Halimuyak ng Digmaan

21 1 0
                                    

Sumapit nang muli ang umaga, at ito ang tamang pagkakataon ng mga puting sorcerer para muling buksan ang kanilang pagsasanay. Alinsunod kasi ito sa bagong patakaran ng kanilang pinuno, kung saan ang mga pagsasanay ng mga naka-hilera sa hukbo ay magsisimula tuwing umaga at magtatapos bago sumilay ang buwan sa himpapawid.

Muli na ring ipinagpatuloy ni Maxim ang paglilinang nito sa kaniyang bagong sandata, lalo na at lubha itong makapangyarihan upang aralin lamang sa loob ng isang araw. Mariin nitong inaalam kung papaano nito mababalanse ang kapangyarihan ng naturang sandata, dahil na rin sa sobrang lakas nito para sa kaniyang kakayahan.

Sa kabilang dako naman sa kabayanan ng kaharian sinasanay ni Hadley ang kaniyang hukbo, ito ay upang higit niya silang malinang nang walang aabala sa kanila. Subalit ang mga ito pala ay pag-aakala lamang, lalo na at ilang sandali lamang ay lumitaw si Brianna sa kaniyang harapan gamit ang itim nitong mahika.

"Kailangan nating mag-usap," bati ni Brianna rito, kasabay ng paglalakad nito papalapit sa kaniya.

"Tungkol saan naman ang ating pag-uusapan?" Pagtataka ni Hadley. "Mukhang napaka-halaga nito para dayuhin mo pa ako rito."

"Tungkol ito kay Orearuva," mabilis na sagot ni Brianna. "Alam ko na ang lahat tungkol sa mga inihahanda niyang plano laban sa'tin."

Saglit na napatigil si Hadley sa kaniyang narinig. Pagtapos ay saka ito naglakad patungo sa mga upuan malapit sa kaniya upang maupo pansamantala, ito ay sa kadahilanang kanina pa sila nagsasanay at hindi pa ito nakakaupo mula kanina. 

Nanatili namang nakasunod sa kaniya si Brianna, ngunit hindi katulad nito ay mas pinili nitong tumayo na lamang. Saglit lang din naman ang kaniyang pakay, kaya minarapat na lamang nito na magsimula nang magsalita.

"Isiniwalat sa'kin ng mga itim na sorcerer ang lahat," wika ni Brianna. "Ibinabalik ni Orearuva ang mga sisellayan sa hinaharap— kaya panandalian siyang naglaho."

"Ano naman ang sisellayan?" Pagtataka ni Hadley. "At teka— papaano mo naman natiyak na tama ang iniulat nila sa'yo?"

"Mahabang salaysayin kung iku-kwento ko pa," sagot ni Brianna. "Ang mahalaga ay malaman mong ibinabalik ni Orearuva ang gumuhong ikatlong kaharian sa Sorceria— ginagawa niya ang lahat para makabalik ang kaniyang mga alagad kagaya ng pagbabalik nung Sixella."

"At sino naman si Sixella?" Pagtataka ulit ni Hadley. "Isa rin ba siyang sisellayan— katunog niya ang ngalang sisellayan."

"Siya kasi ang reyna ng mga sisellayan," tugon ni Brianna. "At mas malala pa siya kay Arthana ayon sa aking nabasa kaya ko sinasabi sa'yo ang lahat."

"Kung gayon ay nakakabahala nga kung may inihahanda sila laban sa'tin," sabi ni Hadley, habang mabagal itong tumatayo mula sa pagkakaupo nito.

"Kailangan nating tunguhin ang batis ng kapangyarihan," mungkahi ni Brianna rito. "Doon daw itinatag ni Orearuva ang kaniyang bagong kaharian— doon pamumunuan nung Sixella ang bagong Sisellaya."

"Mukhang dapat nating dalhin ang Reluvious sa gagawin natin," tugon ni Hadley. "Samahan mo muna ako sa palasyo— dadalhin natin ang Reluvious upang mas handa tayo kung makaharap nga natin ang sinasabi mong Sixella."

Mabilis silang naglaho para iwanan ang pagsasanay ng mga puting sorcerer. Tangka nilang kuhanin ang aklat ng Reluvious sa palasyo, upang kanila itong isama sa kanilang gagawin na misyon upang tukuyin kung tunay ba ang mga tinuran ni Brianna. Nais nilang tiyakin kung tunay nga bang nagbalik na sa kasalukuyan ang mga sisellayan. 

Ang pagsasanay naman ng mga puting sorcerer ay kabaliktaran sa mga sisellayan. Iniutos kasi ng kanilang reyna na hatiin ang kanilang pwersa sa dalawang bilang; ang unang hukbo ay ang magpapatuloy ng mga matitinding pagsasanay, habang ang nalalabing bilang ng hukbo naman ang magsisimula ng lagim sa buong Sorceria.

Reluvious: Ang Sigalot Sa Sorceria ᵇᵒᵒᵏ ᵗʷᵒTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon