.....

35 1 4
                                    

Sa tuwing magtatagpo ang aming mga tingin, ako ang unang umiiwas. Kung hindi ako titingin sa ibang direksyon, ipinipikit ko ang aking mga mata ng ilang segundo. Sa mga sandaling iyon, inaalala ko ang nakalipas at kasabay ng ngiting mabubuo sa aking mga labi ay ang patak ng luhang kusang babagsak mula sa aking mga mata.

Gusto kong sabihing, 'ayos lang ako hangga't masaya siya'. Ngunit, hindi ko talaga kaya. Ngayong normal na ulit and kanyang buhay, gusto kong ako pa rin ang kasama niya; gusto kong ako pa rin ang mahal niya; pero higit sa lahat, gusto kong kahit saglit ay sumagi pa rin ako sa isipan niya.

Palagi ako sa kainan na ito. Hindi naman dahil paborito ko dito o dahil malayo ito sa matataong lugar. Hindi din dahil masarap ang pagkain o maayos makitungo ang mga nagta-trabaho dito. Palagi ako dito dahil sa iisang rason... Ang makita ang taong mahal ko.

Sa parehong upuan, lamesa, at pwesto siya palaging nag-aabang tuwing sabado. Iisa ang binibili niyang inumin. Kape. Hindi masyadong matamis at hindi din masyadong matapang. Alam na ng mga nagta-trabaho kung ano ang timplang gusto niya. Habang hindi pa niya nauubos ang kanyang kape, maglalaro siya sa kanyang cellphone. Nagpapalipas ng oras. At kapag naubos na niya ang kape, saktong darating ang kanyang nobya.

Nobya.

Dati, ako ang taong iyon. Ang taong masasabi mong mahal niya. Pero ngayon, bukod sa hindi na nga ako ang kasama niya, hindi na din niya kilala kung sino ako.

Ano nga ba ang aming nakalipas? Paano nagsimula ang lahat at paano humantong sa ganito?

Kaklase ko siya sa isang subject noong nasa kolehiyo ako. Hindi kami pareho ng kursong kinukuha ngunit, dahil sa general subject na iyon, nagkakilala kami at hindi kalaunan, nagka-igihan.

Naging katabi ko siya sa upuan. Pakiramdam pa niya malapit kami sa isa't isa at palagi siyang nakikipagkwentuhan, nagtatanong, at humihingi ng bolpen, papel, o kendi sa akin. Noong una ay ilang ako sa kanya sapagkat hindi ko nais ang pakikipag-lapit niya sa akin. Pakiramdam ko magkaibang-magkaiba kami at umaasa lang siya sa akin para sa kanyang grado. Nagkamali ako. Marami pala kaming pagkakapareho at dahil doon, gumaan din ang loob ko sa kanya. Hindi siya yung tipo ng estudyante na umaasa lang sa ka-grupo kaya naman nagustuhan ko din ang palagi niyang pag-hatak sa akin para maging magkasama kami sa mga proyekto. Naging kaibigan ko siya at hindi lang 'yun nagsimula at nagtapos sa isang semestreng naging mag-kaklase kami. Kahit sa mga lumipas na semestre na wala na kaming subject na mag-kasama, nagkikita pa din kami at gumagala o kung ano mang maisip na gawin para magkatuwaan. Hanggang sa nagtapos kami at nagkatrabaho ay malapit pa din kami sa isa't isa. Minsan nga inaasar na kami ng mga kaibigan namin. Bagay na bagay daw kami dahil alam na namin ang timpla ng bawat isa. Para sa akin may halong kirot ang mga birong iyon. Lalaki ako at lalaki din siya. Pagbibiro nga naman ng tadhana.

Para sa'kin, kuntento na ako na magkaibigan kami. Alam ko namang walang masayang kahahantungan kung magiging higit kami roon. Hanggang sa isang araw na lumabas kami para sana pumili ng magiging bagong tirahan niya.

"Ano sa tingin mo? Maganda ba?"

Tumingin siya sa akin at ngumiti.

"Oo. Saka, malapit pa ito sa opisina niyo."

"....At sa opisina mo."

Hindi ko nga napansin na malapit nga itong lilipatan niya sa opisina ko.

"Ahh... Oo nga. Pero hindi ba masyadong malaki ito para sa'yo?"

"Hindi lang naman kasi para sa akin ito."

Sa tono ng pananalita niya, kinabahan ako. Kumikirot ang puso ko. Ayokong isipin ngunit parang alam ko na saan hahantong ang usapang ito.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jun 09, 2017 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

...Where stories live. Discover now