KABANATA 3

285K 4.3K 157
                                    

KABANATA 3

BLAKE

Habang nasa canteen kami ng mga kaibigan ko at patambol-tambol ako sa lamesa gamit and dalawang lapis, rinig na rinig ko 'yung malakas na tawa nitong si Tina na. Ang sakit niya sa tenga.

"Oo! Nakakatawa talaga 'yon! Sinusubaybayan ko kaya 'yon! Oo tama! Oo! 'Yung scene na 'yon! Favorite ko 'yon! Ang kulit kasi ng bestfriend ng bida!" Ang lakas ng boses ni Tina. Kulang na lang malaman ng buong school lahat ng palabas sa TV na pinapanood niya. Kung hampasin pa niya 'yung kausap niya, parang mapipilasan na ng balikat sa sobrang lakas.

"Hoy Blake, balita ko babae raw 'yung roommate mo? Maganda ba? Ha? Pre, sexy ba?" Nagulat ako nang magtanong si Justin. Paano niya nalaman na lumipat na 'ko ng bahay?

"Oo nga pare. Pakilala mo naman kami," hirit naman nitong si Pete.

"Pupusta ako pare nakuha na ni Blake 'yon. 'Tong si Blake pa! Ang bilis pagdating sa babae." Ano'ng pinagsasasabi nitong si Justin? 'Di ako mabilis sa babae dahil kahit hindi ako kumilos, babae na ang lumalapit sa akin. At kung alam lang nila, wala akong balak patulan 'tong si Tina. Wala akong balak na magkaroon ng pangalawang ina. Mas malala pa siyang manermon kaysa kay Mommy. Konti na nga lang papantay na siya kay Dad dahil sa lahat na lang ng bagay may reklamo siya.

"Sino naman nagsabi niyan sa inyo?"

"Si Tommy," sabay nilang sagot. Loko talagang Tommy 'yon. Binilin ko sa kanya na 'wag niyang ipagsasabi, dahil ayokong malaman nitong dalawa kung sino'ng kasama ko dahil matinding pang-aasar ang aabutin ko sa kanila.

"Ang kati talaga ng dila niyang si Tommy. Oo pare, maganda, ang laki pa ng ano..." sumensyas ako sa dibdib, "...matangkad 'tsaka parang labanos sa puti ng roommate ko, pero sorry mga 'tol akin na 'yon, kaya 'di ko ipapakilala sa inyo."

Sa gitna ng usapan namin biglang dumating si Tommy at naupo sa harapan ko. "Nandyan lang si Tina, bakit 'di mo na lang ipakilala sa kanila?"

"Pare, panira ka talaga!" Sinigawan ko si Tommy.

"Bakit ba kasi ayaw mo ipaalam sa kanila? Okay naman si Tina. Maingay lang pero ayos naman."

"Sino bang Tina 'yan? Nasaan?" Tumayo pa si Justin at nilibot ang tingin sa loob ng canteen.

Pagkaturo ni Tommy sa kanila kung nasaan si Tina, ito namang si Tina biglang tumawa nang malakas na halos makita ko na 'yung ngala-ngala.

"Blake iba na ata ibig sabihin ng matangkad at maputi sa 'yo." Maliit kasi talaga si Tina 'tsaka morena. "Sa isa ka lang ata tumama. Malaki nga... malaki 'yung bibig niya," sabi ni Pete sabay tawa.

"Huwag kang ganyan Pete. Mukhang masaya naman si Blake sa kanya. Halos perfect na sa paningin niya eh. Blake, in love ka 'no?" sabi ni Justin habang nakaakbay sa 'kin.

"Magtigil nga kayo. Pansamantala lang 'to. Hindi ko pagtyatyagaang makasama nang matagal 'yang babaeng 'yan. Umaga pa lang ang ingay-ingay na. Araw-araw ata kaming nagtatalo niyan."

"Huwag kang magsalita nang tapos Blake. Sabi nga nila, the more you hate, the more you love. Baka malaman na lang namin, kayo na," gatong pa nitong si Tommy.

"Yan?! 'Di na." Pailing-iling kong sagot.

Nagtatawanan sila nang mag-ring ang phone ko.

"Hello. No, I'm not coming back. I can't stay there. No, erase that. I don't wanna stay there. I'm sorry. Don't worry about me. I'm okay. I can take care of myself. Yeah, I love you too."

"Mommy mo?" Tanong ni Justin pagkatapos naming mag-usap ni Mommy.

"Yeah. Pinababalik na 'ko sa bahay pero ayoko. 'Di ko talaga matagalan si Dad. Okay naman 'yung grades ko last sem. Hindi naman bagsak. Hindi lang talaga siya marunong makuntento, tapos nalaman pa niya 'yung tungkol sa gigs natin. Ayun, nagalit. Mag-banda na lang daw ako at tingnan ko raw kung kaya akong buhayin ng katiting na kita sa pagtugtog," inis na sabi ko. Kapag naaalala ko na kinuha niya lahat sa 'kin; 'yung condo, kotse, credit card, naiisip ko na gusto niya talagang mahirapan ako. Nag-iisang anak nila 'ko, at alam kong sobrang taas ng expectations ni Dad sa 'kin, pero sana maintindihan niya na binibigay ko naman lahat ng kaya ko.

Living Under The Same Roof (The Hottie and The Promdi)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon