Mageia XCII: Reyna Juno

57 5 0
                                    

Kate's POV:

Sinag ng araw ang gumising sa aking nakapikit na mga mata. Pinakiramdaman ko muna ang aking sarili saka ko ibinaling ang aking ulo upang tingnan ang aking paligid. Makailang ulit akong napakurap saka ko pa lamang napagtanto kung nasaan ako.

Bumukas ang pintuan at pumasok si ate Ves kaya't alam kong tama ang aking hinuha na nasa paraiso na naman ako ng mga diwata.

Dahan-dahan akong bumangon at nang wala naman akong maramdamang kirot sa aking katawan ay agad akong tumayo. Di ko lang alam kung kumusta na kaya ang katawang lupa ko ngayon. Matapos ang aking mga naranasan mula sa mga kidlat ay di na ako sigurado kung nasa maayos pa kaya ang aking mga buto at kalamnan.

"Kumusta, Kate? Maayos lang ba ang iyong pakiramdam?", tanong niya nang makalapit siya sa akin. 

Hindi agad ako nakasagot sa kaniyang tanong. Tila ba mahirap para sa aking sagutin ang katanungan niyang iyon. 

Kumusta nga ba ako?

Ngumiti siya sa akin kaya't sinuklian ko rin ito ng mabining ngiti. Ngiting alam kong hindi naman umabot sa aking mga mata.

"Gusto ko po sanang magpahangin.", mahina kong wika. 

Tila naintindihan naman niya ang nais kong sabihin kaya't tumango siya at inakay ako palabas ng silid.

"Paano niyo nga pala nalamang nandito ako? Nasaan yung iba?", mayamaya ay tanong ko.

"Sa tuwing darating ka ay ramdam naming lahat ang iyong presensya. Ako ang nagpresentang salubungin ka ngayon kaya't ako lamang ang una mong nakita."

"Eh, bakit po laging sa silid na iyon ako nagigising?"

"Hindi ko rin alam. Mukhang ang lugar na iyon ang tumatak sa iyong kamalayan sa tuwing gugustuhin mong magpunta dito. Mula nung una mong higa sa silid na iyon ay palagi na nga namin iyong nililinis."

Nang marinig ito ay tumango na lamang ako at di na nagtanong pa.

"Gusto mo bang puntahan iyong iba?", tanong niya nang umabot na kami sa may hardin. Huminto na rin muna ako saka siya hinarap.

"Hindi na muna. Gusto ko na munang mapag-isa, ate Ves. Nais kong magpunta doon sa may batis. Maaari mo ba muna akong iwan?"

Tumitig muna siya sa akin saka dahan-dahang tumango at tumalikod. Nang tuluyan na siyang maglaho sa aking paningin ay saka ko pa lamang tinungo ang direksiyon ng batis.

Nang marating ko ang aking sadya ay kaagad akong napasalampak ng upo sa damuhan pasanday sa malaking puno na nakadungaw sa malinis na tubig ng batis. May kalamigan ang sariwang hangin na umihip papunta sa aking direksiyon kaya't bahagya akong napapikit upang samyuhin ito saka ako nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.

Nasa malalagong puno sa kabila ang aking paningin nguni't ang aking isipan ay wala dito. Muli kong inalala ang pangyayari doon sa palasyo nila Chris. Ang pagtalikod sa akin ng inakala kong aking mga kaibigan at ang tama ng mga kidlat.

Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kung maramdaman sa ngayon nguni't isa lang ang sigurado ako, nasasaktan ako. Tila ba pinunit ang aking puso at unti-unting may namumuong galit dito. Nguni't di ko lang alam kung para kanino ba dapat ang galit na aking nararamdaman. Kung para ba sa kanila, sa aking mga magulang na hanggang ngayon ay di ko pa kilala, sa isinumpang diwata na nasa aking katawan, o sa aking sarili mismo.

Muli akong napabuntong-hininga saka pumikit.

"Ang lalim nun ah. Mas malalim pa yata sa batis na iyan.", tinig mula sa itaas. Alam kong nakaupo siya ngayon sa may sanga.

MAGEIA Unang Yugto: Ang Nakatagong AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon