Ang Lumang Bahay

5 0 0
                                    


Tuwing umaga na nag dya-jogging ako, napapadaan ako sa isang lumang bahay sa aming subdivision na ayon sa kuwento ng marami ay ang kauna-unang bahay doon. Maraming kuwento-kuwento na may nagmumulto sa bahay na iyon kaya naman kahit natatanaw pa lang niya ito ay nangingilabot na siya. Kahit pa sabihing hindi siya nakasisiguro kung may katotohanan nga ba iyon. Apat taon pa lang naman ang nakararaan nang mabili ko ang loteng kinatitirikan ng aming bahay sa Laguna. Nagawa ko iyong maipundar dahil nag-seaman ako.

Ako nga palasi Edmar, 65, may asawa at tatlong anak. Ang mga anak ko ay puro nakapagtapos nang pag-aaral, may magagandang trabaho na at mayroon na ring pamilya kaya naman kami na lamang ni Agnes, ang pinakamamahal kong kabiyak ang magkasama sa aming tahanan. Kunsabagay, iyon naman ang aming sinumpaan, sa hirap at ginhawa kami ay magsasama.

"Ang layo naman po ng iniisip ninyo," wika ng isang tinig sa tabi ko.

Buong akala ko ay ako lang ang nagdya-jogging ng mga oras na iyon kaya naman labis kong ikinagulat na may kasabay na akong tumatakbo. Ewan ko rin kung para saan ang kilabot na naramdaman ko ng mga sandaling iyon. O baka naman tinatakot ko lang ang aking sarili. Pilit kong kinakalmante ang aking sarili pero parang may sariling isip ang mga balahibo ko, nanatiling nakatayo.

Malamig lang ang panahon, bulong ko sa aking sarili.

Nang sulyapan ko ang babae ay ngiting-ngiti siya sa akin dahilan kaya nakita ko ang malalim niyang biloy sa kaliwang pisngi. Simple lang ang ganda ng babae pero siguradong mapapalingon ka ulit sa kanya dahil inosenteng-inosente ang kanyang mukha.

"Taga-rito ka rin ba?" kunot noo niyang tanong dito. Pinigilan niya ang sariling tanungin kung nagkakilala na ba sila nito dahil pamilyar sa kanya ang mukha nito kaso baka naman isipin nito na gumigimik lang siya. Karaniwan kasi iyon ang istilo ng mga lalaking gustong makipagkilala.

"Sa kabilang subdivision po pero hindi ako makaalis dito."

"Bakit?"

"Hindi pa kasi ako matagpuan ng pamilya ko." Malungkot na malungkot nitong sabi.

"Ano?"

Sa halip na sagutin nito ang kanyang tanong, matamis na ngiti ang ibinigay nito.

"Hindi kita maintindihan, ineng," wika niya. Sa tingin niya kasi ay nasa early twenties lang ito at may suot na isang lumang relo na kilalang-kilala noong 90's. Malaki ang mukha noon at may apat na ngipin. Tapos nakita na lang niyang hinubad nito ang suot na relo at iniabot sa kanya.

"Pakibigay naman po ito sa parents ko."

"Sino ba ang mga magulang mo?" nagtataka niyang tanong.

"Sina Renato at Gracia Lopez po."

Bigla siyang natigilan ng marinig ang pangalan ng mga magulang nito. Taga kabilang subdivision nga ang mag-asawa pero naging kaibigan nilang mag-asawa dahil pareho sila ng religious group na sinasalihan. Sa pagkakaalam niya ay dalawa lamang ang anak ng mga ito. Ang lalaki ay nasa ibang bansa na at ang anak nitong babae ay matagal ng nawawala. Sa kaisipang iyon ay hindi niya napigilan ang mapasinghap. Bigla kasi niyang naalala ang mga larawang ipinapakita ng mag-asawa sa kanilang grupo.

"Para na po ninyong awa hirap na hirap na po ako. Tulungan na po ninyo ako." Iyon lang at tumakbo na ito na para bang may kung anong puwersang humihila rito.

Dahil hawak naman niya ang kanyang cellphone ay naisipan niyang kunan ito. Nagawa naman niya iyon kaya lang bigla itong nawala nang makarating sa tapat ng lumang bahay. Ang plano sana niya ay umikot pa sa isang kalye tulad ng kanyang nakagawian pero nang tingnan niya ang hawak na relo ay parang may nagsasabi sa kanya na may misyon siya na dapat niyang unahin. Kaya, bumalik na siya sa bahay para kausapin ang kanyang misis ngunit may bisita ito – ang mag-asawang Lopez, sina Renato at Gracia.

"Ang bilis mo naman yata?" nagtatakang tanong ni Agnes.

Hindi niya makuhang sagutin ito kahit na iyon naman ang nauna niyang plano. Ang kausapin ito tungkol sa nangyari sa kanya. Oh, pakiwari niya ay hindi niya makuhang mahagilap ang kanyang dila. Basta awtomatikong lumapit siya sa mag-asawa at ipinakita sa mga ito ang hawak niyang relo.

Biglang humagulgol si Gracia. "Kay Patricia 'yan."

"Regalo namin 'yan sa kanya noong 21th birthday niya. Isang linggo bago siya mawala, 5 years ago."

"Saan mo nakuha 'yan?" nagtatakang tanong ng kanyang esposa.

"Ibinigay niya sa akin," wala sa sariling sabi niya, hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin nawawala ang kilabot na nararamdaman niya.

"Saan mo siya nakita?" ani nato, gumagaralgal ang boses.

"Bigla siyang nawala sa may lumang bahay." Nang maalala niya ang kanyang cellphone ay inilabas niya ito para ipakita ang larawan na kinunan at ganoon na lang ang panggigilalas niya dahil hindi isang taong tumatakbo ang kanyang nakunan kundi ... isang kalansay?

Matagal ng walang tao sa lumang bahay dahil ang orihinal na nagmay ari nu'n ay matagal ng pumanaw. Ang anak naman ng mga itong si Favian ay nagpakamatay limang taon na ngayon ang nakararaan. Kaya nga iniwasan ang lugar na iyon dahil pakiramdam ng marami ay hindi ito matahimik kaya laging naroroon.

Ngayon ay nagkaideya si Edmar kung bakit ito nagpakamatay. Siguro ay hindi ito magawang patahimikin ng kaluluwa ni Patricia pero ayaw nitong aminin ang krimen na ginawa kaya pinili na lang wakasan ang sariling buhay.

Samantalang, isang kalansay na nakabaon sa may puno ng narra at ayon sa pagsusuri ay kay Patricia.

Mga Kuwento ni LagimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon