po, Ma'am," magalang na sagot ko. "May work pa rin po kasi ako mamayang gabi kaya kailangan ko nang umuwi."
"All right." Tumango-tango siya at inabot ang kamay ko upang marahang pisilin. "Ingat ka. Salamat ulit sa pagpunta mo."
"Thank you rin po, Ma'am."
Nang dumating na ang driver ay bumalik na sa loob ng mansion si Ma'am Ingrid.
"Ma'am, ako po si Chino. Ako po ang maghahatid sa inyo sa Pasig." Bata-bata ang driver na lumapit sa akin. Parang nasa mid thirties lang siya. Bigotilyo, malusog at mukha namang mabait.
Nagpaalam siya na kukunin ang kotse na gagamiting panghatid sa akin.Nagbeep ang phone ko. Si Hugo ulit.
Gorgeous Hugo:
Ano, san ka nga? Driving to your place.
Hindi pa ako nakakaisip ng sagot ay may panibagong message na naman siya.
Gorgeous Hugo:
Lapit na ako. Kung wala ka, hintayin na lang kita sa labas ng apartment mo.
Ang bilis naman niya kung malapit na siya agad. Wala na akong magagawa dahil papunta na si Hugo. Saka siguro naman e saglit lang siya at aalis din kaya hinayaan ko na. Nagtipa na ako ng reply.
Me:
Sige.
Naghintay ako kay Kuya Chino habang nakatayo. Ilang saglit lang ay may pumaparada nang itim na Jaguar sa harapan ko.
Nang bumukas ang bintana sa gilid ay ang nakangiting mukha ni Kuya Chino ang nakita ko. "Sakay na po kayo, Ma'am."
Sa backseat sana ako sasakay ang kaso ay may trauma na ako. Baka kasi mangyari na naman iyong wala akong kamalay-malay na iba na pala ang driver ko sa harapan.
Kahit pa maliwanag ngayon dahil umaga, ayaw ko pa ring umupo sa backseat. Nag-desisyon ako na sa passenger's seat sa harap sumakay.
Pagkapasok ko ay nilingon ko si Kuya Chino. "Okay lang po ba rito ako sa tabi niyo?"
"Syempre naman po, Ma'am. Kayo po ang masusunod."
Ngingitian ko sana siya nang mapatingin ako sa pinto ng mansion. Lumabas kasi mula roon si Arkanghel. Bagong paligo siguro dahil mukhang basa pa ang kanyang magulong buhok. Ang suot niya ay T-shirt na kulay grey at sa pang-ibaba ay dark jeans.
Saan kaya siya pupunta? Hindi naman siguro sa office dahil cassual lang ang damit niya at halatang hindi pa siya nakakapagsuklay man lang.
Iiwas na sana ako ng paningin nang bigla siyang lumakad patungo sa kotseng kinaroroonan ko. Huminto siya sa harapan mismo.
Bakit? Anong problema niya?
Kinatok niya ang hood ng kotse kaya napatingin din sa kanya si Kuya Chino.
Mabilis namang nagbukas ng bintana sa tabi si Kuya Chino. "Bakit po, Sir Aki?"
Umikot sa tabi si Arkanghel at yumuko para makausap si Kuya Chino.
Nagulat na lang ako nang bumababa na sa kotse si Kuya Chino. Hindi ako makahinga sa kaba lalo na nang si Arkanghel na ang umupo sa driver's seat.
Bakit siya nandito? Siya ba ang maghahatid sa akin sa apartment ko? Nakagat ko ang ibaba kong labi nang i-start niya na nga ang kotse.
Tumingin siya sa akin sa rearview mirror. "Do you mind?"
JF