#TSKabanata21:
"Heto na!" nakangiti kaming binigyan ni Gideon ng tig-isang yakult ni Eleazar at naglapag din siya ng tig-iisa naming straw.
Tinaasan ko siya ng kilay habang si Eleazar naman ay pilit ipinapakitang nagtatampo siya na sa tingin ko naman ay tumatalab talaga kasi humaba na naman ang nguso ni Gideon at mukhang nawawalan na ng ideya sa kung ano ang gagawin para mapaamo ang kaibigan.
Ewan ko ba rito kay Eleazar. Sa loob ng halos isang linggong wala sa mood si Gideon at bihira lang kaming kausapin ay halos gawin niya na ang lahat para kausapin siya nito pero ngayon naman na ito na ang lumalapit ay nagpapakipot pa siya.
Napa-irap na lang ako nang makitang nakahawak na si Gideon sa siko ni Eleazar. Para naman silang magkarelasyon na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan at ngayon ay nagsusuyuan. E ano naman ang papel ko rito? Audience?
"Libre ko na nga 'tong snack na 'tin tapos ayaw mo pang kunin. Para ka namang others," rinig kong sabi ni Gideon habang pilit na hinawakan ang braso ni Eleazar.
"Hindi ko naman sinabing ilibre mo kami ah, ikaw ang nagkusa. Baka nakakalimutan mo na 'yong lesson natin sa ESP kahapon. Kusa mo kaming nilibre, hindi ka namin pinilit kaya wala kaming responsibilidad at pananagutan sa kilos mong 'to."
Napangiwi na lang ako habang pinipigilan ang sariling matawa.
Kinausap kami kanina ni Gideon at ipinaliwanag niya sa amin kung bakit ganoon siya nitong mga nakaraang araw. May pinagtalunan sila ni Audriette pero hindi niya na sinabi kung ano man 'yon.
Natutuwa ako na ayos na siya ngayon. Hindi naman ako nagtatampo dahil doon kasi nga naiintindihan ko siya at alam kung ganoon din si Eleazar. Hindi ko lang talaga alam kung bakit nagtatampo-tampuhan 'to ngayon, baka gumaganti lang.
"Bakit may pa-straw pa?" Nagsalita na ako bago pa umiyak si Gideon sa pag-iignora sa kaniya ni Eleazar.
Nilingon ako ni Gideon, ngumiti siya na para bang natutuwa kasi hindi ako nag-iinarte kagaya ng ginagawa ngayon ni Eleazar. "E gusto kasi nitong si Dos na may straw kasi gusto niyang gayahin 'yong nakita niya sa KDrama. Lately kasi naaadik na 'to sa panonood ng KDrama e."
Napatingin ako kay Eleazar. Hindi ko alam na nanonood pala siya ng mga ganoon. Pero kung sabagay, maganda raw ang mga KDrama sabi ng mga kaklase ko. Hindi kasi ako nanonood masyado ng TV o kaya ng mga series dahil abala ako sa pag-aaral at medyo nanlalabo na rin ang mata ko, mas palalain lang kung manonood pa ako ng mga ganoon.
Nang makita ni Eleazar na nakatingin ako sa kaniya ay parang nahihiya pa siya kaya tinaasan ko siya ng kilay.
"Bakit? Bawal ba manood ng KDrama? E sa favorite namin 'yon ni Mama at Lola e!"
"Wala naman akong sinasabi ah!" natatawang saad ko.
Sinamaan niya ako ng tingin bago kinuha ang yakult at malakas na itinusok ang straw rito. Binalingan niya si Gideon na naghihintay ata sa opinion nito tungkol sa yakult na para bang siya ang gumawa n'on.
"Ano, masarap ba?" umaasang tanong ni Gideon.
Binalingan siya ni Eleazar, "Yakult lang ba?"
Mabilis pa sa alas kuatrong binuksan ni Gideon ang bag niya at may kinuha sa loob niyon. Inilabas niya ang isang box na naglalaman ng tatlong cupcake. Binuksan niya 'yon at binigyan kami.
Nahuli ko ang ngisi ni Eleazar habang abala si Gideon sa paglalapag ng mga cupcake sa harapan namin. Noong nakita ni Eleazar na nakatingin ako sa kaniya ay iseneyas niyang 'wag akong maingay.
Talagang pinag-ti-tripan niya nga si Gideon.
Ilang araw na naging ganoon ang mga pangyayari. Bumabawi si Gideon sa amin ng dahil sa ilang araw niyang cold treatment habang nagpapabebe naman si Eleazar at tuwang-tuwa sa mga nagiging reaksiyon ni Gideon. Pagsasabihan ko na sana siya pero kalaunan ay natigil din ang ganoong akto niya at tuluyan na nga silang nagka-ayos.
BINABASA MO ANG
Tangled Strings (Growing Up Series#1)
Teen Fiction(First Installment of Growing Up Series) STORY DESCRIPTION: Felumina may be the brightest student in their school but no one knows that behind those intimidating eyes, stoic expression, and hundreds of certificates and medals hides a lonely girl wit...