Pagsibol

2.4K 147 52
                                    

Musmos pa lang ako noon. O maaari ring sabihing batang isip pa. Wala pang ibang iniisip kundi magsaya, na tila ba ang mundo'y punong-puno ng kulay. Pero hindi ko inaasahan na sa panahong iyon, may nunukal na damdamin mula sa aking puso. Isang damdaming hindi ko pa nararamdaman simula nang ako'y isinilang.

Sa panahong iyon ko rin nalaman na hindi lahat ng batang tulad ko, ay mapalad sa buhay.

Noong mga panahong iyon, ako ay tumungtong sa ika-limang baitang ng pagaaral ko sa elementarya. Doon sa paaralang naging malaking parte ng aking buhay. Doon sa paaralan kung saan una kong nasilayan ang babaeng nagturo sa akin kung paano magmahal nang tunay.

Doon nagsimula ang lahat...

Ayan na naman sila. Lagi na lang silang ganyan. Palagi nilang inaaway si Sara. Wala talagang magawa ang mga kaklase ko. Hindi man lamang pumasok sa kanilang isipan na nakakasakit na sila ng damdamin. Hindi ko alam kung bakit pero, halos lahat ng kaklase ko, galit sa kanya. Sabi ng isa kong kaklase, siya raw ay masungit at hindi namamansin, masama rin daw ang kanyang ugali at di nila mapakitunguhan nang maayos. Pero sa kabila ng lahat ng pang-aasar nila kay Sara, kahit kalian, hindi ko pa siya nakitang umiyak. Sa halip ay nilalabanan pa niya ang mga ito. Minsan pa nga ay sinapak niya ang isa sa aking mga kaklase. Doon ko naisip na siya ang pinakamatapang na taong nakilala ko.

Mahaba at maganda ang kanyang buhok. Ang kanyang kutis ay parang perlas sa pagkaputi. Meron siyang mapupungay na mata, matangos na ilong at mapulang labi. Meron siyang matapang ngunit napaka-among mukha, at pag inyo siyang nasilayan, masasabi ninyong para siyang isang prinsesa na ubod ng ganda. Pero ang kagandahang iyon ay di napupuna ng aking mga kaklase, ang tangi nilang napapansin ay ang mga sira-sira niyang mga gamit pang-eskwela na nakasilid lamang sa plastik sa halip na nasa bag, at ang kanyang kupas na unipormeng mukhang hindi nadadapuan ng plantya sa dami ng gusot.

Huli siya kung pumasok sa aming klase dahil sa kadahilanang walang ni isa sa amin ang nakaka-alam. Huli rin siya kung umuwi. Lahat kami ay mayroon nang sundo at papauwi na sa kani-kaniyang mga bahay ngunit siya ay nasa loob pa rin ng klase, nag-iisa. Dahil doon, kahit isang beses ay hindi ko pa nakita ang kanyang mga magulang.

Isang gabi, naglalaro kami ng mga kaibigan ko ng taguan. Nagpasya akong magtago sa isang dyip na hindi kalayuan mula sa aming bahay. Lilbib kasi ang lugar na iyon at hindi gaanong puntahan ng mga tao. Papasok na sana ako nang may narinig akong umiiyak na nanggagaling sa loob ng dyip. Nagulat na lang ako nang silipin ko kung sino iyon.

Si Sara.

Ang akala kong pinaka-matapang na taong nakilala ko, sa unang pagkakataon, nakita kong umiyak.

Hindi na ako nakatiis at nilapitan ko na siya. Napatda siya nang nakita niya ako, napayuko rin siya dahil sa hiya. Alam kong pinipilit niya, ngunit hindi niya kayang pigilan ang pag-agos ng mga luha niya mula sa kanyang mga mata hanggang sa kanyang mapupulang pisngi. Umupo ako sa kanyang tabi at tinangan ko ang kanyang mga kamay at sinabing, "Ok lang yan. Wag kang mahiya sa akin. Di mo na kailangan pang magsalita. Umiyak ka na lang nang umiyak hanggang wala ka nang luha pang iiiyak. Ilabas mo ang lahat ng iyong hinanakit, nandito lang ako.". Tumahan sya at nagtagpo ang aming mga mata. At pinamalas nya ang pinaka matamis na ngiting hindi maipipinta.

Doon nagsimula ang pagsibol ng aming matalik na pagkakaibigan.

Masaya pala siyang kasama. Sa tinagal-tagal ko siyang nakilala, sa wakas, narinig ko na rin siyang tumawa. Nakakagaan ng loob ang makita siyang nakangiti. Ako na ang nagsilbing taga-pagtanggol niya mula sa aming mga kaklase. Hindi ko alintana kung ano man ang isipin nila sa akin, dahil gusto ko siyang maging kaibigan. Dahil nung panahon na iyon, nakita ko na ang lahat ng magagandang katangian niya na hindi nakikita ng iba. Dahil nung panahon na iyon, nahuhulog na ang loob ko sa isang babae, sa unang pagkakataon...

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 27, 2016 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Si Sara (To be Published Din. Naks Talaga)Where stories live. Discover now