Ikaw

13 1 0
                                    

Araw-araw, gabi-gabi, palagi kitang pipiliin. Hindi ako mahilig gumising ng maaga ngunit kung ikaw ang unang masisilayan, akin ding nanaisin. Ikaw ang aking araw, mainit ngunit hindi nakakapaso bagkus ay syang pakiramdam ng haplos at yakap sa panahon ng tag-ulan. Ikaw ang panibagong simula ng maraming pangarap na nabigyang liwanag ng iyong silahis. Nakatitiyak akong palagi kong pipiliin ang umagang gigising sa akin kalakip ang kaalamang ako'y sayo at ikaw ay akin. Bagamat ang gabi'y madilim ay kay dali kong mapanatag, pagkat sa bawat hampas ng hanging malamig ay agad itong nakokontra ng mga haplos mong nagpapahiwatig ng pagkalinga. Diba't kay sarap sa ilalim ng madilim na kalangitan? Lalo na't ang mga mata mo ang nagsisilbing kislap ng gabing ito. Ang mga mata mong may dilat na balintataw na sa tuwing nakabaling sa akin ay para bang nagpapahiwatig ng damdamin mo para sa akin, malawak, dakila, at malalim. Pangahas man akong matatawag ngunit ang mga mata mo ang mga tala ko, mga talang nagsisilbing gabay sa buhay ko. Nakasisigurado akong palagi kong pipiliin ang mga gabing magpapaalala sa akin ng kapanatagan sa aking damdamin.

Mangmang ba akong maituturing kung ihahambing ko ang umagang mainit at gabing tahimik sa mga unang panahon ng pag-iibigan natin? Ang mga panahon kung saan kay sarap masilayan ng bagong umaga nang maaliwalas ang pakiramdam natin para sa isa't-isa? Kay sarap pangarapin na bawat lilipas na gabi ay ang pagbungad ng umagang tayo'y magigising na mainam ang lahat para sa atin. Ganito sana palagi, na kahit ano mang sakit at hirap ang dulot ng kahapon ay nagagawa pa rin nating magpatuloy at ipaglaban ang ngayon. Ngunit batid nating dalawa na ang kwento ng pag-ibig natin ay hindi isang linyang tuwid na papunta lamang sa iisang direksyon, bagkus ay mas angkop na ihalintulad sa mga panahong pabago-bago. Isang araw ay mahinahon, isang araw ay babagyo.

Ano't tila kay dalas ng unos sa atin? Mapa-umaga o gabi, walang tigil ang bangayan natin. "Ayoko na, pagod na 'ko," ang mga huling salitang narinig ko mula sayo. Nais kong tumutol, gusto kong maging matatag at ipaglaban ang meron sa atin. Ngunit mahal ko, hindi kita magagawang pilitin pagkat batid ko sa mga mata mo ang pagod kaya't patawad mahal ko, kung unti-unti ko na palang nauubos ang saya mo. Gusto kong galugadin ang bawat sulok ng dati mong maningning na mata upang sana'y makasilay man lang ng kahit kaunting pag-asa, ngunit ang mga mata mo ngayon ay animong gabi, malamig at madilim. "Sige, magpahinga lang tayo, mahal." Palagi kitang pipiliin, kahit natatakot ang puso ko na baka mawawala ka sa akin. Ang kalangitan ko sa isang iglap lang ay napintahan ng kahel at itim na kulay, kahel na mistulang pumusyaw na pula na para bang unti-unting pagkawala ng pagmamahal mo at itim para sa kung anong mapait na mararanasan ko pagkatapos ng paghaharap na ito. Nakatitiyak akong ito ang ating dapit-hapon, kung saan tayo'y huling beses na magtatagpo bago bumungad ang gabing may dulot ng lungkot at sakit. Ang pagkakataon kung kailan iiwan ng araw ang kanyang kalangitan upang mamayagpag ang nakapangingilabot sa lamig na gabi. Ngunit mahal ko, nais kong manatili. Ikaw ang aking pinili, kaya't kahit na gaanong katagal akong maghintay na ikaw ay bumalik sa ating kalangitan upang masilayan ang bagong umaga ay aking gagawin.

Isang araw pagkatapos ng mahabang panahon na halos puro gabi sa aking pakiramdam ay nakatanggap ako ng isang mensahe. "Magkita tayo," ang sabi mo. Halos tumalon ang puso ko sa ligaya. Ito na ba ang sandaling masisilayan ko nang muli ang umagang kay ganda? Ikaw ang aking pinili at hindi ako nagsisising hinintay kita. Labis ang galak ko nang magtungo sa ating tagpuan, ngunit agad din itong napawi nang makita kong may kasama kang iba sa katabi ng iyong upuan. Pangahas ako pagkat nagawa kong tumalikod at maglakad palayo sa inyo. Ubod ng traydor ng aking mga mata pagkat lumuha sila ng hindi ko namamalayan. Mahal ko, nakalulungkot ngunit ito na ang ating bukang-liwayway, kung saan ikaw ang araw na sisikat at ako ang gabing lilisan. Bagama't liliban, lungkot ko'y naparam na sapagkat sa huling pagkakataon muli kong nasulyapan ang dating kislap ng iyong mga mata. Naisin ko mang tayo'y magtagpong muli na may iisang damdamin, gustuhin ko mang dating mga sulyap ay ibaling muli sakin, pangarapin mang makasama ka hanggang maabot ang mga bituin, batid kong na sa'yo na ang panibagong pag-asa, panibagong pag-ibig at panibagong saya. Kaya bilang iyong dilim, ako'y magpapaubaya na, heto na akong handang bitawan ka, unti-unting lulubog nang sa gayo'y ika'y bumungad na. At sa pag-usbong na ito ay ipadama mo ang init, panatilihin ang kinang at patuloy na mabighani sa dulot na kagandahan ng bagong pag-ibig.

Araw-araw, gabi-gabi, palagi kitang pipiliin. Ikaw pa rin ang aking araw, mananatiling mainit ngunit hindi na para sa akin. Ikaw pa rin ang aking tala, bagamat malayo ay ubod ng ningning. Ikaw pa rin, mahal ko, hanggang sa panibagong umagang ito na ika'y aking palalayain.

One Shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon