Kabanata 1

798 39 9
                                    

Ang mga ulap sa langit ay tila naghahabulan,
Sensyales na papatak na ang ulan.
Parang pag-ibig na hindi mo mapigilan,
Tumampisaw ka kahit alam mong ika'y masasaktan.

Dagunot nito'y tila kaysarap sa pandinig,
Bawat patak ay piyesa ng himig,
At ika'y sumayaw sa ligaya ng tubig,
Nilangoy mo kung saan ang baha ng pag-ibig.

Tumila ang ulan at ika'y nabalot ng lungkot,
At ang puso mo ay wari'y nakakulong sa laot.
Tumingala ka sa langit at ngiti mo'y nalukot,
Tapos na ang laro, at ika'y nilagnat ng poot —

Mabilis na pinunasan ni Karylle ang kaniyang mga luha nang marinig ang biglang pagtunog ng kaniyang phone. Kasalukuyan siyang nagmamaneho at binabaybay ang mabagal na pag-usad ng trapiko sa mahabang kalsada ng Roxas Boulevard. Hindi rin matigil ang pagbuhos ng ulan sa labas na tila dumadagdag sa kalungkutan at pagkabigong kaniyang nararamdaman.

"Hoy Medina! Nasaan ka na? It's been almost an hour since nagtext ka na you're already on your way. Please tell me you're near. Lasing na lasing na si Kathy dito pero wala ka pa rin," rinig niyang pagrereklamo ng babae sa kabilang linya.

Halatang maingay sa kung saan man naroroon ang kaniyang kausap kaya bahagyang inilayo ni Karylle ang kaniyang tenga sa phone, "Malapit na. I just got caught in traffic because of this stupid rain."

Napatingin naman si Karylle sa labas ng sasakyan. Lumalalim na ang gabi ngunit marami pa ring tao ang abala at nagmamadali na makauwi galing sa kani-kanilang mga trabaho. May iilan din namang napahinto sandali upang makisilong at hindi tuluyang mabasa ng ulan.

"Teka nga. Umiiyak ka ba?" napatikhim si Karylle nang mahalata ng kaibigan ang pag-iba ng kaniyang boses, senyales na umiiyak nga ito kanina pa. "At ano yang pinapakinggan mo diyan?"

Agad namang pinatay ni Karylle ang radyo ng sasakyan at nagpatuloy lang sa pagmamaneho. Ayaw niya sanang sagutin ang kabigan ngunit alam niyang pipilitin lang siya nito. "Nothing. Just a piece of spoken poetry from the radio."

"Alam mo, bilisan mo nalang diyan at pumunta ka na rito," sambit ng babae sa kabilang linya. Mula sa pagka-inip ay tila napalitan ng pag-aalala ang tono ng boses nito. "And please Karylle, kung maaari wag ka na lang makinig sa mga ganyang klaseng programa sa radyo. Lalo ka lang malulungkot niyan eh. Tandaan mo, that jerk ex-boyfriend of yours doesn't deserve any of your tears."

Napabuntong hininga naman si Karylle at sandaling pinagmasdan ang mahinang pagbuhos ng ulan sa labas, "Alam ko," ang tangi niyang naisagot bago nagpasalamat sa kaibigan at pinutol muna ang kanilang pag-uusap.

Muling napatingin si Karylle sa gilid ng kalsada at sa mga taong matiyagang naghihintay ng masasakyan pauwi. May magkasintahang magkahawak-kamay habang nakasilong sa isang payong at masayang nagbibiruan. Dahil dito, hindi maiwasan ni Karylle ang bahagyang makaramdam ng lungkot at pag-iisa.

Ilang araw pa lang magmula nang makipaghiwalay siya sa sarili niyang kasintahan. Nalaman ni Karylle na may iba na pala itong kinakasama bukod sa kaniya. At hanggang ngayon, malinaw pa rin sa kaniyang alaala ang gabing nahuli niyang magkasama ang mga ito sa iisang kwarto.

Hindi maalis-alis sa isipan ni Karylle ang larawan ng lalaking lubos niyang minahal habang hinahalikan nito ang ibang babae. Mahigit dalawang taon rin silang nagsama at mabilis na nawala ang lahat ng pinagsamahan nilang iyon dahil lamang sa isang pagkakamali.














Agad na inayos ni Karylle ang kaniyang sarili bago siya bumaba mula sa kaniyang sasakyan. Hinawi niya ang kaniyang mahabang buhok at sandaling tinignan ang mukha sa salamin.

El SueñoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon