Your Wings: Three

44 4 0
                                    

3

Pinayuhan ako ng doctor na huwag muna pumasok ngayong araw. Mas maganda daw na magpahinga ako at inumin ang mga ibinigay niyang mga gamot para mas umayos ang pakiramdam ko. Nag chat na din ako kay Shai para i-excuse ako sa mga teacher namin. Dinahilan ko na lang na masama ang pakiramdam ko ngayong araw kaya hindi ako makakapasok. Marami pa siyang mga tanong pero hindi ko na nireplayan ang mga ito. Wala akong balak sabihin sa kanya ang nangyari kahapon at paniguradong mag aalala lang 'yun.

Nakakatawa lang dahil buti na lang ay naiwan ko ang bag ko sa cr ng bakery kahapon. Tutal ay hindi kalayuan ang bahay namin ay idinala ito ni Xav at nasaktuhan naman niya akong nakahiga sa lapag habang namimilipit sa sakit.

Tumayo na ako mula pagkakahiga at dumeretsyo na sa cr para maligo. Nakita ko ang sarili ko sa salamin. Naawa ako sa repleksyong nakita ko. Isang babaeng walang ngiti. Mababakas sa mukha ang pagod. Tinignan ko ang mga mata ko. Ang lungkot, ang lalim, tila walang emosyon pero ano mang oras ay maaring sumigaw.

Nag dadrama lang ba ako?

Nalulungkot?

Kababawan lang ba 'to? Malamig na tubig ang humaplos sa katawan ko ng buksan ko ang shower.

Bakit parang ang bigat?

Bakit para akong nalulunod? Tumingala ako ng maramdamang nanggigilid ang mga luha sa mata ko.

'Pag nagasgasan ka alam mo kung saan ang masakit, kung saan ang nagdurugo, kung saan dapat tapalan ng benda, o kung saan ang dapat gamutin. Pero may ibang sugat na hindi puwedeng magamot ng kahit anong medesina. Sugat na walang kasiguraduhan kung kailan maghihilom, kung hanggang kailan magdurugo, at kung kailan mawawala ang sakit.

Pagkatapos maligo ay pinagod ko ang sarili ko sa paglilinis ng bahay maghapon. Alam ko na 'pag huminto ako ano mang oras ay kung ano ano nanaman ang maiisip ko. Masyadong tahimik ang bahay ngunit masyado ding maingay ang isipan ko.

Mag aalas kwatro ng mayari akong maglinis. Tinignan ko ang buong paligid ng bahay. Matagal tagal na rin simula ng naging ganito kaaliwalas ito. Wala na kasi akong gaanong oras dahil sabay sabay halos ang mga ginagawa ko. Hihiga na sana ako sa kama ng biglang may kumatok sa nakabukas na pintuan. Nakita ko si Xav na nakatayo sa harapan na nakasuot pa ng uniform.

"Hi Ms. Pipe!" Nakangiti itong kumaway at lumapit. "Kamusta ang pakiramdam mo?" Tanong niya sabay upo sa upuan ng lamesa.

"Bakit ka nandito?" Nag tatakang tanong ko sa kanya.

"Dinalan kita ng ulam. Pinapadala ni Papa at pinapakamusta ka din pala niya." Ibinaba niya sa lamesa ang tupperware na may lamang ulam. "Chineck ko din kung ayos ka lang." Dagdag niya.

"Paki sabi kay Tang Alfred salamat." Sambit ko. "Salamat din pala kagabi Xav. Bawi ako next time 'pag ikaw naman ang may kailangan ng tulong." Nginitian ko siya.

Tumayo si Xav at inilibot ang paningin sa loob ng bahay. "Ang linis ng bahay mo ah." Lumapit siya sa may bintana. "At ang ganda ng view. Panigurado magandang tumambay dito 'pag papalubog na ang araw." Lumapit siya sa akin. "Hmmmm. May gagawin ka ba?" Bigla niyang tanong.

"Wala naman." Sagot ko.

Inabot niya ang kamay niya. "Tara sama ka sa akin may pupuntahan tayo."

Tinignan ko ang kamay niya. "Saan tayo pupunta?" Nagulat ako ng hablutin niya ang kamay ko.

"Tatakas tayo pansamantala sa mundo mo." Wala na akong nagawa at hinayaan ko na lang siyang hatakin ako.

Sakay ng motor niya ay dinala niya ako sa plaza. Nang makarating ay umupo kami sa may damuhan na nasa lilim ng isang puno. "Diyan ka lang at may bibilin lang ako." Pagpapaalam ni Xav at umalis na papunta sa mga nag titinda ng mga pagkain.

Tinignan ko ang paligid, matagal tagal na rin simula noong tumambay ako dito. May mga kaunting nag bago tulad ng mga bagong pinturang mga upuan, palaruan ng bata, at mas maayos na stage. Tama lang ang dami ng mga taong nandito ngayon. Merong mga magkakaibigan, pamilya, may mga naka uniform din, at may mga naglalarong bata. Mababakas sa mga mukha nila ang ngiti.

Dumating na si Xav. "French fries?" Inabot niya ito at umupo sa tabi ko.

"Anong gagawin natin dito?" Sumubo ako ng isang piraso ng french fries.

Uminom siya ng palamig. "Wala naman. Mag rerewind. Tatakas sa paulit-ulit na routine ng buhay." Ibinaba niya ang kinakain niya.

"Miss Pipe tignan mo sila." Tinutukoy niya ay ang mga taong nasa harapan namin.

"Lahat sila ay may kanya kanyang baon. May kanya kanyang laban. Lahat sila may istorya. Pero hindi lahat puwedeng i-kwento." Tumingin siya sa akin. "Ikaw miss Pipe? Hanggang kailan mo iisiping pagiging matatag ang pagsasarili sa problema?"

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko sabay higa sa damuhan. Naramdaman kong humiga din siya. "Alam mo Xav, nangangamba ako kung nasa kalagitnaan na ba ako ng tinatanaw kong bukas, kung umuusad pa ba ako, o hanggang ngayon ay nasa puwesto pa rin ako kung saan nagsimula ang lahat." Napalunok ako. "Natatakot ako." Pinikit ko ang mga mata ko. "Natatakot ako na baka hanggang ngayon nakatayo pa rin ako at hindi humahakbang."

Ilang minutong katahimikan ang namagitan sa aming dalawa ng sambitin ko ang mga iyon. Tatayo na sana ako ng biglang magsalita si Xav.

"Isa sa mga dahilan ng paglipad ng ibon ay dahil gusto niyang makita ng mas maganda ang paligid nito. Mas mataas mas maganda ang mga tanawin. Pero dahil sa paglipad ng mataas, bumababa din ito para magpahinga." Minulat ko ang aking mga mata at nakita ang mga ibong malaya sa paglipad. Sumasabay sila sa bawat bugso ng hangin. Tila lumalangoy sa mga alon ang mga pakpak nila. Sa puntong iyon napagtanto ko, hindi pa pala ako lumilipad ng mataas. Pero pakiramdam ko pagod na pagod na ako.

"Xav. Sa tingin mo tulad ng iba kaya ko ding lumipad ng mataas?" Hindi ko alam kung bakit bigla kong naitanong iyon.

Tumayo siya at inabot ang kamay niya sa akin. "Hindi mo kailangang sumabay. Kailangan mo lang ay maniwala at magpatuloy." Ngumiti siya at inabot ko ang kamay niya.

Umalis na rin kaming plaza upang umuwi. Sa kalagitnaan ng daan ay kitang kita ko ang paglubog ng araw. At sa unang pagkakataon, hindi lang takip silim ang kasama ko. Humawak ako sa baywang ni Xav. "Xav. Salamat sa pagsama." Sumandal ako sa likod niya at ipinikit ko ang mga mata ko.

Ilang minuto lang ay nakarating na kami sa bahay. Bumaba na ako sa motor niya. "Thank you Xav. Ang dami ko ng utang sayo."

Ngumiti siya sa akin. "Papasok ka na bukas Ms. Pipe?" Tanong niya.

Nag isip pa ako kunwari. "Hmmmmm. Oo. Ayos na pakiramdam ko." Ngumiti ako pabalik.

"Alam mo mas lalo kang gumaganda 'pag ngumingiti ka at ang mata mo." Tumawa siya at bigla naman akong nahiya. "Oh sya. Una na ako at walang katulong si Papa sa bakery." Pinaandar niya ang motor niya. "At siya nga pala, kainin mo yung ulam na dinala ko. Ako nagluto nun." Bumusina siya bago umalis.

"Ingat Xav!" Sigaw ko sa kanya bago siya tuluyang makalayo.

Pumasok na ako sa loob ng bahay. Tinignan ko ang tupperware na dinali ni Xav at inangat ko ito. Napansin ko agad ang sulat na nakalagay sa ilalim nito kaya kinuha ko at binasa.

"Someone out there feels better because you exist."

-Xav

Napangiti ako. "And now, it feels good to feel existing." Bulong ko.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 06, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Your WingsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon