Kabanata 29

187 22 2
                                    

Kabanata 29

Pagluha

Hindi ko alam ngunit tuwing umuulan ay nakararamdam ako ng matinding kalungkutan.

Katulad ng madilim na kalangitan, tila nawawalan din ng kulay ang aking mga mata. Wari'y nabubulag sa kadilimang natatanaw...

Tulad ng pagbuhos ng ulan, gano'n din ang aking mga luha, tumutulo nang hindi ko namamalayan. Tumutulo na tila wala ng katapusan...

Sinabi kong ang kapalit ng kalungkutan ay ang kasiyahan na siyang naramdaman ko sa halos araw-araw na binigay ng maykapal.

Dahil tila isang gulong ang buhay, ngayon ay binibisita naman ako ng kalungkutan.

Nagbuntong-hininga ako.

Halos sakupin na ng tsismis tungkol kay nanay ang buong lugar namin. Na kahit saan ako mapunta ay tila lahat ng tao ay may alam. Araw-araw niyong binabagabag ang aking utak kaya naman hindi na ako masyadong lumalabas ng bahay kahit gustong-gusto ko.

Gusto kong tanungin si nanay para naman maliwanagan ang aking isip, ang kaso ay palagi siyang wala sa bahay. May pagkakataong hindi na rin umuuwi na siyang dumagdag sa aking mga iniisip.

Tulad ngayon, gabi na ngunit wala parin siya. Nag-aalala na ako at nag-iisip kung pupuntahan ko ba siya sa bahay ng mga Montez o hindi.

Bumuntonghininga muli ako at nagpasyang tawagan nalang si Arridhaios, kaso ay hindi sumasagot. Laglag ang aking balikat habang unti-unti nang nagpapasakop sa kalungkutan. Ilang araw na rin kasing hindi kami nagkakausap, alam kong abala siya sa pagtatrabaho ngunit dati naman ay may oras siyang inilalaan para sa akin. Gusto kong ilabas sa kaniya ang aking mga hinaing dahil alam kong isa siya sa mga makapagpapagaan ng loob ko.

Kaso ay wala siguro siyang oras.

Nakatulog akong basa ang unan sa kakaiyak. Kinaumagahan ay umaasa akong nakauwi na si nanay ngunit hanggang ngayon ay wala parin. Nakaramdam na ako ng gutom at walang ibang magawa kundi lumabas upang bumili ng pagkain. Mabuti nalang at mayroon namang iniwang pera si nanay para sa gastusin sa bahay.

Nakasara ang aking dalawang taenga nang dumaan sa harapan nina Aling Paz. Ayaw ko na silang pakinggan dahil punong-puno na nga ng alalahanin ang aking utak, hindi ko na kayang makinig pa sa mga parinig nila.

"Kaawa-awang Galilee, naghagad pa ng isang del Allegre, e wala namang tyansang seryosohin iyan dahil masyado pang bata."

Saglit akong natigilan. Ayaw kong makinig ngunit hindi ko talaga maiwasan lalo na't nabanggit nila ang apelyido ni Arridhaios.

Pumintig ng malakas ang aking puso sa sobrang nerbiyos na naramdaman. May alam na ba sila?

"Matagal na raw iyan humaling na humaling sa isa sa magpipinsang del Allegre, pinansin lang daw ng isang beses, gumugusto pa!"

"Mana nga talaga sa nanay niya. Mga mataas ang pangarap, mga malalandi."

Pumikit ako ng mariin at hindi na iyon pinansin. Bumalik nalang ako sa bahay at tiniis nalang ang gutom na nararamdaman. Umiyak ako maghapon, namamanhid na naman ang katawan at ni pagkagutom ay hindi na maramdaman.

Ilang beses akong sumubok na tawagan si Arridhaios ngunit ang sabi ay nakapatay daw ang kaniyang cellphone.

Gustong-gusto kong tumakbo patungo sa bahay nina Dette ngunit alam kong may pinagdadaanan siya dahil ilang beses ko na siyang pinadalhan ng mensahe ngunit ni isa ay wala siyang sinagot. Ang huli naming pagkikita ay noong isinama kami sa kaarawan ni Zehnaida.

Hanggang sa sumapit ang gabi ay wala akong tigil sa kakaiyak, pakiramdam ko nga ay wala ng mailabas na luha ang mga mata ko. Naninikip na rin ang dibdib at sumasakit na ang tiyan sa sobrang pagkagutom, naghalo-halo na hanggang sa tangayin ako ng antok.

Whispers of the Hurricane (El Diego #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon