Prologue

30K 1.5K 588
                                    

#DIABLOWattpadStory

Prologue

"NAGBABAGANG BALITA. Dalawang estudyante ng Edgewood Panorama College, patay sa aksidente."

Gumapang ang kilabot at napuno ng takot ang dibdib ko sa gulat matapos marinig sa balita ang pangalan ng bagong school na pinapasukan ko. Kahit sina mommy't daddy ay nagugulat na lumingon sa 'kin, magkakasama kaming naghahapunan. Pero wala nang nakapagsalita. Sa halip ay kinuha ko ang remote at nilakasan ang volume.

"Pasado alas siete ng gabi kahapon, araw ng Huwebes sa kasagsagan nang malakas na buhos ng ulan. Kuhang-kuha sa CCTV ng Calle Roxas, sa harap mismo ng Classic Village sa Batangas City, ang pagsalpok ng itim na motorsiklo sa kasalubong nito na puting pick-up van. Parehong mabilis ang takbo ng motorsiklo, maging ng van kaya naman ganoon na lang kalakas ang salpukan ng mga ito."

Lalong tumindi ang kaba ko habang pinakikinggan ang nagbabalita. Naka-flash sa screen ang kuha sa CCTV at mapapanood mismo ang lahat ng sinasabi nito.

"Makikita rin na matapos tumama ng motorsiklo sa van ay tumilapon ng ilang metro ang mga kaawa-awang biktima at nasagasaan pa ng magkasunod na pampasaherong dyip. Kinilala ang dalawang nasawi na sina Mikki Elustre at Jane Larah Burado. Parehong disi-siete anyos at college student ng Edgewood Panorama College."

"Oh, my God!" natutop ko ang bibig ko matapos marinig ang mga pangalan at mapanood mismo ang nangyari bagaman madilim at may kalayuan. "I know them," sabi ko kina mommy't daddy habang nakaturo sa TV. "They're my...friends," tuliro kong sabi saka muling itinutok ang paningin sa panonood.

Dinig ko ang pag-aalala ni mommy habang inaalo naman ito ni daddy. Pero ang atensyon ko ay napuno ng tanong sa kahindik-hindik na pangyayari kina Mikki at Jane Larah. Hanggang sa sandaling ito ay hindi pa rin ako makapaniwalang nangyari ito sa kanila, at hindi ko na uli sila makikita.

"Ayon sa mga nakasaksi ay kumaripas ng takbo ang puting pick-up van matapos ang nangyari. Sinubukan pa umano itong habulin ng ilang driver ng jeep at traysikel ngunit hindi na naabutan pa. May ilan ding nagsasabi na wala pang sampung metro ang layo ng mga biktima sa pinanggalingang bar. Ilang minuto matapos ang aksidente ay dumating ang mga pulis at ambulansya."

Habang sinasabi iyon ng tagapagbalita ay pinakita rin sa TV ang mga taong nagsipagtakbuhan papunta kina Mikki at Jane Larah. Ang karamihan sa mga 'yon, hindi man naririnig, nakikitang mag-panic. Maging ang mga jeep at tricycle na humabol sa destinasyon ng pick-up van.

"May mga saksi na nakakuha ng plate number ng puting pick-up van ngunit hanggang sa sandaling ito ay hindi pa iyon natutunton. Dead on the spot naman ang parehong estudyante. Siniguro ng sumuri sa labi ng dalawa na nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang mga biktima. Hanggang sa oras na ito ay wala pang nakukuhang impormasyon mula sa kanilang mga pamilya."

Tinapos na ng tagapagbalita ang breaking news pero ang paningin ko ay nakapako pa rin sa telebisyon. Nakaawang ang labi at hindi pa rin makapaniwala. Sino ang maniniwala? Kahapon lang ay magkakasama kaming tatlo. Aaminin kong hindi ganoon kalalim ang pinagsamahan namin nina Mikki at Jane Larah. Transferee ako sa Edgewood Panorama College at tatlong linggo pa lang ang nakalipas mula nang magsimula ang klase. Pero sapat na ang panahong iyon para magulat, matakot at malungkot ako sa nangyari sa kanila. Kahit sino yatang nasa sitwasyon ko ngayon, ganito ang mararamdaman.

Hindi ko nagawang ubusin ang dinner ko, lalo na nang magsimulang tumulo ang mga luha ko. Kahit anong pang-aalo nina mommy't daddy sa 'kin ay matagal bago ako napatahan. Hindi na talaga nawala sa isip ko ang balita, paulit-ulit kong nakikita ang napanood ko sa TV na nangyari sa kanila. Hindi ko alam kung tama bang hilingin na sana ay hindi ko na lang iyon napanood. Pakiramdam ko kasi ngayon ay hindi ako makakatulog.

Hindi ko maipaliwanag ang takot nang makabalik ako sa kwarto. Maliwanag naman dahil bukod sa lima ang ilaw, apat sa lahat ng sulok at isa sa gitna, nakabukas din ang ilaw sa bathroom ko. Sumulyap ako sa bintana at dali-daling isinara iyon at tinakpan nang makapal na curtain. Binuksan ko ang aircon, saka ako kumuha ng damit at at naligo.

Kapag ganitong weekend, Sabado pa lang ay tinatapos ko na ang homeworks at projects ko. Para pagdating ng Linggo, bonding na lang with my parents ang ginagawa ko. After dinner ay nagbababad ako sa bath tub ng kalahating oras at matapos mag-shower ay nahihiga na para mag-Netflix hanggang sa makatulog. Pero parang ayaw kong magbabad sa bath tub ngayon. Maging ang pagsha-shower ay minadali ko. Nahiga agad ako sa kama at hinila ang comforter hanggang sa kalahati ng mukha ko. Dati-rati ay hilig kong manood ng horror, suspense o thriller Netflix movies. Pero sa sandaling ito ay 'yong food documentary ang pinanood ko, umaasang kahit papaano ay mawawala ang balita sa isip ko.

Pero intro pa lang ang napapanood ko, nilamon na naman ng nangyari ang isip at atensyon ko. Na kahit naroon sa Netflix ang aking paningin ay ang napanood ko sa balita ang nakikita ko.

Bakit sila magkasama? Alam kaya ni Devon ang tungkol dito?

Jane Larah is in a relationship with Devon whose best friends with Mikki. Siya rin ang vocalist ng banda na kinabibilangan din ng dalawang nasawi. Ang totoo, noon pa man ay naghihinala na ako sa sa relasyon nina Mikki at Jane Larah. Madalas ko kasi silang nahuhuli na kakaiba ang tinginan at nag-uusap nang palihim, pero hindi sapat na proof 'yon para mapatunayan ang hinala ko. Nadagdagan ang hinalang 'yon ngayon, at hindi ako makapaniwalang sa kabila ng nangyayari ay pinaghihinalaan ko pa ang dalawang nasawi.

Nilingon ko ang aking cellphone nang maisip si Devon. Okay lang kaya siya? Sa kabila ng nangyari, gano'n ang tanong sa isip ko. Kahit alam ko na rin ang sagot. Sino ang magiging okay matapos mamatayan ng bestfriend at girlfriend?

Pero sa halip ay pabuntong-hininga kong inabot ang cellphone. Bago ko pa man mapigilan ang sarili ay nagri-ring na ang linya ni Devon.

"Hello?"

Natigilan ako nang sagutin niya ang linya. "I heard what happened, I'm...sorry." Dinig ko siyang bumuntong-hininga sa kabilang linya. "Are you...okay?" dagdag ko.

"Oo, bakit?"

Hindi ko inaasahan ang sagot niya. Nilingon ko ang screen ng phone para siguruhing si Devon nga ang tinawagan ko. Hindi ako nakasagot agad, pinag-isipang mabuti ang itutugon ko.

"Ngayon...pwede ka nang maging member ng banda,"kapagkuwa'y dagdag niya, lalo akong natigilan. "Wala na sina Mikki at Jane Larah."

Sa gulat ay napatitig ako sa TV kung saan magkahalong itim at pulang sarsa ang ibinubuhos sa maitim na karne ng baka. Hindi ko maintindihan kung bakit ang tanawing iyon ay dumagdag sa kakaibang pakiramdam na dinulot sa 'kin ng mga huling sinabi ni Devon.

To be continued. . .

DIABLO : Sound Of DangerWhere stories live. Discover now