Napangiwi si Carina dahil sa mahigpit na pagkakahawak ni Leonerre sa kaniyang maliit na braso.
Nanginginig sa takot ang dalaga sa naging mabangis na anyo ng binatang kaharap.
"Uulitin ko, kilala mo ba ang may-ari nitong singsing?" Mapanganib pa rin ang naging boses ng binata.
Hindi alam ni Carina kung ano ang isasagot kay Leonerre.
Nalilito ang dalaga sa biglaang ginagawi ng prinsipe. Maraming ring mga katanungan ang naglalaro sa kaniyang isipan.
'Kung bakit ba nagkakaganito ang prinsipe ng dahil lamang sa singsing?'
Mas nakakatakot pa ngayon si Leonerre kaysa sa una nilang pagtatagpo.
Ngunit kahit anuman ang dahilan sa isip ng dalaga ay hinding-hindi niya maaring sabihin na pagmamay ari ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Ysabella ang singsing dahil sa maraming mga posibleng mangyari.
'Ano ba ang kinalaman ng singsing sa kamahalan?' naguguluhang tanong ni Carina sa sarili.
Ngayon lang napansin ni Carina ang pagkakapareho ng kulay ng diyamante ng singsing sa maningning na kulay gintong mga mata ng binata.
Pumasok sa isipan ng dalaga na ito marahil ang dahilan kung bakit pamilyar sa kaniya ang kulay ng mga mata ng ikalawang prinsipe kahit noong una niya pa lamang itong nasilayan.
Huminga ng malalim ang dalaga upang pakalmahin ang kaniyang sarili bago bigkasin ang mga kasinungalingan sa kaniyang bibig.
"S-sa.. a-akin po ang singsing na iyan, kamahalan!" Nahihirapang bigkas ni Carina. Walang pagpipilian ang dalaga kundi ang magsinungaling muli sa binata.
Natigilan naman si Leonerre ng dahil sa sinabi ng dalaga.
"Sa iyo?"Hindi makapaniwalang sabi ni Leonerre.
"S-sa akin nga kamahalan." paninindigan ng dalaga sa kaniyang kasinungalingan.
"I-ilang araw ko na pong hinahanap ang singsing na iyan, n-natutuwa po ako na nahanap ito ng kamahalan." dagdag pa ng dalaga sa kabila ng panginginig upang paniwalain si Leonerre.
Namayani ang saglit na katahimikan sa pagitan nilang dalawa.
Ang mabangis na mukha ni Leonerre ay unti-unting nang humihinahon.
Unti-unti ring lumuwang ang pagkakahawak ng binata sa braso ng dalaga. Bumalik muli sa pagiging walang emosyon ang mukha ng prinsipe.
"Naaalala mo ba kung kanino nanggagaling ang singsing?" napatigil muli si Carina sa naging katanungan ng binata.
Pilit na inaalala ng dalaga kung kailan nga ba natanggap ni Ysabella ang singsing.
Naaalala ng dalaga na noong mga bata pa sila ay parating kinukwento ng kaniyang nakatatandang kapatid ang hinggil sa batang lalaking nagbigay nito.
'Ang ikalawang prinsipe ba ang tinutukoy noon ng ate Ysabella?'
Hindi sigurado si Carina ngunit sa kaniyang alaala ay nagsimula itong pakaingatan ni Ysabella sampung taon matapos ang kanilang naging pagdalaw sa palasyo.
"H-hindi ko na po lubos na maalala aking kamahalan, dahil musmos pa lamang ako ng matanggap ang singsing. Ang tanging naalala ko lamang ay natanggap ko ito sampung taon matapos ang naging pagdalaw namin sa palasyo." wika ni Carina.
Natahimik muli ang ikalawang prinsipe.
Tuluyan na nitong binitawan ang pagkakahawak sa braso ng dalaga.
Pagkatapos ay dumaan ang sari-saring emosyon sa mukha ng binata habang nakatitig sa mga mata ni Carina.
Pinaghalong lungkot,tuwa at labis na pangungulila ang nakikita ng dalaga sa ginintuang mga mata ng prinsipe.
BINABASA MO ANG
I BECAME THE TYRANT's LOVER
RomanceNagising si Carina, dalawang taon bago sumapit ang mapait na trahedya ng kanilang pamilya. Nangako ang dalaga na gagawin niya ang lahat, mailigtas lamang ang kaniyang pamilya sa pangalawang pagkakataon. Kahit maitali man ang kaniyang buhay sa kamay...