Red and Lavender's Blue

18 5 0
                                    

Title: Red and Lavender's Blue

Isinulat ni: PrinsesaAhli

Main Genre: Romance

Sub Genre: Drama

Significan words chosen: Freedom, Cultural Norms, Chastity

"Teka, teka. Palitan natin iyang pera mo. Mas marami itong hawak ko kaysa riyan. Promise, tingnan mo pa."

"Papaanong naging mas marami iyan? Saan ba nalalaman? Sa kulay ba?"

"Sa bilang ng papel, Vina. Tingnan mo, lima ito at isa lang iyan."

Kakaunti lang ang tao sa karinderya nang mga sandaling iyon kaya malinaw sa pandinig ni Saddam ang usapan, idagdag pa na malapit lang sa kinauupuan niya ang dalawa. Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit bigla siyang nakaramdam ng kakaiba. Bukod sa mali ang sinabi ng huling narinig, may nagtutulak sa kaniya na lumingon at lumapit. Alam niyang hindi maaari iyon dahil masama ang sumali sa usapan ng iba kaya minabuti na lang niyang kuhanin ang kutsara sa platong nasa harap at ituloy ang pagkain.

"Oo nga, ano? Sige, palit tayo."

Hindi na niya napigilan ang sarili. Inilagay niya ang kutsara sa plato at lumingon sa kaliwa. Mula sa kinauupuan, nakita niya ang dalawang babaeng kapwa may hawak na pera at halos lumabas ang kaniyang puso nang mapatingin sa isa. Nakaupo ito at hindi niya matingnan nang maayos ang mukha dahil tumatabon ang ilang hibla ng nakalugay nitong buhok.

Bagama't iyon pa lang ang nakikita, hindi niya na kinakaya ang pakiramdam kaya minabuti niyang ibaling ang mata sa kamay nito. Doon ay nakita niyang may hawak itong perang papel na kulay dilaw at mistulang iaabot sa kausap na kahel naman ang hawak. Gusto na niyang lumapit ngunit mistulang naistatwa siya sa kinauupuan at wala na lang nagawa kundi manood sa mga nangyayari.

Ilang Segundo ang lumipas at nagkapalit na ng hawak ang dalawa. Tumayo na rin ang isa at tumakbong tangay-tangay ang limang daang piso. Doon niya natanto na sinamantala ang kainosentehan ng babaeng sa tingin niya ay nagngangalang Vina. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ito kasakit sa kaniya. Pakiramdam niya ay paulit-ulit siyang sinasaksak sa dibdib at kasalanan niya ang lahat dahil hindi niya pinigilan ang pagpapalitang naganap.

Walang anu-ano, tumayo siya at mabilis na naglakad papunta sa kinauupuan ng babae. Hindi niya malaman kung ano ang unang sasabihin dito kaya tumayo siya sa kanan nito at inilahad ang kaliwang kamay. Nakita niya ang paglingon nito na naging dahilan upang otomatiko siyang mapangiti nang malawak. Laking tuwa niya nang ngumiti rin ito ngunit halos mapako naman siya sa kinatatayuan nang magtama ang kanilang mga mata.

Nang mga sandaling iyon, hindi niya na malaman ang gagawin. Nilalamig ang kaniyang buong katawan, idagdag pa ang mabilis na tibok ng puso. Gustuhin man niyang mag-iwas na ng tingin, hindi niya ito magawa. Para bang gusto na lang niyang tumingin sa mga mata nito kahit na natatakpan pa rin ito ng ilang hibla ng buhok. Mistula ring tumigil ang oras at wala na siyang marinig sa paligid. Hindi niya tuloy maiwasang itanong sa sarili kung ganoon din ang nararamdaman ng kaharap.

"Vina, tara na at baka mabembang ka pa ni Inay!"

Ang boses ng isang lalaki ang nakapagbalik sa kaniya sa riyalidad. Kumalas na siya sa titigan at dali-daling dinukot ang pitaka sa bulsa ng pantalon. Muli niyang ibinaling ang mga mata sa kamay nito upang magpapansin ngunit namatiling tahimik ang huli. Hindi niya alam kung bakit ngunit bigla siyang nakaramdam ng lungkot dahil doon.

Bago pa man tuluyang makalabas ng karinderya, mabilis siyang umalis sa kinatatayuan upang sundan ito at hinila ang braso gamit ang malayang kamay.. Nang lumingon ang huli, dahan-dahan siyang humakbang para mas makalapit at hinawi ang buhok nito, dahilan para sumilay ang mukhang nabanaagan niya ng kalituhan.

Red and Lavender's Blue (One-shot)Where stories live. Discover now